Search This Blog

Monday, June 8, 2020

PAMILYANG NAGMAMAHALAN

Sa likod ng lahat ng nangyayari ngayon, laging may dahilan para pasalamatan ang Diyos. Isa na rito ay ang pagkakataong magkasama-sama tayo bilang isang pamilya. Isa-isahin natin ang magandang nangyari sa pamilya natin (isa-isang tumugon). Kaya, salamat sa Panginoon! Higit sa mga nabanggit natin, ang pagmamahalan sa pamilya natin ay dapat nating pagbutihan. Bilang isang pamilyang alagad ng Panginoong Jesus, nais Niyang mahalin natin ang Diyos at ang ating kapwa. At nais din Niyang  tayo ay magmahalan sa isa’t isa.”


Ayon sa Panginoong Jesus sa talatang 34-35, ang utos Niya na magmahalan ang mga alagad ay “isang bagong utos.”Ano ang bago? Una, magmahalan kayo,kung paano ko kayo minahal.Ang pagmahalang tinutukoy ng Panginoong Jesus ay nakabase sa pagmamahal na ipinakita at ipakikita pa Niya sa kanila. At ito’y higit nilang nakita nang ialay Niya ang Kanyang buhay sa krus. Ikalawa, magmahalan kayo,makikilala ng lahat na kayo'y mga alagad ko.” Hindi lamang ito basta-basta pagmamahal sa kapwa (neighbour), ito ay pagmamahal na nakatuon sa kapwa alagad, Ito ang magpapatunay ng kanilang pagiging alagad ng Panginoong Jesus. Ito ang liwanag at mabuting patotoong maibabahagi nila sa sanlibutan na sila nga ay alagad ni Cristo.


Paano magmamahalan ang mga alagad? Sa nakita nating mga tagpo, tatlo ang maaari nating matukoy. Una, magmahalan kayo na may paglilingkuran. Ang ginawa ng Panginoong Jesus na paghuhugas sa mga paa ng mga alagad ay “halimbawa upang inyong tularan” (t. 15). Ginawa Niya ang gawain ng isang tagapaglingkod. Kung labindalawa ang mga alagad, dalawpu’t apat na mga paa ang nilinis Niya. Ikalawa, magmahalan kayo na may katapatan. Ang gagawing pagkakanulo ni Judas ay kawalan ng katapatan. Matapos ang tatlong taong kasa-kasama siya ng Panginoong Jesus, pinili pa rin niyang gawin ang pagkakanulo nang matanggap na niya ang tinapay na isinawsaw ng Panginoon. Ikatlo, magmahalan kayo na may pananagutan. Pagkatapos ng utos, sinabi ni Pedro, “Buhay ko ma'y iaalay ko para sa inyo.” Alam na natin ang sumunod na nangyari. Tatlong beses niyang ipinagkaila ang Panginoong Jesus bago tumilaok ang manok. Ayaw niyang managot at madamay sa nakikita niyang paghihirap ng Panginoon.

 

Ang utos na magmahalan ay utos na alam na nating lahat. Pwede nating sabihing hindi na bago. Pero magiging bago ito kung ang pagbabasehan nating lagi ay ang pagmamahal na ipinakita ng Panginoong Jesus. Ang ialay ang buhay para sa minamahal. Magiging bago kung pagtutuunan natin ang pagpapatunay sa mga tao na tayo nga ay mga alagad ng Panginoong Jesus.


Ang pagsasama-sama natin sa iisang tahanan ay hindi lamang dahil tayo ay nasa iisang pamilya. Nais ng Panginoong Jesus na ang pagmamahalan natin sa isa’t isa ay maging hayag (evident). Hindi lamang sinasabi at hindi lamang dahil nararapat. Mahalin natin ang isa’t isa. Gawin natin ang magagawa natin para mapaglingkuran ang bawat miembro ng pamilya. Walang pagtatangi. Walang magtataksil at walang iiba ng landas. Maging tapat at totoo tayo sa isa’t isa. Isa para sa lahat, lahat para sa isa. Kung nalulungkot ka, i-share mo. Makikinig kami at makikilungkot kami sa iyo. Kung may tinanggap kang biyaya, i-share mo. Tatanggapin namin at kami’y makikisaya.



Pastor Jhun Lopez



______________________________________

Nakaraang blog: PAMILYANG MAPAGPASALAMAT


No comments:

Post a Comment

Featured Post

PATULOY TAYONG LUMAGO

    Sa halip, patuloy kayong lumago sa kagandahang-loob ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, at sa pagkakilala sa kanya. S...