Basahin: Juan 14:16-17, 25-26, 16:7-15
“Sa pahayag ng Panginoong Jesus na Siya ay
aalis, iniutos Niyang mag-ibigan ang mga alagad. Itinuro Niyang ang pag-ibig sa
Kanya ang katunayan ng pagiging alagad at ang sinumang nagsasabing iniibig Siya
ay nararapat na sumunod sa mga utos Niya. Nabagabag ang mga alagad. Marahil,
dahil sa katotohanang mahirap para sa kanila ang iniwang utos at mga tagubilin.
Mawawala na sa piling nila ang Panginoong tatlong taon nilang sinundan.
Nalalaman ito ng Panginoong Jesus. Kaya, sa Kanyang pag-alis, ang pagsusugo sa
Espiritu Santo ang Kanyang ipinangako.”
Ipinahayag ng Panginoong Jesus ang pag-alis Niya at ang
pagsusugo sa Patnubay – ang Espiritu Santo - na makakasama ng mga alagad
magpakailanman (14:16-17). Sa pag-alis ng Panginoong Jesus, wala na silang
Panginoong agad na mapagtatanungan at matatakbuhan. Mahalaga ang magiging gawain
ng Espiritu Santo sa buhay ng mga alagad.
Sa pagdating ng Patnubay, anu-ano ang magiging ministeryo Niya?
Una, ituturo at ipaaalala ng Patnubay ang mga itinuro ng Panginoong Jesus. Ang sabi ng Panginoong Jesus sa mga alagad,“ang Patnubay…ang siyang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at magpapaalala ng lahat ng sinabi ko sa inyo” (14:26). Mawawala na sa tabi nila ang Panginoong kasa-kasama nilang natulog, kumain, napagod sa paglalakad, naglayag sa bangka, nalungkot at nagsaya. Hindi na nila maririnig ang pangangaral Niya. Ang Espiritu Santo ang magpapatuloy sa pagtuturo. Siya ang magpapaalala ng lahat ng mga itinuro ng Panginoong Jesus.
Ikalawa, patutunayan ng Patnubay na mali ang mga taga-sanlibutan. Ang Patnubay ang magpapaunawa at magbubukas sa mga mata ng tao sa kanilang mga kasalanan. Ang pagsampalataya sa Panginoong Jesus at pagsunod sa Kanyang katuwiran ay ihahatid Niya sa kanilang mga puso at isipan. At ang kahihinatnan at hatol ng Diyos sa kasalanan at sa masama ay patutunayan ng Patnubay (muling basahin ang 16:8-11).
Ikatlo, ang mga alagad ay papatnubayan
ng Patnubay sa buong katotohanan. Sasabihin ng Patnubay sa mga alagad ang
mga narinig Niya sa Panginoong Jesus. Siya ang patuloy na magtuturo ng mga
katotohanan sa mga alagad. Ihahayag Niya ang mga mangyayari sa hinaharap. Hindi
panghuhula tungkol sa mga magaganap kundi ang maliwanag na katotohanang
itinuturo at isinasaad sa Banal na Kasulatan. Ang anumang ihahayag Niya ay sa
karangalan ng Panginoong Jesus sapagkat anumang pagpatnubay at paggabay ng
Espiritu Santo ay naaayon sa kalooban ng Diyos (muling basahin ang t. 13-15).
Marami na tayong natutuhan. Ang tanong, naaalaala pa ba nating lahat? Talaga bang
naisasapuso natin ang mga ito? Ang pananalangin ay hindi lamang basta pagsasalita
at pakikipag-usap sa Diyos. Ang pag-awit ng pagsamba ay hindi lamang basta
pagkanta ng mga imno o ng mga praise and
worship songs. Ang pag-aaral ng Biblia ay hindi lamang para tayo ay maging
marunong sa Biblia at magkaroon ng mga memory
verses. Sa lahat ng mga gawaing ito,
napakahalaga ng ministeryo ng Espiritu Santo! Siya ang ating Patnubay.
Papatnubayan Niya tayo kung tama ba ang sinusunod nating
mga aral. Papatnubayan Niya tayo kung ang buhay natin ay nasa kasalanan,
katuwiran at hatol ng Diyos. Papatnubayan Niya tayo sa buong katotohanan at
ilalayo Niya tayo sa mga maling aral. Ang Espiritu Santo ang Patnubay!
No comments:
Post a Comment