Search This Blog

Tuesday, June 30, 2020

PAGLILINGKOD NG LINGKOD NG DIYOS

Ang sulat ni Apostol Pablo sa mga taga-Filipos ay isa sa mga sulat niya nang siya ay nakakulong at nalalapit na ang sariling kamatayan. Sa kabila nito, ang sulat niya ay sulat na puno ng pagpapahayag ng kagalakan kahit sa kalagayang dapat ay nawalan na siya ng pag-asa. Ang Iglesia sa Filipos ay kinikilalang isa sa mga iglesiang naitatag ni Pablo sa kanyang 2nd Missionary Journey. Ang mga taga-Filipos ay namulat sa pagsamba sa emperador at sa mga diyus-diyosan. Ilan sa mga naakay niya sa pananampalataya sa lugar na ito ay si Lydia at ang bantay-kulungan. Isa sa mga layunin ng kanyang pagsulat ay ang pakikipagbalitaan sa kalagayan ng mga mananampalataya sa Filipos at sa pagkukwento ng kanyang kalagayan sa kulungan. Ang sulat niya sa mga taga-Filipos ay sulat ng isang lingkod ng Diyos, isang pastor, na nagmamalasakit sa kalagayan ng mga mananampalataya.


Si Apostol Pablo ay may pasaning alagaan ang mga mananamapalataya sa Filipos bilang tagapagtatag ng iglesia dito. Noo’y nagpapakita siya ng kanyang pastoral duty para sa mga ito. SapagKat isa pa sa layunin ng kanyang sulat ay ang pagsansala at pagtutuwid sa mga bulaang guro noon na maaaring makapandaya sa mga taga-Filipos. Sinimulan niya ang sulat sa pagpapadama ng puso ng isang pastor.


Tatlong katangian ang ipinakita ni Apostol Pablo sa bahaging ito na maaaring magpalakas sa ministeryo ng isang lingkod ng Diyos at maipaunawa sa mga mananampalataya ang kanilang puso.

Una, sa talatang 3-6, ang lingkod ng Diyos ay NAGAGALAK SA BUHAY NG MGA TAONG KANYANG PINAGLILINGKURAN. Ang magagandang ginagawa ng mga kapatiran, lalo na ang pagdadala ng Magandang Balita ay nagreresulta ng panalanging puno ng kagalakan at pasasalamat ng Pastor. Sa kabaligtaran, kalungkutan ng isang Pastor ang mga balitang hindi maganda tungkol sa kapatiran lalo na ang katamaran sa pagpapalaganap ng Ebanghelyo.

Ikalawa, sa talatang 7-8, ang lingkod ng Diyos ay PINAHAHALAGAHAN ANG MGA TAONG KABILANG SA KANYANG KAWAN. Sa pagsasabi ni Apostol Pablo na ang mga taga-Filipos ay nasa kanyang puso at ang muli silang makita ay kanyang pinananabikan ay nagpapakita ng malalim na pagpapahalaga sa mga ito. Ang mga taga-Filipos ay nagpapahalaga rin naman sa kanya sa pamamagitan ng mga tulong na ipinararating sa kanya (4:10-20).

Ikatlo, sa talatang 9-11, ang lingkod ng Diyos ay TAIMTIM NA DUMADALANGIN PARA SA IGLESIA. Ang isa sa pangunahing ministeryo ng isang Pastor ay panalangin para sa kanyang kawan. Panalanging sumagana sa pag-ibig at pagkaunawa upang mapili nila ang pinakamahalaga. Panalanging maging malinis at walang kapintasan ang uri ng buhay, sagana sa mga kaloob, sa karangalan at ikadadakila ng Diyos.

 

Ang paglilingkod ni Pablo para sa mga taga-Filipos ay hindi “one-way-ticket.” Ang kagalakan niya ay nakaugat sa mabuting balita tungkol sa magandang uri ng pamumuhay ng bawat mananampalataya. Ang pagpapahalagang ginawa niya para sa mga ito ay sukli sa ginawang pagpapahalaga sa kanya. At ang taimtim na panalangin niya ay may layunin para sa ikabubuti ng mga taga-Filipos na malaking kagalakang makita ng isang lingkod ng Diyos. Kaya naman, habang siya ay nagagalak, nagpapahalaga at dumadalangin para sa mga taga-Filipos, ang mabuting ugnayan sa pagitan nila ang napakainam na resulta.


Pastor Jhun Lopez


____________________________
Nakaraang blog: DAAN PATUNGO SA KRUS

Monday, June 29, 2020

DAAN PATUNGO SA KRUS

Ang daang nilakaran ng Panginoong Jesus patungo sa lugar na pinagpakuan sa Kanya ay tinatawag na Via Dolorosa. Ibig sabihin nito ay Daan ng Paghihirap. Humigit-kumulang sa 600 meters ang lakaring ito. Madaling lakarin kung patag ang daan at walang pasan-pasan. Ang daan ay naging mahirap sapagkat pasan-pasan Niya ang krus na maaaring nasa 11 feet ang haba at ang bigat ay nasa 135 kilograms, mahigit sa dalawang sakong bigas ang bigat. Higit pa roon, sa mga tagpong nakapalibot sa Kanyang pagkapako ay ang mga dinanas pa Niyang pagpapahirap sa kamay ng mga tao. Sa gabing ito, ating puntahan ang daan patungo sa krus ng Panginoong Jesus.”


Ipinahayag ng Panginoong Jesus na ang Kanyang kaharian ay hindi sa sanlibutang ito. Na sa hindi direktang pagsasabi, inaamin Niyang Siya ay isang hari. Hindi ito naunawaan ng mga Judio. Sa halip, inakusahan pa Siyang “sinasabi niyang siya'y Anak ng Diyos” (t. 7) at para sa kanila ay nagpapanggap Siyang hari nang sabihin nilang, “Ang sinumang nagsasabing siya'y hari ay kalaban ng Emperador” (t. 12). Sapagkat ang unawa nila, ang paghahari ng Panginoong Jesus ay isang  pisikal na kaharian. Hinatulang mapako sa krus ang Panginoong Jesus.


Anu-ano ang mga hirap na naranasan ng Panginoong Jesus?

(1) Bago Siya hatulang mapako sa krus (t. 1-16). Siya ay ipinahagupit ni Pilato, ipinatong sa ulo Niya ang koronang tinik at sinuotan Siya ng balabal na kulay ube. Pinagsasampal Siya pagkatapos nilang sabihing, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” Isang napakalaking pagpapahiya sa taong nagsabing Siya ay hari ng isang kahariang hindi sa sanlibutang ito. Walang nagawa si Pilato na Siya ay palayain sa kabila na walang makitang pagkakasala sa Kanya. Nanaig ang taumbayan.

(2) Nang Siya ay mapako sa krus. Ang nilakaran Niyang humigit kumulang na 600 meters na may pasang mahigit sa dalawang sakong bigas ang bigat ay napakahirap. Idagdag pa rito ang panunuya at panlalait ng mga tao. Ang isinulat ni Pilato sa itaas ng krus na, “Ang Hari ng mga Judio” ay tinutulan ng mga punong pari. Kinuha ng mga kawal ang Kanyang damit at pinagpalabunutan. At sa harap ng krus, ang nag-iisang alagad Niyang naroroon ay si Juan lamang. Nang Siya ay mamatay, kinailangan pa Siyang sibatin sa tagiliran upang matiyak na Siya nga ay patay na. Ang daan patungo ng krus ng Panginoong Jesus ay lubhang nakahihiya at napakahirap.

Ipinatotoo ni Apostol Pablo na ang kamatayan ng Panginoong Jesus sa krus ay pagpapadama ng pag-ibig ng Diyos (Roma 5:8). Ipinahayag niyang siya ay kasamang napako sa krus at ang nabubuhay na sa kanya ay ang Panginoong Jesus (Galacia 2:20). Ito ang iniutos niyang tularan ng mga taga-Filipos, ang pagpapakumbaba ng Panginoong Jesus hanggang sa kamatayan sa krus (Filipos 2:6). At sipinahayag naman ni Apostol Pedro, “si Cristo na walang kasalanan ay namatay nang minsan para sa inyo na mga makasalanan, upang iharap kayo sa Diyos” (1 Pedro 3:18).


Ang daan patungo sa krus ng Panginoong Jesus ay pagtubos sa kasalanan natin. Walang makapapantay sa hirap na dinanas Niya. Walang makatutulad sa ginawa Niyang pag-aalay ng buhay. Siya ang natatanging fronliner noon nang mapako Siya sa krus. Ang katabi Niyang nakapako sa kaliwa at kanan ay parehong kriminal na dapat lang sa kanilang parusa. Pero hindi ang Panginoong Jesus, wala Siyang kasalanan. Ang daan patungo sa krus ng Panginoong Jesus ay pagpapadama ng pag-ibig Niya sa atin. (I-recite ng pamilya ang Juan 3:16). Mahal tayo ng Diyos, kaya isinugo Niya ang Panginoong Jesus. Bago pa man tayo magpahayag ng pag-ibig sa Kanya, inibig na Niya tayo. Ang pagsasakripisyo’t pagpapakumbaba ng Panginoong Jesus ay bunga ng pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan. Ang krus ay nagsasabing, “Mahal tayo ni Jesus!


Pastor Jhun Lopez


________________________________

Saturday, June 27, 2020

MAKINIG SA TINIG NG PANGINOON

“’Ano ba ang katotohanan?’ Ito ang tanong ni Pilato. Sa panahong ito na puro ‘fake news’ ang nababasa at naririnig natin, hindi na malaman ng mga tao kung ano ang totoo at kung ano ang hindi. Maging sa pangangaral ng Salita ng Diyos, patuloy na dumarami ang mga ‘fake preachers.’ Minsan nga ang katwiran natin, pareho namang Biblia ang ipinapangaral, kaya OK lang lahat. Basta may Diyos, wala nang pag-uusap. Kaya ang lahat ay pinakikinggan, lahat ng aral ay tinatanggap. Sa mga huling oras ng Panginoon bago Siya mapako at mamatay sa krus, patuloy Siyang nagturo.”


Si Pilato ay kilalang-kilala natin sapagkat may malaki siyang role sa pagkakapako ng Panginoong Jesus sa krus. Siya ang Gobernador ng Judea sa panahong iyon. Bilang gobernador, siya ang  head of the judicial system.” Siya ay may “power to inflict capital punishment, and was responsible for collecting tributes and taxes, and for disbursing funds[1] Nauna Siyang dinala sa harapan ni Caifas, ang Pinakapunong Pari noon (Chief Priests). Subalit walang nakitang kasalanan si Caifas, kaya dinala ang Panginoong Jesus kay Pilato. Siya ang nasa kapangyarihan upang magbigay ng hatol na hinihingi ng mga tao.


Si Pilato ay nag-atubiling hatulan ang Panginoong Jesus sapagkat katulad ni Caifas, wala siyang makitang kasalanang nagawa ang Panginoong Jesus. Aniya, “Wala akong nakikitang dahilan upang hatulan siya.” Makailang ulit din niyang ibinitin ang pagbaba ng hatol. At sa paulit-ulit na sigaw ng mga tao na “Ipako sa krus!,” naghugas siya ng mga kamay at sinabing, “Wala akong pananagutan sa dugo ng taong ito” (Mateo 27:24).


Sa pagharap ng Panginoong Jesus kay Pilato, dalawang sagot sa mga tanong niya ang pagtuunan natin. 

Una, Ikaw ba ang Hari ng mga Judio? (t. 33). Ang sagot ng Panginoong Jesus, “Ang kaharian ko'y hindi sa sanlibutang ito…” (t. 36). Ang kaharian Niya ay hindi pisikal na kaharian. Ang mga kawal Niya ay hindi sandatahang tulad ng mga nagtatanggol sa bayan. Higit pa sa mga kaharian sa sanlibutan, ang Panginoong Jesus ang Hari ng mga hari. Ang paghahari Niya ay para sa lahat ng mga sumasampalataya sa Kanya.

Ikalawa, Kung ganoon, isa ka ngang hari? Sinagot siya ng Panginoong Jesus sa pagsasabi ng layunin ng ipinarito Niya sa sanlibutan, “upang magpatotoo tungkol sa katotohanan” (t. 37). Ang paghahari ng Panginoong Jesus ay hindi para Siya ay paglingkuran kundi upang maglingkod. Ang isa sa mga pangunahing ipinaglingkod Niya sa mga tao ay ang pagpapatotoo tungkol sa katotohanan. Nangaral, nagturo, ipinamuhay at ipinakilala sa mga tao ang katotohanan. Kaya sa huli, nagtanong si Pilato, “Ano ang katotohanan?” Kung nakikinig na mabuti si Pilato, malamang sumampalataya rin siya sa Panginoong Jesus. At may mga paniniwalang si Pilato ay nanampalataya sa Panginoong Jesus.


May sagot ang Panginoong Jesus sa bawat tanong natin. Hindi man natin ito kaagad na maunawaan, habang lumalago at lumalalim tayo sa ating relasyon sa Panginoong Jesus, natututuhan natina ang mga sagot sa ating mga tanong. Patuloy lang tayo sa paglapit sa Kanyang mahabaging trono at sa pagsunod sa Kanyang mga utos.


Ang Panginoong Jesus ang Hari ng ating mga buhay. Ibigay natin sa Kanya ang pinakamataas na paggalang, matapat na pagsunod at buung-buong pagpapasakop sa Kanyang paghahari. Maging sa panahong ito ng kaguluhan, ang paghahari ng Panginoong Jesus ay nananatili sa puso at isipan ng mga alagad Niya. Mga alagad na laging nakikinig sa tinig ng Panginoong Jesus!

 

Pastor Jhun Lopez


____________________________
Nakaraang blog: IDINADALANGIN TAYO NG PANGINOON

Friday, June 26, 2020

IDINADALANGIN TAYO NG PANGINOON

BASAHIN: Juan 17:6-20 


Sa loob ng tatlong taon, nagpakilala ang Panginoong Jesus sa mga alagad Niya. Nabago ang pananaw nila sa buhay dahil sa mga itunuro Niya. Namangha sila sa mga himalang tanging ang Panginoong Jesus ang nakagawa. Nadama nila ang pag-ibig sa paglilingkod Niya. Sa huling hapunan, ipinahayag Niya ang pagkakanulo sa Kanya ni Judas at ang pagkakaila ni Pedro. Mahigpit Niyang itinagubilin ang pag-iibigan ng mga alagad. Narinig ng mga alagad ang sinabi Niya sa Juan 16:33, ‘Magdaranas kayo ng kapighatian sa sanlibutang ito, ngunit tibayan ninyo ang inyong loob! Napagtagumpayan ko na ang sanlibutan!’ Saka Siya nanalangin.”


Nagsimula ang Panginoong Jesus sa Kanyang panalangin sa pagsasabing,Ama, dumating na ang oras…. natapos ko na ang ipinapagawa mo sa akin” (t. 1, 4). Ipinahayag Niya ang pagbabalik sa piling ng Ama, sa pagsasabing,ipagkaloob mo sa akin ngayon sa iyong harapan ang kaluwalhatiang taglay ko sa piling mo bago pa likhain ang sanlibutan” (t.5).


Ang mga sumunod na nilalaman ng panalangin ng Panginoon ay para sa mga alagad Niyang sa ilang panahon na lamang ay iiwanan na Niya physically. Sinabi na Niyang hindi sila makakasama sa Kanyang paroroonan sa mga oras na iyon. Ipinangako na Niya ang pagsusugo sa Patnubay –ang Espiritu Santo. Naniniwala ang Panginoong Jesus na sila ay mga tagasunod Niya. Na ang mga alagad ay tumutupad (t. 6), tumatanggap (t. 8a) at naniniwala (t. 8b) sa mga salita Niya.


Ano ang nilalaman ng panalangin ng Panginoong Jesus para sa mga alagad Niya?

Una, “Ingatan mo po sila” (t. 11). Iningatan sila ng Panginoong Jesus habang kasakasama Siya nang mga ito. Nalalapit na ang pagdakip sa Kanya at ang hirap na daranasin Niya patungo sa krus. Kaya nga,  ipinauubaya na Niya ang pag-iingat sa kanila sa kapangyarihan ng pangalan ng Diyos Ama. Ang pangalan ng Panginoong Jesus ang magbubuklod sa kanila bilang mga alagad Niya.

Ikalawa, “Iligtas mo sila sa Masama” (t. 15). Mananatili sa sanlibutan ang mga alagad. Uusigin sila. Kapopootan sila. Masalimuot ang buhay na kanilang pagdaraanan. Ang Masama – ang diablo – ayon kay Pablo, ay katulad ng leong umaatungal na laging nag-aabang ng pagkakataong sila ay patayin at makain. Naghahanap ang kaaway ng pagkakataong maakay silang ipagkanulo ang kanilang Panginoon. Ang panalanging sila ay mailigtas sa Masama ay kailangang kailangan.

Ikatlo, “Ibukod mo sila” (t. 17). Sila ay ibukod para sa Diyos sa pamamagitan ng katotohanan – ang Banal na Kasulatan. Ibukod sila uri ng kanilang pamumuhay na ang batayan ay ang Salita ng Katotohanan. Sila ay ibukod at isugo sa sa pagdadala ng katotohanan sa sanlibutan.

 

Ang Panginoong Jesus ay dumalangin para sa mga alagad Niya at ang sabi Niya, “pati ang mga mananalig sa akin” dahil sa pahayag ng mga alagad Niya. Tayo ang tinutukoy Niya. Kasabay ng ating mga panalangin, tayo ay ipinapanalangin ng Panginoong Jesus. Siya ang Tagapamagitan, ang namamanhik sa Diyos Ama sa ating mga kalagayan.


Sa kaguluhan ng ating panahon, idinadalangin ng Panginoong Jesus ang pag-iingat ng Diyos sa atin sa kapangyarihan ng pangalan ng Diyos. Idinadalangin Niya ang kaligtasan natin sa mga gawa ng Masama na ang mga tukso ay maitaboy natin papalayo. Idinadalangin Niyang tayo ay maibukod sa takbo ng mundo ngayon na ang uri ng ating pamumuhay ay nasa panig ng katotohanan. Habang tayo ay nananalangin, asahan nating idinadalangin tayo ng Panginoon.



Pastor Jhun Lopez


____________________________

Thursday, June 25, 2020

PAMILYANG PINAPATNUBAYAN NG ESPIRITU SANTO

Basahin: Juan 14:16-17, 25-26, 16:7-15 


Sa pahayag ng Panginoong Jesus na Siya ay aalis, iniutos Niyang mag-ibigan ang mga alagad. Itinuro Niyang ang pag-ibig sa Kanya ang katunayan ng pagiging alagad at ang sinumang nagsasabing iniibig Siya ay nararapat na sumunod sa mga utos Niya. Nabagabag ang mga alagad. Marahil, dahil sa katotohanang mahirap para sa kanila ang iniwang utos at mga tagubilin. Mawawala na sa piling nila ang Panginoong tatlong taon nilang sinundan. Nalalaman ito ng Panginoong Jesus. Kaya, sa Kanyang pag-alis, ang pagsusugo sa Espiritu Santo ang Kanyang ipinangako.”


Ipinahayag ng Panginoong Jesus ang pag-alis Niya at ang pagsusugo sa Patnubay – ang Espiritu Santo - na makakasama ng mga alagad magpakailanman (14:16-17). Sa pag-alis ng Panginoong Jesus, wala na silang Panginoong agad na mapagtatanungan at matatakbuhan. Mahalaga ang magiging gawain ng Espiritu Santo sa buhay ng mga alagad.


Sa pagdating ng Patnubay, anu-ano ang magiging ministeryo Niya?

Una, ituturo at ipaaalala ng Patnubay ang mga itinuro ng Panginoong Jesus. Ang sabi ng Panginoong Jesus sa mga alagad,“ang Patnubay…ang siyang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at magpapaalala ng lahat ng sinabi ko sa inyo” (14:26). Mawawala na sa tabi nila ang Panginoong kasa-kasama nilang natulog, kumain, napagod sa paglalakad, naglayag sa bangka, nalungkot at nagsaya. Hindi na nila maririnig ang pangangaral Niya. Ang Espiritu Santo ang magpapatuloy sa pagtuturo. Siya ang magpapaalala ng lahat ng mga itinuro ng Panginoong Jesus.

Ikalawa, patutunayan ng Patnubay na mali ang mga taga-sanlibutan. Ang Patnubay ang magpapaunawa at magbubukas sa mga mata ng tao sa kanilang mga kasalanan. Ang pagsampalataya sa Panginoong Jesus at pagsunod sa Kanyang katuwiran ay ihahatid Niya sa kanilang mga puso at isipan. At ang kahihinatnan at hatol ng Diyos sa kasalanan at sa masama ay patutunayan ng Patnubay (muling basahin ang 16:8-11).

Ikatlo, ang mga alagad ay papatnubayan ng Patnubay sa buong katotohanan. Sasabihin ng Patnubay sa mga alagad ang mga narinig Niya sa Panginoong Jesus. Siya ang patuloy na magtuturo ng mga katotohanan sa mga alagad. Ihahayag Niya ang mga mangyayari sa hinaharap. Hindi panghuhula tungkol sa mga magaganap kundi ang maliwanag na katotohanang itinuturo at isinasaad sa Banal na Kasulatan. Ang anumang ihahayag Niya ay sa karangalan ng Panginoong Jesus sapagkat anumang pagpatnubay at paggabay ng Espiritu Santo ay naaayon sa kalooban ng Diyos (muling basahin ang t. 13-15).

 

Marami na tayong natutuhan. Ang tanong, naaalaala pa ba nating lahat? Talaga bang naisasapuso natin ang mga ito? Ang pananalangin ay hindi lamang basta pagsasalita at pakikipag-usap sa Diyos. Ang pag-awit ng pagsamba ay hindi lamang basta pagkanta ng mga imno o ng mga praise and worship songs. Ang pag-aaral ng Biblia ay hindi lamang para tayo ay maging marunong sa Biblia at magkaroon ng mga memory verses. Sa lahat ng mga gawaing ito, napakahalaga ng ministeryo ng Espiritu Santo! Siya ang ating Patnubay.


Papatnubayan Niya tayo kung tama ba ang sinusunod nating mga aral. Papatnubayan Niya tayo kung ang buhay natin ay nasa kasalanan, katuwiran at hatol ng Diyos. Papatnubayan Niya tayo sa buong katotohanan at ilalayo Niya tayo sa mga maling aral. Ang Espiritu Santo ang Patnubay!


Pastor Jhun Lopez


_________________________

Wednesday, June 24, 2020

PAMILYANG UMIIBIG SA PANGINOON

BASAHIN: Juan 14:15-24


Sa nakaraang mga sulatin, higit nating nakilala ang Panginoong Jesus at kung paano Siyang kumikilos sa pamilya natin. Natutuhan rin nating tayo ay dapat na mamuhay bilang isang pamilyang naglilingkod sa Panginoon, pamilyang tunay na mananamba, pamilyang mapagpasalamat at pamilyang nagmamahalan. Ang kabanatang 14 ay nagsimula sa pagtuturo ng Panginoong Jesus tungkol sa Kanyang sarili na Siyang Daan, Katotohanan at Buhay. Inihayag Niya dito ang nalalapit Niyang pagpunta sa “bahay ng Ama.” Dito nanggagaling ang pagsasabi Niyang “Kung iniibig ninyo ako.” Kaya, ang pag-uusap natin ngayon ay ang pag-ibig natin sa Panginoong Jesus. Aalamin natin, sa pamilyang ito, mahal nga ba natin ang Panginoong Jesus?”


Ang sabi ng Panginoong Jesus, “Kung iniibig ninyo ako.


Mahalaga sa Panginoong Jesus ang ibinigay Niyang utos, na ang mga alagad Niya ay magmahalan sa isa’t isa tulad ng Kanyang pagmamahal sa kanila. Higit pa rito, ang pag-ibig sa Diyos ay nananatiling pinakamahalagang utos; buong puso, buong isip, buong lakas at buong kaluluwa. Ang pag-ibig ding ito ang nais Niyang ipakita ng mga alagad Niya sa Kanya. Ang patunay ng pag-ibig sa Kanya ay mapatutunayan lamang sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga utos. Tatlong ulit Niya itong sinabi; “tutuparin ninyo ang aking mga utos” (t. 15),Ang tumatanggap sa mga utos ko at tumutupad sa mga ito” (t. 21), at “Ang umiibig sa akin ay tumutupad ng aking salita” (t. 23). Ang umiibig sa Panginoong Jesus ay sumusunod sa Kanyang mga utos. Ang hindi sumusunod ay hindi umiibig sa Kanya. Ito marahil ang problema ng marami, ang pagsunod sa mga utos. Paano nga ba tayo susunod sa mga utos ng Panginoong Jesus?


Mahirap sumunod kung walang pag-ibig. Ito ang magdadala sa isang tao para sumunod. Hindi rin naman tamang sabihing umiibig ang isang tao kung hindi naman marunong sumunod. May tatlong kalakasan (encouragement) na makikita natin sa mga sinabi ng Panginoong Jesus kung paano tayo makasusunod sa mga utos Niya. Una, ang sumusunod sa mga utos ng Panginoong Jesus ay may kasamang Patnubay, ang Espiritu Santo (t. 15-17). Nalalaman ng Panginoong Jesus na ang mga alagad ay mangangailangan ng kasama sa oras na Siya ay umalis na. Ang pagsunod ay magiging mahirap kung gagawin nila sa sariling kakayahan. Ang kalakasan para sa kanila ay ang pagsusugo sa Banal na Espiritu upang sila ay samahan. Ikalawa, ang sumusunod sa mga utos ng Panginoong Jesus ay iibigin ng Diyos at ang Panginoong Jesus ay lubusang magpapakilala sa kanya (t. 21). Hindi man hinihingi ang kapalit, ang Panginoong Jesus na mismo ang nagsabing iibigin Niya ang umiibig sa Kanya. At ang pag-ibig Niya sa mga iibig sa Kanya ay patuluyan. Ikatlo, ang sumusunod sa mga utos ng Panginoong Jesus ay panananahanan ng Diyos (t. 23). Sasamahan sila ng Espiritu Santo, magpapakilalang lubos ang Panginoong Jesus at ang Diyos ay mananahan sa Kanya. Ibig sabihin lang, 24/7, laging nariyan ang Diyos upang gabayan tayo at akayin sa buhay na sumusunod sa Kanya patunay ng pag-ibig sa Kanya.


Ang Diyos ay pag-ibig. Walang makapagpapabago sa pag-ibig ng Diyos sa akin at sa iyo. Ang pag-ibig Niya sa sanlibutan ay talagang nakamamangha, ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak. Ang pinakamahalagang utos ay ang pag-ibig natin sa Diyos. Ito ang sinisikap nating magawa bilang mga mananampalataya ng Panginoong Jesus. Ang pag-ibig sa kapwa ay ikalawa. Ang pag-ibig naman natin sa mga kapwa-alagad ay pagtulad sa Kanyang pag-ibig at patunay ng pagiging alagad Niya. Ang pag-ibig sa Panginoong Jesus ay nakikita sa mga sumusunod sa Kanya.


Sa kabila ng mga nagaganap sa ating paligid, patuloy nating mahalin ang Panginoong Jesus at ito ay patunayan natin sa pagsunod sa mga utos Niya. Tandaan nating tayo ay tinutulungan ng Banal na Espiritu. Habang sumusunod tayo ay higit pa nating makilala ang Panginoong Jesus na ating iniibig. At alalahanin nating lagi, pinanahanan ng Diyos ang mga sumusunod sa Kanya.



Pastor Jhun Lopez


_____________________________

Monday, June 8, 2020

PAMILYANG NAGMAMAHALAN

Sa likod ng lahat ng nangyayari ngayon, laging may dahilan para pasalamatan ang Diyos. Isa na rito ay ang pagkakataong magkasama-sama tayo bilang isang pamilya. Isa-isahin natin ang magandang nangyari sa pamilya natin (isa-isang tumugon). Kaya, salamat sa Panginoon! Higit sa mga nabanggit natin, ang pagmamahalan sa pamilya natin ay dapat nating pagbutihan. Bilang isang pamilyang alagad ng Panginoong Jesus, nais Niyang mahalin natin ang Diyos at ang ating kapwa. At nais din Niyang  tayo ay magmahalan sa isa’t isa.”


Ayon sa Panginoong Jesus sa talatang 34-35, ang utos Niya na magmahalan ang mga alagad ay “isang bagong utos.”Ano ang bago? Una, magmahalan kayo,kung paano ko kayo minahal.Ang pagmahalang tinutukoy ng Panginoong Jesus ay nakabase sa pagmamahal na ipinakita at ipakikita pa Niya sa kanila. At ito’y higit nilang nakita nang ialay Niya ang Kanyang buhay sa krus. Ikalawa, magmahalan kayo,makikilala ng lahat na kayo'y mga alagad ko.” Hindi lamang ito basta-basta pagmamahal sa kapwa (neighbour), ito ay pagmamahal na nakatuon sa kapwa alagad, Ito ang magpapatunay ng kanilang pagiging alagad ng Panginoong Jesus. Ito ang liwanag at mabuting patotoong maibabahagi nila sa sanlibutan na sila nga ay alagad ni Cristo.


Paano magmamahalan ang mga alagad? Sa nakita nating mga tagpo, tatlo ang maaari nating matukoy. Una, magmahalan kayo na may paglilingkuran. Ang ginawa ng Panginoong Jesus na paghuhugas sa mga paa ng mga alagad ay “halimbawa upang inyong tularan” (t. 15). Ginawa Niya ang gawain ng isang tagapaglingkod. Kung labindalawa ang mga alagad, dalawpu’t apat na mga paa ang nilinis Niya. Ikalawa, magmahalan kayo na may katapatan. Ang gagawing pagkakanulo ni Judas ay kawalan ng katapatan. Matapos ang tatlong taong kasa-kasama siya ng Panginoong Jesus, pinili pa rin niyang gawin ang pagkakanulo nang matanggap na niya ang tinapay na isinawsaw ng Panginoon. Ikatlo, magmahalan kayo na may pananagutan. Pagkatapos ng utos, sinabi ni Pedro, “Buhay ko ma'y iaalay ko para sa inyo.” Alam na natin ang sumunod na nangyari. Tatlong beses niyang ipinagkaila ang Panginoong Jesus bago tumilaok ang manok. Ayaw niyang managot at madamay sa nakikita niyang paghihirap ng Panginoon.

 

Ang utos na magmahalan ay utos na alam na nating lahat. Pwede nating sabihing hindi na bago. Pero magiging bago ito kung ang pagbabasehan nating lagi ay ang pagmamahal na ipinakita ng Panginoong Jesus. Ang ialay ang buhay para sa minamahal. Magiging bago kung pagtutuunan natin ang pagpapatunay sa mga tao na tayo nga ay mga alagad ng Panginoong Jesus.


Ang pagsasama-sama natin sa iisang tahanan ay hindi lamang dahil tayo ay nasa iisang pamilya. Nais ng Panginoong Jesus na ang pagmamahalan natin sa isa’t isa ay maging hayag (evident). Hindi lamang sinasabi at hindi lamang dahil nararapat. Mahalin natin ang isa’t isa. Gawin natin ang magagawa natin para mapaglingkuran ang bawat miembro ng pamilya. Walang pagtatangi. Walang magtataksil at walang iiba ng landas. Maging tapat at totoo tayo sa isa’t isa. Isa para sa lahat, lahat para sa isa. Kung nalulungkot ka, i-share mo. Makikinig kami at makikilungkot kami sa iyo. Kung may tinanggap kang biyaya, i-share mo. Tatanggapin namin at kami’y makikisaya.



Pastor Jhun Lopez



______________________________________

Nakaraang blog: PAMILYANG MAPAGPASALAMAT


Friday, June 5, 2020

PAMILYANG MAPAGPASALAMAT

"Kung naaalaala ninyo, ito ang tagpo bago ang pagpapakilala ng Panginoong Jesus na Siya ang Tinapay na Nagbibigay-buhay. Pamilyar na sa atin ang kwentong ito - ang pagpapakain sa limang libo. Ano nga ba ang napapanahong aral sa atin nito? Na sa buong mundo ay takot, kaguluhan at kamatayan ang makikita natin. Ang limang tinapay at dalawang isda na bumusog sa limang libong lalaki ay may itinuturo sa ating pamilya ngayon. Na tayo ay maging isang pamilyang mapagpasalamat. Sama-sama nating i-discover ang mga aral na nakapaloob sa bahaging ito ng Banal na Kasulatan.”


Ang napakaraming tao na sumusunod sa Panginoong Jesus ay sumusunod dahil sa nasaksihan nilang pagpapagaling ng mga maysakit. Isa na dito ang pagpapagaling sa lalaking tatlumpu't walong taon nang may sakit (chapter 5). Sa salita lamang Niya ay gumaling ang lalaki. Gayundin, hinamon Niya ang mga Judiong nagtatangkang ipapatay Siya sa pagsasabing, “ang nakikinig sa aking salita at sumasampalataya sa nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan” (5:24). Winakasan pa Niya ito sa ganitong pananalita, “Kung talagang naniniwala kayo kay Moises, maniniwala din kayo sa akin, sapagkat sumulat siya tungkol sa akin” (5:46). Maaaring ito nga ang dahilan ng iba, pagsampalataya. Pero ayon sa nasaad sa Biblia, “Sinundan siya ng napakaraming tao sapagkat nakita nila ang mga himalang ginawa niya” (6:2).


Sa anumang dahilan ng mga tao, ang mahalaga sa panahong iyon ay ang kanilang pagsunod at pakikinig sa mga aral ng Panginoon. Habang dumadagsa ang mga tao, maliban pa sa pagpapagaling ng mga sakit at sa pangangaral, nadama ng Panginoon ang pangangailangan ng mga tao. Tinanong Niya si Felipe, “Saan tayo makakabili ng tinapay?” na ang isinagot sa Kanya ay ang kawalan ng pondong pambili ng tinapay na kakasya sa mga tao. Dinala ni Andres sa Panginoong Jesus ang isang batang lalaki na may dalang limang tinapay at dalawang isda na sa  tanong nito ay nagpapalagay na alam niyang hindi ito kakasya.


Ang sumunod na tagpo ay ang himala ng Panginoong Jesus na pakainin ang limang libong lalaki, hindi pa nabilang ang mga babae at mga bata. Pinaupo Niya ang mga tao sa damuhan. Kinuha ang tinapay, ipinagpasalamat sa Diyos at ipinamahagi sa mga tao. Gayundin ang ginawa Niya sa mga isda. Limang tinapay at dalawang isda lamang ang mayroon sila. Pero ito ang ginamit ng Diyos upang lahat ay makakain at mabusog. At sumobra pa ng labindalawang kaing! Paano? Ang kakaunting nasa kamay nila ay ipinagpasalamat ng Panginoong Jesus!


Mas madali ang magreklamo sa panahon ngayon. Sapagkat ang nakikita ay ang mga wala hindi ang mga bagay na mayroon ang mga tao. Lalo na ngayong tayo ay nasa Enhanced Community Quarantine. Mahirap lumabas ng bahay at makabili basta basta ng mga pagkain. Ang iba nga ngayon ay walang trabaho, no work, no pay. Nag-aabang ang marami sa ipadadala ni Mayor at ni Kapitan. Paano nga namang magpapasalamat kung nauubos na ang itinabing stocks?


Anu-ano nga ba ang mayroon tayo ngayon? (Tingnan ang inyong inilista.) Ang dami pala! Bilang mga mananampalataya at mga tagasunod ng Panginoong Jesus, katulad ng mga napag-aralan na natin sa mga nagdaang araw, kasama natin ngayon ang Panginoon at hindi Niya tayo iniiwan. Sa paniniwalang ito, nananalig tayong anumang mayroon tayo ngayon sa ating mga kamay ay sapat upang tayo ay “makakain at mabusog.” Ibig sabihin, tiyak na masisiyahan tayo at makukuntento sa buhay na mayroon tayo ngayon kung magagawa nating ipagpasalamat ang lahat nang ito sa Panginoong Jesus – ang Panginoon nating mapagbiyaya. Tayo ay mga alagad ng Panginoong Jesus na sa anumang kaloob Niya sa ating mga kamay, dulot ay “kabusugan.” Nalalaman Niya ang ating mga pangangailangan at nalalaman Niya kung paano natin ito mapagtatagumpayan. “Kakain tayo at mabubusog!” Tayo ay isang pamilyang mapagpasalamat sa Diyos.



Pastor Jhun Lopez



_________________________________

Nakaraang blog: TUNAY NA MANANAMBA


Tuesday, June 2, 2020

TUNAY NA MANANAMBA

Nagbabalik tayo sa kwento tungkol sa pakikipag-usap ng Panginoong Jesus sa Babaeng Samaritana. Natutuhan natin noon ang pagtuturo Niya tungkol sa Tubig na Nagbibigay Buhay. Nakita natin kung paanong nakakilala ang babae sa Panginoong Jesus at kung paanong naging instrumento siya sa pananampalataya ng mga kababayan niya sa Samaria. Babalikan natin ang itinuro ng Panginoong Jesus sa kanya tungkol sa pagsamba. Ang bawat tao at relihiyon, ay may pamamaraan ng pagsamba. Ngunit ang tanong ay kung ang pagsamba ba natin ay naaayon sa pamantayan ng Diyos?”


Nakabibigla para sa Samaritana ang paghingi ng tubig ng Panginoong Jesus. Hindi ito normal, dahil para sa mga Judio, ang mga taga-Samaria ay makasalanan at marumi. Mas nakabigla pa sa babae nang sabihin ng Panginoon na ang ibibigay Niyang tubig ay nagbibigay buhay. Kaya naitanong ng babae kung higit pa ba ito sa balon ni Jacob na nagpainom sa mga ninuno niya.


At ang pinakamalaking kabiglaan sa kanya ay nang sabihin ng Panginoong Jesus ang kalagayan niya sa buhay na imposibleng malaman ng isang lalaking hindi naman niya kakilala. Sa tagpong ito nagsimula ang pag-uusap nila tungkol sa pagsamba sa Diyos.


Sa pagtatakip ng nahayag na kasalanan ng Samaritana, kinilala niyang Propeta ang Panginoong Jesus at ipinagmalaki niyang, “Dito sa bundok na ito sumamba sa Diyos ang aming mga ninuno” (t. 20). Sinasabi lamang niya, na kahit siya ay taga-Samaria at nasa maling uri ng pamumuhay, siya at ang kanyang mga ninuno ay sumasamba rin sa Diyos katulad ng mga Judio. Na kung ang mga Judio ay sumasamba sa dako ng Jerusalem, silang mga taga-Samaria ay sa bundok na nasa kanilang harapan noon – ang bundok Gerizim.


Sinimulan ng Panginoong Jesus ang pagtutuwid sa nalalaman ng Samaritana tungkol sa pagsamba sa Diyos. Itinuro Niya ang “uri ng pagsambang ninanais ng Ama” (t. 23).


Una, ang tunay na pagsamba ay hindi nalilimitahan ng lugar (t. 21). Kung sa panahon nina Moises ay sa Tolda at sa panahon ni Haring David ay sa Templo, kung sa mga Samaritana ay sa Bundok Gerizim at sa mga Judio ay sa Jerusalem, ang tunay na pagsamba ay hindi nalilimitahan ng iisang lugar lamang.


Ikalawa, ang tunay na pagsamba ay sumasamba sa Diyos na makapagliligtas (t. 22). Bawat relihiyon ay may object of worship. Hindi naman masasabing sumasamba na dahil ang tawag sa gawain ay pagsamba. Mahalaga kung sino ang kinikilalang Diyos na sinasamba. Sa atin, sinasamba natin ang Diyos na ipinakikilala ng Biblia. 


Ikatlo, ang tunay na pagsamba ay isinasagawa sa espiritu at sa katotohanan (t.24). Ang pagsamba ay buong puso, buong isip at buong kaluluwa. Ito ay espirituwal na gawain na kung saan ang espiritu ng isang tao ay nakikipag-ugnay sa Espritu ng Diyos. Ang pagsamba ay nakabatay sa katotohanan at hindi sa imbento lamang ng sinuman. Ang pamantayan ng pagsamba ay ang Banal na Kasulatan.


Ang kalagayan natin ngayon ay pagsasabuhay ng ating tinalakay sa Biblia. Naranasan nating ang pagsamba ay hindi limitado ng lugar tulad ng kapilya. Sa kalaganapan, sa IEMELIF at iba pang kapwa natin Cristiano, ang pagsamba ay ginanap Online, sa mga tahanan, at ipa pang mga pamamaraan. Sa atin, mula sa katotohanan ng Biblia, malinaw na ang pagsamba ay sa iisang Diyos sa tatlong persona; Diyos Ama, Diyos Anak at Diyos Espiritu Santo.


Ang tunay na pagsamba ay masumpungan nawa ng Diyos sa atin, may community quarantine man o wala. Patuloy nating kilalanin ang Panginoong Jesus nang sa gayon ay hindi tayo mailigaw ng mga nagkalat na bulaang mangangaral. Sumamba tayo hindi dahil obligasyon lamang natin ito kundi isagawa natin ang pagsamba dahil ito ang nilalaman ng ating mga puso’t isipan. Na ang lagi nating pamantayan at batayan ay ang isinasaad na pagsamba sa Banal na Kasulatan. Idalangan nating, sa panahon ito ng kaguluhan, tayo ay isang pamilyang tunay na mananamba.



Pastor Jhun Lopez



_________________________________

Nakaraang blog: PAMILYANG NAGLILINGKOD


Monday, June 1, 2020

PAMILYANG NAGLILINGKOD

Pinasasalamatan at pinupuri natin ang Panginoong Jesus sa magagandang katangian ng bawat isa sa atin. Nalalaman nating mahalaga lahat ito sa Kanya sa ikagaganda pang lalo ng ating pamilya at sa mas mabuting pamumuhay Cristiano natin. Katulad ng natutuhan natin, tayo’y may buhay na walang hanggan. Subalit kasunod dapat nito ay ang sama-sama nating paglalakbay sa pamumuhay Cristiano at paglilingkod sa Panginoong Jesus.”


Ang hapunan sa tahanan nina Lazaro ay isang thanksgiving dinner. Mula sa pagkakasakit, pagkamatay at ang pagbuhay sa kanya ng Panginoong Jesus ay marapat lamang na magdiwang. Ano man ang dahilan, maliwanag na sa pagdating ng Panginoong Jesus, ipinahanda nila Siya ng hapunan. Ang magkakapatid ay naroon sa Kanyang tabi, naglilingkod.


Bilang mabuting pagtanggap sa panauhin, si Lazaro ay kasalo ng Panginoong Jesus sa hapag, tanda ng kanyang pasasalamat sa himala ng buhay. Idagdag pa rito ang kanilang malapit na relasyon, di nga ba’t mahal ni Jesus ang magkakapatid. Si Martha naman ay ginagawa ang paglilingkod na kung saan siya ay magaling. Serving tables. Minsan na niya itong ginawa nang unang dumalaw sa tahanan nila ang Panginoong Jesus (Lucas 10:38-42). Ang kaibahan ngayon, ipinakikitang hindi na niya mag-isang ginagawa ang paglilingkod. Magagawa na niya ang paglilingkod nang hindi naghahanap ng pagkilos ng kapatid na si Maria.


Si Maria, sa pagkakataong ito, ay hindi lamang nakinig sa itinuturo ng Panginoong Jesus. Naglingkod siya sa pamamagitan ng pagbubuhos ng mamahaling pabango sa mga paa ng Panginoon. Ipinampunas pa niya ang mga buhok niya na humalimuyak sa buong bahay. Ang paglilingkod na ginawa ni Maria ay nagpapakita ng pagsasakripisyo at pagpapakumbaba. Sa halaga ng pabango, na ayon kay Judas ay nasa tatlong daang salaping pilak ang halaga, ito ay malaking kawalan na para kay Maria. Tama lang magbuhos ng pabango sa mga paa ng panauhin matapos na hugasan ang mga paa nito. Pero hindi normal o hindi na tama ang magbuhos ng pabangong halos isang taong kita (wage) ang halaga. Iyon ang isinakripisyo ni Maria. Na ayon naman sa Panginoong Jesus ay tama lang bilang paglalaan sa Kanyang libing.


Ang pagpupunas ng buhok ay tanda ng kapakumbabaan. Sa panahong iyon ang buhok ay tanda ng karangalan para sa isang babae. Hindi inalintana ni Maria kung ito man ay maging kahihiyan sa harap ng marami. Handa siyang maging mababa alang-alang sa ikalulugod ng Panginoon. Ang langis ay nagdulot ng ginhawa sa pagal na katawan ng Panginoon. Ang magkakapatid na Lazaro, Martha at Maria, ay naglingkod sa ikagagalak at ikaluluwalhati ng Panginoong Jesus.


Sa marami nating natutuhan mula pa nang tayo ay makakilala at manampalataya sa Panginoong Jesus, kasunod na dapat nito ang paglilingkod sa Kanya. Nagpapasalamat tayo sa pagkakataong ibinibigay Niya sa atin upang makapaglingkod sa iba’t ibang larangan. Gumawa tayo ayon sa kakayahang bigay ng Diyos. Maglingkod na may pagsasakripisyo at pagpapakumbaba.


Sa higpit ng panahon natin ngayon, paano pa tayo makapaglilingkod? Maraming paraan ng paglilingkod na maaaring gawin na aangkop sa kasalukuyang kalagayan. Una, sa loob ng ating tahanan ay marami na tayong magagawang makalulugod sa Panginoong Jesus. Gamitin natin ang social media sa paglilingkod sa kapatiran. Magtabi tayo para sa ibang nangangailangan, hindi man natin maibigay ngayon, maaari itong ilaan sa pagtatapos ng Community Quarantine.


Pastor Jhun Lopez



______________________________

Nakaraang blog: MAY BUHAY NA WALANG HANGGAN



Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...