“Nagbabalik tayo sa kwento tungkol sa
pakikipag-usap ng Panginoong Jesus sa Babaeng Samaritana. Natutuhan natin noon
ang pagtuturo Niya tungkol sa Tubig na Nagbibigay Buhay. Nakita natin kung
paanong nakakilala ang babae sa Panginoong Jesus at kung paanong naging
instrumento siya sa pananampalataya ng mga kababayan niya sa Samaria. Babalikan
natin ang itinuro ng Panginoong Jesus sa kanya tungkol sa pagsamba. Ang bawat
tao at relihiyon, ay may pamamaraan ng pagsamba. Ngunit ang tanong ay kung ang
pagsamba ba natin ay naaayon sa pamantayan ng Diyos?”
Nakabibigla para sa Samaritana ang paghingi ng tubig ng
Panginoong Jesus. Hindi ito normal, dahil para sa mga Judio, ang mga
taga-Samaria ay makasalanan at marumi. Mas nakabigla pa sa babae nang sabihin
ng Panginoon na ang ibibigay Niyang tubig ay nagbibigay buhay. Kaya naitanong
ng babae kung higit pa ba ito sa balon ni Jacob na nagpainom sa mga ninuno niya.
At ang pinakamalaking kabiglaan sa kanya ay nang sabihin ng
Panginoong Jesus ang kalagayan niya sa buhay na imposibleng malaman ng isang
lalaking hindi naman niya kakilala. Sa tagpong ito nagsimula ang pag-uusap nila
tungkol sa pagsamba sa Diyos.
Sa pagtatakip ng nahayag na kasalanan ng Samaritana,
kinilala niyang Propeta ang Panginoong Jesus at ipinagmalaki niyang, “Dito sa bundok na ito sumamba sa Diyos ang
aming mga ninuno” (t. 20). Sinasabi lamang niya, na kahit siya ay
taga-Samaria at nasa maling uri ng pamumuhay, siya at ang kanyang mga ninuno ay
sumasamba rin sa Diyos katulad ng mga Judio. Na kung ang mga Judio ay sumasamba
sa dako ng Jerusalem, silang mga taga-Samaria ay sa bundok na nasa kanilang
harapan noon – ang bundok Gerizim.
Sinimulan ng Panginoong Jesus ang pagtutuwid sa nalalaman ng Samaritana tungkol sa pagsamba sa Diyos. Itinuro Niya ang “uri ng pagsambang ninanais ng Ama” (t. 23).
Una, ang tunay na pagsamba ay hindi nalilimitahan ng lugar (t. 21). Kung sa panahon nina Moises ay sa Tolda at sa panahon ni Haring David ay sa Templo, kung sa mga Samaritana ay sa Bundok Gerizim at sa mga Judio ay sa Jerusalem, ang tunay na pagsamba ay hindi nalilimitahan ng iisang lugar lamang.
Ikalawa, ang tunay na pagsamba ay sumasamba sa Diyos na makapagliligtas (t. 22). Bawat relihiyon ay may object of worship. Hindi naman masasabing sumasamba na dahil ang tawag sa gawain ay pagsamba. Mahalaga kung sino ang kinikilalang Diyos na sinasamba. Sa atin, sinasamba natin ang Diyos na ipinakikilala ng Biblia.
Ikatlo, ang tunay na pagsamba ay isinasagawa sa espiritu at sa katotohanan (t.24). Ang pagsamba ay buong puso, buong isip at buong kaluluwa. Ito ay espirituwal na gawain na kung saan ang espiritu ng isang tao ay nakikipag-ugnay sa Espritu ng Diyos. Ang pagsamba ay nakabatay sa katotohanan at hindi sa imbento lamang ng sinuman. Ang pamantayan ng pagsamba ay ang Banal na Kasulatan.
Ang kalagayan natin ngayon ay pagsasabuhay ng ating tinalakay sa Biblia. Naranasan nating ang pagsamba ay hindi limitado ng lugar tulad ng kapilya. Sa kalaganapan, sa IEMELIF at iba pang kapwa natin Cristiano, ang pagsamba ay ginanap Online, sa mga tahanan, at ipa pang mga pamamaraan. Sa atin, mula sa katotohanan ng Biblia, malinaw na ang pagsamba ay sa iisang Diyos sa tatlong persona; Diyos Ama, Diyos Anak at Diyos Espiritu Santo.
Ang tunay na pagsamba ay masumpungan nawa ng Diyos sa atin,
may community quarantine man o wala.
Patuloy nating kilalanin ang Panginoong Jesus nang sa gayon ay hindi tayo
mailigaw ng mga nagkalat na bulaang mangangaral. Sumamba tayo hindi dahil
obligasyon lamang natin ito kundi isagawa natin ang pagsamba dahil ito ang
nilalaman ng ating mga puso’t isipan. Na ang lagi nating pamantayan at batayan
ay ang isinasaad na pagsamba sa Banal na Kasulatan. Idalangan nating, sa
panahon ito ng kaguluhan, tayo ay isang pamilyang tunay na mananamba.
Pastor Jhun Lopez
_________________________________
Nakaraang blog: PAMILYANG NAGLILINGKOD
No comments:
Post a Comment