BASAHIN: Juan 14:15-24
“Sa nakaraang mga sulatin,
higit nating nakilala ang Panginoong Jesus at kung paano Siyang kumikilos sa
pamilya natin. Natutuhan rin nating tayo ay dapat na mamuhay bilang isang
pamilyang naglilingkod sa Panginoon, pamilyang tunay na mananamba, pamilyang
mapagpasalamat at pamilyang nagmamahalan. Ang kabanatang 14 ay nagsimula sa
pagtuturo ng Panginoong Jesus tungkol sa Kanyang sarili na Siyang Daan,
Katotohanan at Buhay. Inihayag Niya dito ang nalalapit Niyang pagpunta sa “bahay
ng Ama.” Dito nanggagaling ang pagsasabi Niyang “Kung iniibig ninyo ako.” Kaya,
ang pag-uusap natin ngayon ay ang pag-ibig natin sa Panginoong Jesus. Aalamin
natin, sa pamilyang ito, mahal nga ba natin ang Panginoong Jesus?”
Ang sabi ng Panginoong Jesus, “Kung iniibig ninyo ako.”
Mahalaga sa Panginoong Jesus ang ibinigay Niyang utos, na
ang mga alagad Niya ay magmahalan sa isa’t isa tulad ng Kanyang pagmamahal sa
kanila. Higit pa rito, ang pag-ibig sa Diyos ay nananatiling pinakamahalagang
utos; buong puso, buong isip, buong lakas at buong kaluluwa. Ang pag-ibig ding
ito ang nais Niyang ipakita ng mga alagad Niya sa Kanya. Ang patunay ng
pag-ibig sa Kanya ay mapatutunayan lamang sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang
mga utos. Tatlong ulit Niya itong sinabi; “tutuparin
ninyo ang aking mga utos” (t. 15), “Ang
tumatanggap sa mga utos ko at tumutupad sa mga ito” (t. 21), at “Ang umiibig sa akin ay tumutupad ng aking
salita” (t. 23). Ang umiibig sa Panginoong Jesus ay sumusunod sa Kanyang
mga utos. Ang hindi sumusunod ay hindi umiibig sa Kanya. Ito marahil ang
problema ng marami, ang pagsunod sa mga utos. Paano nga ba tayo susunod sa mga
utos ng Panginoong Jesus?
Mahirap sumunod kung walang pag-ibig. Ito ang magdadala sa
isang tao para sumunod. Hindi rin naman tamang sabihing umiibig ang isang tao
kung hindi naman marunong sumunod. May tatlong kalakasan (encouragement) na makikita natin sa mga sinabi ng Panginoong Jesus
kung paano tayo makasusunod sa mga utos Niya. Una, ang sumusunod sa mga utos ng
Panginoong Jesus ay may kasamang
Patnubay, ang Espiritu Santo (t. 15-17). Nalalaman ng Panginoong Jesus
na ang mga alagad ay mangangailangan ng kasama sa oras na Siya ay umalis na.
Ang pagsunod ay magiging mahirap kung gagawin nila sa sariling kakayahan. Ang
kalakasan para sa kanila ay ang pagsusugo sa Banal na Espiritu upang sila ay
samahan. Ikalawa, ang sumusunod sa mga utos ng Panginoong Jesus ay iibigin ng Diyos at ang Panginoong Jesus
ay lubusang magpapakilala sa kanya (t. 21). Hindi man hinihingi ang
kapalit, ang Panginoong Jesus na mismo ang nagsabing iibigin Niya ang umiibig
sa Kanya. At ang pag-ibig Niya sa mga iibig sa Kanya ay patuluyan. Ikatlo, ang
sumusunod sa mga utos ng Panginoong Jesus ay panananahanan ng Diyos (t. 23). Sasamahan sila ng Espiritu
Santo, magpapakilalang lubos ang Panginoong Jesus at ang Diyos ay mananahan sa
Kanya. Ibig sabihin lang, 24/7, laging nariyan ang Diyos upang gabayan tayo at
akayin sa buhay na sumusunod sa Kanya patunay ng pag-ibig sa Kanya.
Ang Diyos ay pag-ibig. Walang makapagpapabago sa pag-ibig
ng Diyos sa akin at sa iyo. Ang pag-ibig Niya sa sanlibutan ay talagang
nakamamangha, ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak. Ang pinakamahalagang
utos ay ang pag-ibig natin sa Diyos. Ito ang sinisikap nating magawa bilang mga
mananampalataya ng Panginoong Jesus. Ang pag-ibig sa kapwa ay ikalawa. Ang
pag-ibig naman natin sa mga kapwa-alagad ay pagtulad sa Kanyang pag-ibig at
patunay ng pagiging alagad Niya. Ang pag-ibig sa Panginoong Jesus ay nakikita
sa mga sumusunod sa Kanya.
Sa kabila ng mga nagaganap sa ating paligid, patuloy nating
mahalin ang Panginoong Jesus at ito ay patunayan natin sa pagsunod sa mga utos
Niya. Tandaan nating tayo ay tinutulungan ng Banal na Espiritu. Habang
sumusunod tayo ay higit pa nating makilala ang Panginoong Jesus na ating
iniibig. At alalahanin nating lagi, pinanahanan ng Diyos ang mga sumusunod sa
Kanya.
No comments:
Post a Comment