Search This Blog

Monday, June 29, 2020

DAAN PATUNGO SA KRUS

Ang daang nilakaran ng Panginoong Jesus patungo sa lugar na pinagpakuan sa Kanya ay tinatawag na Via Dolorosa. Ibig sabihin nito ay Daan ng Paghihirap. Humigit-kumulang sa 600 meters ang lakaring ito. Madaling lakarin kung patag ang daan at walang pasan-pasan. Ang daan ay naging mahirap sapagkat pasan-pasan Niya ang krus na maaaring nasa 11 feet ang haba at ang bigat ay nasa 135 kilograms, mahigit sa dalawang sakong bigas ang bigat. Higit pa roon, sa mga tagpong nakapalibot sa Kanyang pagkapako ay ang mga dinanas pa Niyang pagpapahirap sa kamay ng mga tao. Sa gabing ito, ating puntahan ang daan patungo sa krus ng Panginoong Jesus.”


Ipinahayag ng Panginoong Jesus na ang Kanyang kaharian ay hindi sa sanlibutang ito. Na sa hindi direktang pagsasabi, inaamin Niyang Siya ay isang hari. Hindi ito naunawaan ng mga Judio. Sa halip, inakusahan pa Siyang “sinasabi niyang siya'y Anak ng Diyos” (t. 7) at para sa kanila ay nagpapanggap Siyang hari nang sabihin nilang, “Ang sinumang nagsasabing siya'y hari ay kalaban ng Emperador” (t. 12). Sapagkat ang unawa nila, ang paghahari ng Panginoong Jesus ay isang  pisikal na kaharian. Hinatulang mapako sa krus ang Panginoong Jesus.


Anu-ano ang mga hirap na naranasan ng Panginoong Jesus?

(1) Bago Siya hatulang mapako sa krus (t. 1-16). Siya ay ipinahagupit ni Pilato, ipinatong sa ulo Niya ang koronang tinik at sinuotan Siya ng balabal na kulay ube. Pinagsasampal Siya pagkatapos nilang sabihing, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” Isang napakalaking pagpapahiya sa taong nagsabing Siya ay hari ng isang kahariang hindi sa sanlibutang ito. Walang nagawa si Pilato na Siya ay palayain sa kabila na walang makitang pagkakasala sa Kanya. Nanaig ang taumbayan.

(2) Nang Siya ay mapako sa krus. Ang nilakaran Niyang humigit kumulang na 600 meters na may pasang mahigit sa dalawang sakong bigas ang bigat ay napakahirap. Idagdag pa rito ang panunuya at panlalait ng mga tao. Ang isinulat ni Pilato sa itaas ng krus na, “Ang Hari ng mga Judio” ay tinutulan ng mga punong pari. Kinuha ng mga kawal ang Kanyang damit at pinagpalabunutan. At sa harap ng krus, ang nag-iisang alagad Niyang naroroon ay si Juan lamang. Nang Siya ay mamatay, kinailangan pa Siyang sibatin sa tagiliran upang matiyak na Siya nga ay patay na. Ang daan patungo ng krus ng Panginoong Jesus ay lubhang nakahihiya at napakahirap.

Ipinatotoo ni Apostol Pablo na ang kamatayan ng Panginoong Jesus sa krus ay pagpapadama ng pag-ibig ng Diyos (Roma 5:8). Ipinahayag niyang siya ay kasamang napako sa krus at ang nabubuhay na sa kanya ay ang Panginoong Jesus (Galacia 2:20). Ito ang iniutos niyang tularan ng mga taga-Filipos, ang pagpapakumbaba ng Panginoong Jesus hanggang sa kamatayan sa krus (Filipos 2:6). At sipinahayag naman ni Apostol Pedro, “si Cristo na walang kasalanan ay namatay nang minsan para sa inyo na mga makasalanan, upang iharap kayo sa Diyos” (1 Pedro 3:18).


Ang daan patungo sa krus ng Panginoong Jesus ay pagtubos sa kasalanan natin. Walang makapapantay sa hirap na dinanas Niya. Walang makatutulad sa ginawa Niyang pag-aalay ng buhay. Siya ang natatanging fronliner noon nang mapako Siya sa krus. Ang katabi Niyang nakapako sa kaliwa at kanan ay parehong kriminal na dapat lang sa kanilang parusa. Pero hindi ang Panginoong Jesus, wala Siyang kasalanan. Ang daan patungo sa krus ng Panginoong Jesus ay pagpapadama ng pag-ibig Niya sa atin. (I-recite ng pamilya ang Juan 3:16). Mahal tayo ng Diyos, kaya isinugo Niya ang Panginoong Jesus. Bago pa man tayo magpahayag ng pag-ibig sa Kanya, inibig na Niya tayo. Ang pagsasakripisyo’t pagpapakumbaba ng Panginoong Jesus ay bunga ng pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan. Ang krus ay nagsasabing, “Mahal tayo ni Jesus!


Pastor Jhun Lopez


________________________________

No comments:

Post a Comment

Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...