Search This Blog

Showing posts with label FAMILY. Show all posts
Showing posts with label FAMILY. Show all posts

Tuesday, November 12, 2024

PATULOY TAYONG LUMAGO

  Sa halip, patuloy kayong lumago sa kagandahang-loob ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, at sa pagkakilala sa kanya. Sa kanya ang kaluwalhatian, ngayon at magpakailanman! Amen.

2 Pedro 3:18

 

Lumago sa kagandahang-loob ng Panginoong Jesus. Ang kagandahang-loob ng Panginoong Jesus ay tinugon natin sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanya bilang Panginoon at Tagapagligtas. Ito minsanang karanasan subalit nangangailangan ng paglago at pag-unlad tulad ng isang binhing itinanim. Sa kagandahang-loob ng Diyos, tayo ay tumanggap ng kapatawaran sa kasalanan at naligtas. Gayunpaman, ang pagpapatuloy na malaya sa kasalanan ay nangangailangan ng paglalim sa relasyon sa Panginoong Jesus. Samantala, ang pagliligtas na ating tinanggap ay kailangan nating ingatan sa pamamagitan ng pananatili natin sa pananampalataya.

Lumalago tayo sa kagandahang-loob ng Panginoong Jesus habang tayo ay  dumudulog sa Kanya sa patuluyang pananalangin, pakikinig sa Kanyang Salita at paglilingkod sa Kanya sa pamamagitan ng paggamit ng mga espirituwal na kaloob mula sa Kanya. Higit nating nauunawaan ang kagandahang-loob ng Diyos habang tayo ay lumalakad sa pananampalataya sa Panginoong Jesus

Lumago sa pagkakilala sa Panginoong JesusGaano na ba natin kakilala ang Panginoong Jesus? Marahil totoong nakakilala na tayo sa Kanya subalit hindi pa rin ganoon kalalim ang ating nalalaman. O kung may nalalaman man, marami pa ring matutuklasan. Hindi natatapos ang pagkilala sa Panginoong Jesus. Dahil Siya ay  walang hanggan, walang hanggan din ang mga katotohanang maaari nating malaman tungo sa mas malalim na buhay pananampalataya.

Ang pagkakilala sa Panginoong Jesus ay nangangailangan ng paglago lalo na sa panahong ito na laganap ang mga huwag na mangangaral. Gayundin sa katotohanan ng pangakong muling pagparito ng Panginoong Jesus, mahalaga ang lumalagong pagkakilala sa Kanya tungo sa mas matibay at matatag na pananampalataya sa Kanya. Nang sa gayon, hindi na tayo bumitiw sa pananampalataya. Sa halip, ang pagtitiwala natin sa Kanyang pagliligtas ay napatitibay.

.



 

                                                                                                  PastorJLo

Friday, November 8, 2024

MAKABULUHAN AT MAPAKINABANG NA BUHAY CRISTIANO

     Kung ang mga katangiang ito ay taglay ninyo at pinagyayaman, ang inyong pagkakilala sa Panginoong Jesu-Cristo ay hindi mawawalan ng kabuluhan at kapakinabangan.

2 Pedro 1:8

 

Nagsisimula sa Pananampalataya. Naniniwala akong bawat taong sumasampalataya sa Panginoong Jesus ay umaasa sa pangakong "buhay na ganap at kasiya-siya" (Juan 10:10). Sa di niya ninanais, sa kanyang pagpapatuloy, hindi pa rin nawala ang mga pagsubok, problema at iba pang nagpapalungkot sa buhay. Gayunpaman, ang pangako ay nananatili. Nais ng Panginoong Jesus na bawat tupa Niya ay namumuhay na makabuluhan at mapakinabang. Ito ang hamon ni Pedro sa mga mananampalataya noon na nagkalat sa iba't ibang bayan. Na sila, sa kabila ng mahirap na kalagayan sa piling ng mga dayuhan at hindi mananampalataya, maging makabuluhan at mapakinabang ang kanilang buhay Cristiano. Ito ay nagsisimula sa kanilang pananampalataya sa Panginoong Jesus.

Sa talatang 5-7, sa walong nabanggit na katangian; pananampalataya, kabutihan, kaalaman,  pagpipigil sa sarili, katatagan,  maka-Diyos,  pagmamalasakit at pag-ibig, ang lahat ay nagsisimula at nagpapatuloy sa pananampalataya. Ito ang nararapat nating matiyak sa ating mga puso. Maaaring nasa iyo ang mga sumusunod na katangian, subalit kung hindi matibay sa iyo ang pinasimulang pananampalataya, lahat ay mawawalan ng kabuluhan at pakinabang. Kaya nga, tiyakin ng iyong puso't isip na tunay ka ngang mananampalataya ng Panginoong Jesu-Cristo! 

Lumalago sa MGA katangiang CRISTIANOAng buhay Cristiano ay nagsisimula sa pananampalataya subalit hindi nagtatapos doon. Tila mdali lang maligtas sa katotohanang pananampalataya lamang ang makagagawa nito sa atin. Pero nalalaman nating hindi ito nagtatapos sa simpleng pananampalataya. Ito ay pinatutunayan ng mga katangiang bunga ng pananampalataya natin sa Panginoong Jesus. Ang bawat katangian ay lumalago at umaangat sa antas ng pamumuhay tungo sa kabanalan at katuwiran ng Diyos. Tungo sa ganap na pag-ibig.

Sa gitna ng pananampalataya at pag-ibig, ang mga katangiang Cristiano ay paunlad nating nararanasan. Habang pinag-aalab ang pananampalataya sa Diyos, ang mga katangiang nabanggit ay nagiging bahagi sa araw-araw na pamumuhay. Ang mananampalataya ay namumuhay sa kabutihan, kaalaman, pagpipigil sa sarili, katatagan,  maka-Diyos,  pagmamalasakit at pag-ibig.


Ganap na pag-ibig ang nararanasan. Ang salitang pag-ibig ay isa sa mga salitang gamit na gamit subalit maling mali ang pagsasagawa. Iba ang pagpapakahulugan ng sanlibutan sa salitang ito. Sa isang mananampalataya, ang pag-ibig ay mula sa Diyos at katangian mismo ng Diyos. Isang pag-ibig na walang kondisyon, hindi makasarili at banal. Ito ang nararapat na maging layunin ng bawat isa sa atin. Ang pag-ibig na sumasaatin ngayon ay maging ganap at katulad ng pag-ibig ng Diyos. Mula sa pananampalataya, tayo ay hinuhubog ng Diyos sa bawat karanasan tungo sa ganap na pag-ibig. Marahil, tayo ay umiibig ngunit nalalaman nating may mga pagkakataong o maraming pagkakataon, mababaw ang pag-ibig natin. Kadalasan, may personal na motibo sa pagpapakita ng pag-ibig. 

Ang pananampalataya habang ito ay lumalago at nagbubunga ng mga katangiang Cristiano, ninanais nating makarating sa ganap na pag-ibig. Pag-ibig na katulad ng pag-ibig na ipinadama ng Diyos sa atin. Pag-ibig na ipinakita ng Panginoong Jesus doon sa krus ng kalbaryo. Ito ang pag-ibig na magbibigay sa atin ng makabuluhan at mapakinabang na buhay Cristiano.

                                                                                                  PastorJLo


Tuesday, November 5, 2024

MABUTING UGNAYAN SA LOOB NG TAHANAN

  Sa madaling salita, magkaisa kayo at magdamayan, magmahalan bilang magkakapatid at maging maunawain at mapagpakumbaba.

1 Pedro 3:8

 

MAGKAISA AT MAGDAMAYAN. Ang tahanan ay binubuo ng pamilya na ang kalagayan ay magkakaiba. Magkakaiba sa edad. Magkakaiba ang kinalakihan. Magkakaiba ang itsurang pisikal. Magkakaiba ang kalooban at gustong gawin. Magkakaiba ang karunungan. Sa mabuting pag-uugnayan ng pamilya, mahalaga ang pagkakaisa at pagdadamayan. Tulad ng isang choir, hindi maaaring humiwalay ng pagkanta ang isang part kundi nararapat na nasa tamang nota siya upang makagawa ito ng magandang pag-awit. Magkakaiba man, pero iisang awitin ang performance

Mahirap magkaroon ng pagkakaisa kung walang pagdadamayan. Kailangan kasing nalalaman mo ang kalagayan ng bawat isang member ng family upang magawa mo siyang damayan nang sa gayon ay magkaroon ng pagkakaisa.

MAGMAHALAN BILANG MAGKAKAPATID. Ang utos ng Panginoong Jesus sa mga alagad Niya ay pagmamahalan sa isa’t isa. Sa loob ng tahanan, ang  pagmamahal ay ayon sa pagiging kadugo o relational. Mahal mo siya kasi asawa mo siya, kasi kapatid mo siya, kasi anak mo siya, kasi magulang mo sila, kasi…..

Ang pagmamahalang magdadala sa tahanan sa mabuting ugnayan ay pagmamahal na tulad ng nais ng Panginoong Jesus sa mga alagad Niya. Magmahalan tayo bilang magkakapatid. Bilang mga alagad Niya sa loob ng Kanyang sambahayan. Ibig sabihin, maliban pa sa dugong dumadaloy sa inyo, bilang mga mananampalataya, mahalin ang bawat isa dahil nalalaman niyang ang kanyang asawa, anak, magulang etc ay kapatid niya sa Panginoon, kapwa mananampalataya at alagad ng Panginoong Jesus.


MAGING MAUNAWAIN AT MAPAGPAKUMBABA.
 
Sa panghuli, subalit hindi nagtatapos dito, ang kalagayan ng puso ng bawat miembro ng pamilya ay mahalaga. Isang pusong maunawain at mapagpakumbaba. Pusong katulad ng Panginoong Jesus… maunawain at mapagpakumbaba. Kung meron mang makapagpapakita ng ganitong halimbawa, walang iba kundi Siya. Naunawaan Niya ang kalagayan ng tao sa kasalanan na patungo sa kamatayan, Nauunawaan Niya ang hirap ng mga tao. Nauunawaan Niya ang pangangailangan ng sanlibutan. Sa pang-unawa Niyang ito, nagpakumbaba Siya sa krus ng kalbaryo.

Sa loob ng tahanan, kailangan nating unawain ang bawat member ng family. Dahil nga magkakaiba tayo, unawaing iba ang kanyang isip, damdamin at kalooban. Unawain ang kanilang pinagdaraanan. Unawain ang dahilan ng kanyang mga pagkilos. At mapagpakumbaba nating ialok ang ating mga sarili upang matulungan ang mahal natin sa buhay.

                                                                                          PastorJLo


Friday, August 30, 2024

TULAD NI JESU-CRISTO

   Sinumang nagsasabing nananatili siya sa Diyos ay dapat mamuhay tulad ng pamumuhay ni Jesu-Cristo.

1 Juan 2:6

 

TuLAD NI JESU-CRISTO: HUWAG MAGKASALA. Ang buhay Cristiano ay hindi lamang pag-anib sa isang relihiyon at sumunod sa mga sisteme nito. Ito ay isang buhay na ang layunin ay tularan ang Panginoong Jesus sa Kanyang mga halimbawa. At ang kitang-kita sa Kanyang buhay ang hindi pagkakasala. Kaya naman ito ang binibigyang-diiin ni Apostol Juan, "Huwag kayong magkasala" (t.1). Na kung tayo man ay magkasala, ang Panginoong Jesus ang ating Tagapagtanggol mula pa nang Siya ay maging handog sa ikapagpapatawad ng kasalanan natin at ng buong sanlibutan (t.2). Ang patuluyang paglilinis at pagpapatawad sa kasalanan ay palaging nakalaan sa lahat ng mga lalapit at magsisisi sa nagawang pagkakasala. Sapagkat nais ng Diyos na tayo ay maging katulad ng Panginoong Jesus, malaya sa gawa ng kasalanan.

TULAD NI CRISTO: MAMUHAY SA LIWANAG. Ang Panginoong Jesus ang tunay na ilaw ng sanlibutan. Siya ang liwanag. Ang utos na tayo ay magmahalan ay paulit-ulit na ipinapaalala sa mga alagad sapagkat ang liwanag Niya ay nakikita sa Kanyang dakilang pag-ibig sa atin (t. 8). Ang buhay ng katuwiran at pag-ibig ng Panginoong Jesus kasama ng Kanyang mga alagad ay nasaksihan. Na hanggang ngayon ay ating nararanasan sa araw-araw. Kaya nga, patunay na tayo ay nasa liwanag kung mahal natin ang ating mga kapatid sa Panginoon lalong higit an gmga mahihina pa sa pananampalataya. Hindi maaaring sabihing nasa liwanag tayo, o kaya ay ipagsabing tayo ay Cristiano, kung wala sa atin ang pag-ibig tulad ng pag-ibig Niya -  pag-ibig na nasa liwanag!


TULAD NI CRISTO: MANATILI SA DIYOS. Malinaw na sinasabi ni Juan, na ang namumuhay tulad ni Cristo ay nanggagaling sa katotohanang siya ay nananatili sa Diyos. Madali sigurong sabihing tayo ay sa Diyos.Pero higit pa sa pagsasalita, ang pagsasabuhay ay mahalagang sangkap sa pananatili natin sa pananampalataya. Madaling bumitiw kung hindi malinaw ang pananampalatayang tinanggap natin sa Kanya. Sa dami ng mga tukso at gawa ng kaaway, ang pagtulad sa Panginoong Jesus ay kailangang kailangan. Ang pagtilad sa Kanya ay nasusubok ng mga balakid sa ating matapat na pagsunod sa kalooban ng Diyos. Ang nais ng kaaway ay maagaw tayo sa pananampalataya. Hindi manatili! Subalit nakahihigit ang kalooban ng Diyos sa sinuman. Tulad ng Panginoong Jesus, hanggang sa Kanyang kamatayan sa krus, nakita natin ang Kanyang pag-ibig!

                                                                                          PastorJLo

Thursday, August 29, 2024

IPAHAYAG ANG KASALANAN

  Subalit kung ipinapahayag natin ang ating mga kasalanan, patatawarin tayo ng Diyos sa mga ito, at lilinisin tayo sa lahat ng ating kasalanan, sapagkat siya'y tapat at matuwid..

1 Juan 1:9

 

IPAHAYAG ANG KASALANAN. Isa marahil ang mahirap gawin ay ang paghingi ng patawad. Lalo na kung sa iyong isipan ay wala ka namang nagawang kasalanan. Paano ka nga hihingi ng tawad? Subalit nalalaman natin bilang mananampalataya ang katotohanang "lahat ay nagkasala." Hindi lang sa minana nating kasalanan kundi sa araw-araw na paglakad nating nadurumihan ng kasamaan ng mundong ito. Nahuhulog tayo sa mga tukso ng kaaway. Nagkakasala tayo. Kaya nga, biyaya ng Diyos na tayo ay anyayahan Niyang ipahayag ang ating mga kasalanan. Amining kasalanan ang iyong nagawa at simulan na ang pagtalikod sa mga gawa nito. 

PATATAWARIN TAYO NG DIYOS. Hindi magiging mahirap ang paghingi ng patawad sa ating mga nagawang kasalanan kung nananalig tayong ang Diyos natin ay Diyos na mapagpatawad. Sa diwang ito, nalalaman ng Diyos na tayo bilang mga anak Niya ay napakadaling maakay sa pagkakasala. Nalalaman Niyang hindi pa tayo ganap at nasa proseso pa rin ng Kanyang pagpapabanal. Nalalaman Niyang tayo ay nakikibaka pa rin sa gawa ng laman at ng espiritu. Higit dito, nalalaman ng Diyos na kailangan natin Siya upang magtagumpay sa kasalanan na kadalasan tayo ang bumibitaw sa Kanyang kalooban. Ang mga ito ay dapat nating malaman at maunawaan. Ang atiug Diyos ay mapagpatawad at nililinis tayo sa kasalanan.

ANG DIYOS AY MATAPAT AT MATUWID. Ipahayag na ang kasalanan sa ating Diyos na matapat at matuwid. Wala tayong maitatago sa Diyos. Nalalaman Niya kung ano at kung sino tayo. Walang lugar ang anumang takot o pag-aalinlangang lumapit sa Kanya sa katotohanang Siya ay tapat. Ang pag-ibig Niya sa atin bilang mga anak ay hindi nagbabago. Ang Kanyang mga pangako sa atin ay nanatili Niyang tutuparin. Ang kalooban Niyang mabuti para sa atin ay laging laan. Lumapit lang tayo na may pagpapakumbaba at amining tayo ay nagkasala. Ang Kanyang pag-ibig at ang Kanyang katuwiran ang Siyang yayakap sa atin na nagsasabing "Pinatatawad na kita!" Ipahayag na ang kasalanan sa Diyos na matapat at matuwid!

  PastorJLo

 

Thursday, September 14, 2023

PAG-ASA NG PAGBABAGO

 

Kaya't ang sinumang nakipag-isa kay Cristo ay isa nang bagong nilalang. Wala na ang dating pagkatao;  siya'y bago na.

2 Corinto 5:17


Isa nang bagong nilalang! Ang mga salitang ito ay  napakaimposible sa mga taong matagal ng umaaasam ng pagbabago sa kanilang buhay. Na sa ano mang pilit nilang gawin, ang masamang ugali ay tila wala nang kapag-a-pag-asang mapalitan pa nang maganda.

BIGO SA PAGBABAGO. Nabigo ang kulungan sa hangad  nitong mabago ang mga taong nahatulang mabilanggo bilang kabayaran ng kanilang nagawang kasalanan. Maging ang mga rehabilitation centers ay tila bigo kahit sa anong ganda ng prosesong ginagawa nila sa mga nagnanais ng  pagbabago.

PAG-ASA NG PAGBABAGO. Ako’y naniniwalang ang pag-asa ng pagbabago ng buhay ay nagaganap lamang sa mga taong nagbibigay ng sariling buhay sa Panginoong Jesus. Oo, kaya nating maging mabuti…pansamantala! Subalit ang pagkawala ng masasamang gawi natin at pagpapalit ng isang bagong kaanyuan ay mapapasaatin lamang kung tayo makikipag-isa sa Panginoong bumabago ng buhay. May          pag-asa tungo sa pagbabago dahil kay Jesu-Cristo!

 

Thursday, July 28, 2022

MANAMPALATAYA!

  Efeso 1:3-4

Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo! Pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espirituwal na nagmumula sa langit dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo. 

Bago pa likhain ang sanlibutan ay pinili na niya tayo upang maging kanya sa pamamagitan ng ating pakikipag-isa kay Cristo at upang tayo'y maging banal at walang kapintasan sa harap niya. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, 

____________________

PINAGKALOOBAN TAYO NG PAGPALANG ESPIRITUWAL. Ang sulat ni Pablo sa mga Cristiano sa Efeso ay isang pormal at personal na sulat sa iglesiang dalawang ulit niyang dinalhan ng Magandang Balita; sa ikalawa at ikatlong pagmimisyon niya. Karamihan sa mga mananampalataya dito ay mga converted Gentiles kung kaya sa unang tatlong chapter ay binigyang-diin niya ang pagtuturo tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos sa sanlibutan na naganap sa pagparito ng Panginoong Jesus.

Sinimulan niya ang sulat sa pagsasabing "Pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espirituwal... dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo." Ang mga kaloob na ito ay mula sa kagandahang-loob ng Diyos. Hindi tayo karapat-dapat subalit ibinigay Niya sa lahat ng mga mananampalataya Niya. Hindi tayo makakasapat ngunit ibinigay pa rin Niya sa atin ang mga kaloob na ngayon ay nagagamit natin sa paglilingkod sa Diyos,


 


PINILI NIYA TAYO UPANG MAGING KANYA. Ipinauunawa ni Pablo sa mga taga-Efeso na ang kanilang pakikipag-isa sa Panginoong Jesus ay hindi lamang nagdala ng mga kaloob espirituwal sa kanilang buhay. Ito ang dahilan kung bakit sila napabilang sa mga hinirang at pinili ng Diyos. Kung wala ang pagsampalataya, mananatiling malayo sila sa Diyos. Sa pananampalataya, ang pamumuhay na may kabanalan ay magiging posible. Ang buhay nawalang maipipintas ang Diyos at ang mga taong nakapaligid sa kanila ay magaganap. At bilang mga pinili, sila ay makapapamuhay na may pag-ibig.

Manampalataya. Ikaw ay ibibilang ng Diyos na sa Kanya!
Manampalataya. Sasamahan ka ng Diyos sa buhay na may kabanalan! Manampalataya. Sa kagandahang-loob ng Diyos, makapamumuhay ka nang walang kapintasan!

 Pastor Jhun Lopez

Sunday, November 14, 2021

PALATANDAAN NG PAG-IBIG

   1 Juan 5:2-3

"Ito ang palatandaang iniibig natin ang mga anak ng Diyos: kung iniibig natin ang Diyos at tinutupad ang kanyang mga utos, sapagkat ang tunay na pag-ibig sa Diyos ay ang pagtupad sa kanyang mga utos. Hindi naman napakahirap sundin ang kanyang mga utos, "

____________________

PALATANDAAN NG PAG-IBIG. Iniibig mo ba ang kapatirang kinaaaniban mo? Iniibig mo ba silang lahat o pinipili mo lang kung sino ang kaibig-ibig? Ang utos na "Mag-ibigan kayo" ay iniuutos sa lahat ng mga mananampalataya. Ang pag-ibig sa kapwa Cristiano ay hindi isang option kundi isang utos na dapat sundin. Ang patunay nito ay ang pag-ibig sa Diyos at pagtupad sa Kanyang mga utos. Hindi lamang simpleng pagsasabing, "Iniibig ko ang Diyos." Ito ay sinusundan ng pagsasabuhay ng mga utos Niya. Kung walang pagsunod, wala talagang namamagitan pag-ibig.



HINDI MAHIRAP SUMUNOD SA UTOS. Sa karanasan, hindi ganoon kadali ang sumunod. Sa loob ng tahanan, ang pagsunod sa magulang ay hindi nagiging madali sa mga anak. Nangangailangan ito ng paggalang at pagkilala sa tungkulin ng magulang at kinatatayuan ng mga anak. Gayundin sa Panginoon, nagiging madali ang pagsunod sa Kanya kung ang isang tao ay may mataas na paggalang sa Diyos at may malapit na pagkakilala sa makapangyarihang Diyos. Mahirap sumunod sa Diyos kung hindi natin Siya nakikilala. Malamang na hindi natin igalang ang Kanyang mga utos kung wala talaga tayong pakikipag-ugnayan sa Kanya.

Ang pag-ibig sa kapatiran ay isang utos na dapat lang isagawa ng bawat mananampalataya. Simulan sa patuloy na pagkilala sa Diyos nang sa gayon ay lumalim ang ating pag-ibig sa Kanya na magiging dahilan ng pagsunod sa Kanyang mga utos.

Pastor Jhun Lopez

Saturday, November 13, 2021

PAG-IBIG SA KAPATID

   1 Juan 4:20

"Ang nagsasabing, “Iniibig ko ang Diyos,” subalit napopoot naman sa kanyang kapatid ay sinungaling. Kung ang kapatid na kanyang nakikita ay hindi niya magawang ibigin, paano niya maiibig ang Diyos na hindi niya nakikita? ."

____________________

"Iniibig ko ang Diyos." Ang pagsasabi nito ay pinatutunayan ng paggawa; pagtulong, pagmamalasakit, pang-unawa at iba pang kilos na nagpapahayag ng pag-ibig sa kapatid. Kung sa pagsasabi nito ay may kapatid kang kinapopootan o kaya'y pinakikitaan ng galit, kasinungalingan ang pahayag mong mahal mo ang Diyos. Sapagkat hindi maaaring mahal mo ang Diyos pero ang puso mo naman ay punung-puno ng sama ng loob sa kapwa. Ang patunay na mahal nga natin ang Diyos ay ang pagmamahal din naman natin sa ating kapwa.



Nakikita at Di Nakikita. Ang Diyos ay Espiritu at hindi natin Siya nakikita sa Kanyang anyo. Hindi natin Siya maaaring ilagay sa iisang hugis o sa iisang lugar. Ang pagmamahal sa Diyos ay kapahayagan ng pananampalataya. Ang ating kapwa ay ating nakikita. Mas madaling ipakita ang pag-ibig sapagkat agarang tumutugon sa ipinakita nating damdamin. Gayundin, maaari nating matanggap pabalik ang ipinadamang pagmamahal. Kaya nga, kung ang kapwa nating nakikita at tumutugon sa pag-ibig ay hindi natin kayang ibigin, paano natin iibigin ang Diyos na hindi natin nakikita at hindi natin tuwirang nadarama ang pagtugon?

Mahalin ang kapwa kung mahal mo ang Diyos. Ito ang patunay ng pagmamahal sa Panginoon. Hindi maaaring sabibin, "Basta ang Diyos mahal ko, wala akong pakialam sa kapwa ko." Sapagkat may lakas ng loob lamang na masasabing, "Mahal ko ang Diyos," kung sa kapatid, ikaw ay nagmamahal din naman.

Pastor Jhun Lopez

Wednesday, September 1, 2021

DAKILANG PAG-IBIG NG DIYOS

 1 Juan 3:1

"Tingnan ninyo kung gaano kalaki ang pag-ibig sa atin ng Ama! Tinatawag tayong mga anak ng Diyos, at iyon nga ang totoo. Ang dahilan kung bakit hindi tayo nakikilala ng mga makasanlibutan ay hindi nila kinikilala ang Diyos."

____________________

ANG PAG-IBIG SA ATIN NG AMA. "Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya?" Ito ang panimula ng tulang isinulat ni Andres Bonifacio na nakatuon sa pag-ibig sa tinubuang lupa. Marahil, sa isang makabayan, ito na ang sukdulan ng pag-ibig. Na sa ating mga Cristiano,  wala nang hihigit pa sa kalakihan ng pag-ibig sa atin ng Diyos Ama. Ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak dahil sa napakadakilang pag-ibig Niya sa sanlibutan. - sa akin at sa iyo. Pag-ibig na ipinadama Niya sa pamamagitan ng kamatayan ng Panginoong Jesus sa krus ng Kalbaryo. Tinubos ang kasalanan natin at nagbigay ng pagkakataon ng kaligtasan sa bawat sasampalataya sa Kanya.


TINAWAG TAYONG MGA ANAK NG DIYOS. Gaano nga ba kalaki ang pag-ibig ng Diyos? Ginawa Niya tayong mga anak. Tayo na makasalanan at walang kakayahang abutin ang Kanyang kaluwalhatian, matapos ang pagtanggap at pananalig natin sa Panginoong Jesus, ang karapatan bilang anak ng Diyos ay ipinagkaloob sa atin. Hindi tayo nagiging katulad ni Jesus bilang bugtong na Anak ng Diyos. Nananatili ang pagiging tao natin, lamang ay ipinagkaloob ang mga pribilehiyo ng isang anak. Hindi tayo karapat-dapat na maging anak Niya, ito ay napakalaking biyaya dahil sa napakalaking pag-ibig ng Diyos sa atin. Kasabay ng mga pribilehiyo ay ang pagkakataong maipamuhay ang uri ng buhay katulad ng Panginoong Jesus (Christlikeness).

HINDI TAYO KINIKILALA NG SANLIBUTAN. Una tayong inibig tayo ng Diyos. Ang bawat iniibig Niya ay umiibig naman din sa Kanya. At tayong mga umiibig sa Kanya ay nakikilala ng Panginoong Jesus bilang Kanyang mga tupa. Subalit, sa kabila nito ay ang  hindi pagkilala ng sanlibutan sa atin bilang Kanyang mga anak. Malibang maunawaan ng tao ang dakilang pagmamahal ng Diyos, ang paggalang at pagsunod sa Diyos ay hindi magaganap. At tayo na binigyan ng pribilehiyong maging mga anak ng Diyos ay may pananagutang dalhin ang Magandang Balita ng pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan.

Napakadakila ng pag-ibig ng Diyos sa sa atin. Ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak. Inialay ng Panginoong Jesus ang buhay Niya sa krus ng Kalbaryo Binigyan Niya tayo ng biyayang maging anak Niya, tayong mga sumasampalataya sa Panginoong Jesus. Idalangin nating ang bawat isa sa atin ay maging instrumento sa pamamahagi ng dakilang pag-ibig ng Diyos.

 

Pastor Jhun Lopez





Thursday, June 3, 2021

PAANO KA AALALAHANIN?

1 Tesalonica 1:3

"Inaalala namin sa harapan ng ating Diyos at Ama ang inyong gawa dahil sa inyong pananampalataya, ang inyong pagpapagal dahil sa inyong pag-ibig, at ang inyong pagtitiis dahil sa inyong pag-asa sa ating Panginoong Jesu-Cristo."

____________________

DAHIL SA INYONG PANANAMPALATAYA.  Paano nga ba tayo aalalahanin? Kadalasang mabuti ang sinasabing alaala ng isang tao kapag siya ay wala nang buhay. Ang mga mananampalataya sa Tesalonica ay inaalaala ni Pablo sa kanyang unang sulat upang palakasin ang isang bagong tatag na Iglesia. Palakasing hindi matinag ng mga pagsubok sa kasalukuyan at sa mga bulaang guro na maaaring maglayo sa kanila sa pananampalataya. Gayon na lang ang pasasalamat at panalangin ni Pablo para sa kanila sapagkat napatunayan ng kanilang paggawa ang lumalago nilang pananampalataya. Ang matibay at hindi natitinag nating pagtitiwala sa Panginoong Jesus ay makita nawa sa ating paglilingkod.

DAHIL SA INYONG PAG-IBIG. Ang pag-ibig na ipinangaral nina Pablo sa mga taga-Tesalonica ay hindi pag-ibig ng sanlibutan kundi ang pag-ibig ng Diyos na ipinadama sa pamamagitan ng pagkamatay ng Panginoong Jesus sa krus. Isang pag-ibig na banal, nagsasakripisyo, hindi makasarili at higit sa lahat, isang pag-ibig na walang kondisyon. Ang pag-ibig ng Diyos ay pinatunayan nila sa kanilang pagpapagal. Pag-ibig na ipinamumuhay nila sa kanilang kalagitnaan at pag-ibig na kanilang naipapamalas sa mga hindi mananampalataya. Ito ang marapat na ipamuhay ng bawat isa sa atin nang sa gayon ay alalahanin tayong puno ng pag-ibig na mula sa Diyos.

DAHIL SA INYONG PAG-ASA. Ang buhay Cristiano ay makulay. Maramimg mga pagsubok ang pagdaraanan; karamdaman. kahirapan at iba pang mga problemang nakakasalubong sa araw-araw. Ang mga Cristiano sa Tesalonica ay hindi exempted sa mga ito at ang kanilang pagtitiis ay nagpakita ng kanilang matibay na pag-asa sa Panginoong Jesus - ang pangako ng Kanyang muling pagparito. Ito ang mapalad na pag-asa ng bawat mananampalataya. Pag-asang isang araw ay matatapos ang lahat ng mga pagsubok at mga problema. Matatapos ang karamdaman, ang kahirapan, ang mga pangangailangan, ang mga pakikibaka sa buhay maging ang pandemya sa kasalukuyan. At tayong lahat ay umaasa sa araw na ito ng ating Panginoon!


Pastor Jhun Lopez


Tuesday, May 18, 2021

ANG DAKILANG DIYOS

 Roma 11:33

Lubhang napakasagana ng kayamanan ng Diyos! Di matarok ang kanyang karunungan at kaalaman! Sino ang makakapagpaliwanag ng kanyang mga kapasyahan? Sino ang makakaunawa ng kanyang mga pamamaraan?

____________________

Dakila ang Diyos!

LUBHANG NAKAPASAGANA NG KAYAMANAN NG DIYOS!  Hindi masusukat ni matitimbang ang yaman Niya sapagkat ang lahat ay pag-aari Niya. Walang sinumang makapagmamalaki ng kanyang yaman upang isumbat o isukli sa Diyos. Ang bawat hawak ng ating mga kamay ay nananatiling sa Kanya 'pagkat maging ang ating mga sarili ay sa Diyos. Siya ang lumikha ng lahat at Siya ang nagpapanatili ng kalagayan nito. Marahil nga ay nasisira na ang kalikasan at nawawalan na ng saysay ang mga bagay ng mundo. Subalit ito ay kagagawan na nating mga tao. Gayunpaman, ang napakasaganang yaman ng Diyos ay nananatilng hindi kayang tumbasan ng sinumang tao.

DI MATAROK ANG KANYANG KARUNUNGAN AT KAALAMAN. Ang ipinagmamalaking karunungan ng tao ay kamangmangan lamang sa Diyos. Lahat ng nais malaman ng tao ay kayang saliksikin lalo na sa siyentipikong paraan. Ngunit lahat ng pilit na inaarok ang kabuuan at kalubusan ng Diyos ay nabibigo. Ang iba ay nawala sa tamang kaisipan. At ang nakalulungkot ay may mga hindi nagtagumpay na nauwi sa pagbuo ng sariling katuruan na kayang abutin ng kanyang isipan. Sa kadakilaan ng Diyos, walang sinumang makapapantay ni makaaabot man lang sa kaunungan at kaalaman ng Diyos. Sa Kanyang kalooban, sapat ang Kanyang mga pagpapahayag sa Banal na Kasulatan lalo na sa pagkakahayag sa bugtong Niyang Anak - ang Panginoong Jesu-Cristo!

Sa pagpapatuloy ng mga talata, sa talatang 36, ito ang isinulat ni Apostol Pablo, 

        "Sapagkat ang lahat ng bagay ay mula sa kanya, sa pamamagitan niya, at pag-aari niya. Sa kanya ang karangalan magpakailanman! Amen."

Ang Diyos na dakila ang may-ari nang lahat sa atin. At sa pagpapakilala ng Kanyang sarili sa pamamagitan ng mga pag-aaral ng Biblia at sa pakikipag-ugnay natin sa Panginoong Jesus, ang lahat ng papuri at pagpaparangal ay marapat lamang nating ihandog sa Kanyang harapan, magpakailanman! Amen!


Pastor Jhun Lopez



Thursday, January 28, 2021

MAGING MATALIK NA KAIBIGAN

 BASAHIN: 3 Juan 1 

Sabihin, Ang magkaroon ng matalik na kaibigan ay mahalaga. Isang kaibigang mamahalin ng lubos at tunay. Hindi lamang dahil sa ginawa nitong mabuti sa atin kundi sa dahilang tayo ang may mabuting magagawa para sa kanila. Sa Church, mahalagang may maituturing tayong mga kapatirang matalik na kaibigan. At tayo rin naman, maituturing nila tayong matalik na kaibigan.”

 


Ang ikatlong sulat ni Apostol Juan ay hindi karugtong ng dalawang sulat niya. Pero malaki ang posibilidad na ang panahon ng pagkakasulat nito ay iisa. Katulad ng ikalawang sulat, ito ay personal na sulat sa isang minamahal na kaibigan – si Gayo o Gaius. Maaaring ito rin ang Gaius na binanggit ni Apostol Pablo sa Roma 16:23 na kanyang tinutuluyan at sa tahanan nito ay nagtitipon ang buong iglesia. Malamang ding ito ang Gayo na taga-Corinto. Sino man o ano man ang tunay na identity ni Gayo, maliwanag sa pagbati ni Apostol Juan na ito ay kapatirang kanyang minamahal nang lubos at tunay. Isang matalik na kaibigan.

 

Ang matalik na kaibigan, DULOT AY KAGALAKAN (t. 1-4).

Si Apostol Juan ay matanda na nang sulatan niya si Gayo. Sa panimula pa lamang ng sulat ay makikita na ang malapit na relasyon nila sa isa’t isa. Sa salin sa English (ESV), sinabi niya, “whom I love in truth.” Lubos at tunay ang pagmamahal ni Juan kay Gayo (t. 1). Sa katotohanan ng pagmamahal niya kay Gayo, idinalangin niya ang pisikal at espirituwal na kalagayan nito (t. 2). Ikinatuwa niya ang balitang tapat ito sa katotohanan (t. 3) at napakalaking kaligayahan para sa kanya ang malaman niyang namumuhay ito sa katotohanan kasama ang mga anak niya sa pananampalataya o mga nakababatang mananampalataya (t. 4).

 

Ang matalik na kaibigan, TAPAT ANG PAGLILINGKOD (t. 5-8).

Ang kaibigang minamahal ni Juan ay may magandang reputasyon sa mga kapatiran. Ang paglilingkod ni Gayo ay faithful, upright and sincere (t. 5). Balita sa iglesia ang paglilingkod niyang may pag-ibig. Kaya naman ibinilin ni Juan na suportahan nito ang mga lingkod ng Diyos sa kanilang paghayo sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo (t. 6-7). Na ang gagawin niyang pagtulong ay pakikibahagi niya sa gawain ng pagdadala ng Magandang Balita (t. 8).

 

Ang matalik na kaibigan, MABUTI ANG TINUTULARAN (t. 9-12).

Sino si Diotrefes? Maaaring magkasama sila ni Gayo sa iisang iglesia (Corinto) at siya ang pastor nito. Ang masamang ginawa niya ay ang paghahangad sa pamumuno, “to govern all things according to his own will” (John Wesley notes). Hindi niya kinilala ang pagiging matanda sa iglesia ni Juan (t. 9). Hindi nagging mabuti ang ipinakitungo niya kay Juan, sa mga apostol at sa mga traveling evangelists. Hinahadlangan niya ang mga kapatirang tumatanggap sa mga lingkod ng Diyos at pinapalayas sa iglesia (t. 10). Ang masamang gawaing ito ay hindi dapat tularan ni Gayo (t. 11). Samantala, si Demetrio na may mabuting patotoo ang dapat niyang tularan (t. 12).

 

 

Matalik na kaibigan. Isang kaibigang minamahal nang lubos at tunay. Kaibigang hindi mo paghahanapan ng magagawang mabuti para sa sariling kapakanan. Kaibigang tapat sa paglilingkod, puspos ng pag-ibig sa kapatiran lalo na sa mga lingkod ng Diyos at ang paraan ng pamumuhay ay pagtulad sa mabuti at hindi sa masasama. May tamang kaibigan, sa loob at labas ng tahanan natin. Sa pamilya, sikaping maging kaibigan tayo ng bawat isa. At bilang Cristiano, alalahanin nating tayo ay kaibigan ng Panginoong Jesus, lubos at tunay Niya tayong mahal.



Pastor Jhun Lopez



_______________________________

Nakaraang blog: MAGING PAMILYANG HUWARAN SA IBA 

Wednesday, January 27, 2021

MAGING PAMILYANG HUWARAN SA IBA

 BASAHIN: 2 Juan 1

Ang reputasyon ng pangalan ng isang pamilya ay mahalaga, lalo na kung ang pamilyang ito ay hayagang nagsasabing sila ay mga Cristiano. Mula sa nakatatanda hanggang sa pinakabata, ang uri ng buhay ay nakikita at nagiging basehan ng pagkilala kung sino at ano ang pamilyang ito. Ang ikalawang sulat ni Juan ay para sa isang Ginang at kanyang mga anak na tunay niyang minamahal.”

 


Ang ikalawang sulat ni Juan ay hindi karugtong ng naunang sulat niya. Hindi ito katulad ng dalawang isinulat ni Pedro, magkaugnay at tumutukoy sa iisang recipient. Ang ikalawang sulat ni Juan ay naka-address sa isang Ginang at sa kanyang mga anak. May mga nagsasabing ito ay figurative na ang tinutukoy na Ginang ay ang Iglesia (church). Maaari, ngunit sa pagkakasulat nito, mas higit na masasabing ang Ginang ay isang totoong tao na sinusulatan ni Juan. Ayon kay Adam Clarke, isang Methodist Theologian, maaaring ang Ginang na ito ay isang Diakonesa na kung saan may church na nagtitipon sa bahay niya, ang mga apostol at mga traveling evangelists ay nakikituloy sa bahay nito. Sa sulat ni Juan sa nasabing Ginang, anu-ano ang makikita nating dapat na maging katangian ng isang pamilyang huwaran sa iba?

 

PAMILYANG NAMUMUHAY SA KATOTOHANAN (t. 1-4).

Mga banggit ni Apostol Juan tungkol sa katotohanan:

·         Ang Ginang at ang kanyang mga anak ay minamahal ni Apostol Juan kasama ang mga nakakaalam ng katotohanan (t. 1).

·         Ang katotohanan ay sumasakanila noon at magpakailanman (t. 2).

·         Pagpapala ng Diyos at ng Panginoong Jesus ang dulot ng katotohanan at pag-ibig (t. 3).

·         Ang ilang mga anak ng Ginang ay namumuhay sa katotohanan (t. 4).

 Ang patotoo ni Juan tungkol sa Ginang at kanyang mga anak ay ito, “Labis akong nagalak nang makita ko ang ilan sa iyong mga anak na namumuhay ayon sa katotohanan, alinsunod sa utos ng Ama sa atin.” Ang buhay nila ay nagpapakita ng huwaran sa pagsunod sa Panginoong Jesus bilang Katotohanan at sa Katotohanang itinuturo ng Banal na Kasulatan.

 

PAMILYANG NAMUMUHAY SA PAG-IBIG (t. 5-6).

Mga banggit ni Apostol Juan tungkol sa pagmamahalan:

·         Minamahal niya ang Ginang at ang kanyang mga anak (t. 1).

·         Hiniling ni Apostol Juan na magmahalan silang lahat (t. 5).

·         Inulit niya ang utos na, “mamuhay kayong may pag-ibig” (t. 6)

Ang utos ng Panginoong Jesus na magmahalan ay ipinaalaala ni Apostol Juan sa Ginang na kanya namang ipinamumuhay at ipinadarama sa Ginang at sa kanyang mga anak. Sapagkat isang lider, bukod pa sa kanyang pananampalataya, at kung may nagtitipon ngang iglesia sa kanyang tahanan, ang pagmamahalan ay iniuutos ni Juan na kanilang ipamuhay.

 

PAMILYANG NANANATILI SA TURO NI CRISTO (t. 7-10).

Ang mga banggit ni Apostol Juan sa pagpapaalalang manatili kay Cristo:

·         Nagkalat sa sanlibutan ang mandaraya! (t. 7).

·         Magsikap na makamtan ang gantimpala (t. 8).

·         Ang nananatili sa turo ni Cristo ay pinananahanan ng Diyos (t. 9).

·         Huwag tanggapin sa tahanan ni batiin ang may dalang ibang turo (t. 10-11).

Nagbigay ng babala si Apostol Juan sa pagdating ng mga mandaraya na hindi kumikilala sa Panginoong Jesus. Pinag-iingat niya ang Ginang at ang kanyang mga anak na mawalang saysay ang kanilang pananampalataya. Pinaaalalahanan niyang patunay ng presensya ng Diyos sa kanilang buhay ang pananatili sa mga turo ng Panginoong Jesu-Cristo. Kaya, kung ang sadya ng isang tao ay magdala ng ibang aral, mas tamang hindi na sila patuluyin at bigyang pagkakataong sabihin pa ang aral na sasalungat sa mga turo ng Panginoong Jesus.

 

Maging huwaran tayo. Hindi lang ang iisa sa atin. Kailangan lahat tayo. Huwaran sa katotohanan na ang Salita ng Diyos ay pangunahin sa bawat isa sa atin at ang pagsunod sa Pangioong Jesus ay kitang-kita sa ating tahanan. Huwaran sa pagmamahalan na ang anumang uri ng away o hindi pagkakasundo ay hindi binibigyang pagkakataong makapasok sa relasyon ng pamilya. Huwaran sa pananatili sa mga turo ng Panginoong Jesus na ang paninindigan sa Biblia ay hindi natitinag ng mga huwad na guro, mapanlinlang at mga mandaraya. Ang pamilya natin ay maging huwarang tutularan ng iba.



Pastor Jhun Lopez



________________________________

Nakaraang blog: MAGING TULAY SA PAGKAKASUNDO

Tuesday, January 26, 2021

MAGING TULAY SA PAGKAKASUNDO

 BASAHIN: Filemon 1

Mahirap magpatawad lalo na kung ang nagawa sa atin ay napakabigat at masakit sa  damdamin. Ito ay isa sa mga paksang tinatalakay ng Biblia. Ang katotohanang nagkakasala ang tao at nangangailangan ng pagpapatawad ay nagpapatingkad ng pag-uusap tungkol dito. Isa sa mga kwentong tumatalakay tungkol dito ay ang nakamamanghang pagpapatawad ni Jose sa mga kapatid niyang naghulog sa kanya sa balon at nagbenta sa kanya para maging alipin. At ang pinakadakilang pagpapatawad na ating huwaran ay ang ginawa ng Panginoong Jesus nang Siya ay mapako sa krus, ang wika Niya, ‘Ama, patawarin Mo po sila.’ Pinatawad ang kasalanan ng buong sanlibutan.”

 


Ang sulat ni Apostol Pablo kay Filemon ay isa sa mga tinaguriang Prison Epistles. Isinulat niya ito sa panahong siya ay kasalukuyang nakakulong (house arrest). Kasama si Timoteo, ang sulat ay personal na sulat para kay Filemon na taga-Colosas. Masasabing may House Church sa tahanan ni Filemon at kasama niyang naglilingkod sina Apia at Arquipo (t. 2). Ang sulat ay nakasentro sa pamanhik ni Apostol Pablo kay Filemon na muling tanggapin si Onesimo sa kanyang tahanan at patawarin na sa nagawang pagkakasala nito. Naging tulay si Apostol Pablo upang pagkasunduin sina Filemon at Onesimo.

ANG PAGKAKILALA NI PABLO KAY FILEMON (t. 4-7).

·      May pag-ibig  sa lahat ng hinirang ng Diyos (t. 5a).

·      Huwaran ang pananampalataya sa Panginoong Jesus  (t. 5b).

·      Kaisa sa pananampalataya ni Pablo (t. 6).

·      Nagpakita ng pagmamahal kay Pablo (t. 7).

Ang mga katangiang ito ang dahilan ng pagpapasalamat ni Pablo sa Diyos tuwing si Filemon ay kanyang ipinapanalangin (t. 4). Dahil alam ni Pablong kabuklod niya si Filemon, idinalangin niyang magbunga ang mas malalim na pagkaunawa nito sa kabutihang dulot ng pakikipag-kaisa kay Cristo (t 6). Si Filemon ay malaking katuwaan at kaaliwan kay Pablo at kasiglahan ng mga kapatiran (t. 7). Kung ang layunin ng sulat ay pagkakasundo, sinimulan ito ni Pablo sa mga positibong pananalitang magpapaalab ng pag-ibig sa kapwa mananampalataya.

ANG RELASYON NI PABLO KAY ONESIMO (t. 8).

·      Anak sa pananampalataya ni Pablo (t. 10).

·      Dati’y walang pakinabang kay Filemon, ngayon ay kapakipakinabang na sa kanila (t. 11).

·      Pinababalik ni Pablo kasama ang kanyang puso (t. 12-14).

·      Pinababalik upang tanggapin bilang kapatid at hindi na isang alipin (t. 15-16).

Ang ipinakikiusap ni Pablo kay Filemon ay anak niya sa pananampalataya na nadala niya sa pananampalataya habang siya ay nakakulong. Naging pakinabang si Onesimo kay Pablo sa paghahatid ng Mabuting Balita kaya ipinauunawa niya kay Filemon na hindi madali sa kanya ang pagpapabalik dito. Kasama ang puso ni Pablo sa pakiusap niyang ito sapagkat si Onesimo ay napamahal na sa kanya. Na kung siya bilang Apostol ay naging kaibigan para sa isang alipin, maaari ding gawin ni Filemon ang gayong pagtanggap. Sa layunin ng pagkakasundo, ipinakikita ni Pablo ang halimbawa ng mabuti at patas na pakikitungo sa isang kapwa mananampalataya.

ANG PAGTULAY NI PABLO SA DALAWA (t. 17-22).

·         Tanggapin si Onesimo tulad ng patanggap sa kanya (t. 17).

·         Ang utang ni Onesimo ay sa kanya singilin (t. 18).

·         Siya ang magbabayad ng utang ni Onesimo (t. 19).

·         Magpapasaya sa kanya ang pagtanggap ni Filemon kay Onesimo (t. 20).

Pinarangalan na ni Pablo ang magandang katangian ni Filemon. Ipinakita rin niya ang mabuting kalagayan at pagbabago sa buhay ni Onesimo. Ang pagtanggap at pagpapatawad ay inaasahang gagawin ni Onesimo. Subalit kung kulang pa ito, kinailangan nang gamitin ni Pablo ang kanyang sarili alang-alang sa pagkakasundo. Naipakita na niya ang pagsalamin ni Filemon sa sarili. Malinaw na niyang naipakita ang bagong larawan ni Onesimo. Ngayon ay inihaharap niya ang sarili. Sa pagpapatawad; siya ang tatanggapin, siya ang singilin, siya ang magbabayad at siya ang mapasasaya. Kakaibang tagapagkasundo. Tunay na ang dala ni Pablo ay kapayapaan sa pagitan nina Filemon at Onesimo. Nagwakas si Pablo sa sulat sa pagsasabi ng kanyang confidence na gagawin ni Filemon ang ipinapakiusap at nagbilin pang ipaghanda siya ng matutuluyan sakaling loobin ng Diyos na siya ay makabalik pa sa Colosas (t. 21-22).

  

Ang tatlong tauhan; sina Pablo, Filemon at Onesimo, ay maaaring nararanasan natin sa iba’t ibang pagkakataon ng ating buhay. Minsan tayo ang nagagawan ng pagkakasala. Madalas siguro, tayo ang nakagagawa ng kasalanan. At magandang pagkakataon kung tayo ay nagiging instrumento sa pagkakasundo ng dalawang kapatiran lalo na sa loob ng ating tahanan. Ipamuhay natin ang aralin natin ngayon. Iwasan nating makagawa ng pagkakasala sa kapwa. Patawarin na natin ang lumalapit at humihingi ng pagpapatawad. Maging tulay tayo ng kapayapaan sa ating kapwa, sa kapatiran at sa bawat miembro ng pamilya.



Pastor Jhun Lopez



________________________________

Nakaraang blog: MAGING MATIYAGA SA PAGHIHINTAY 

Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...