Search This Blog

Monday, June 1, 2020

PAMILYANG NAGLILINGKOD

Pinasasalamatan at pinupuri natin ang Panginoong Jesus sa magagandang katangian ng bawat isa sa atin. Nalalaman nating mahalaga lahat ito sa Kanya sa ikagaganda pang lalo ng ating pamilya at sa mas mabuting pamumuhay Cristiano natin. Katulad ng natutuhan natin, tayo’y may buhay na walang hanggan. Subalit kasunod dapat nito ay ang sama-sama nating paglalakbay sa pamumuhay Cristiano at paglilingkod sa Panginoong Jesus.”


Ang hapunan sa tahanan nina Lazaro ay isang thanksgiving dinner. Mula sa pagkakasakit, pagkamatay at ang pagbuhay sa kanya ng Panginoong Jesus ay marapat lamang na magdiwang. Ano man ang dahilan, maliwanag na sa pagdating ng Panginoong Jesus, ipinahanda nila Siya ng hapunan. Ang magkakapatid ay naroon sa Kanyang tabi, naglilingkod.


Bilang mabuting pagtanggap sa panauhin, si Lazaro ay kasalo ng Panginoong Jesus sa hapag, tanda ng kanyang pasasalamat sa himala ng buhay. Idagdag pa rito ang kanilang malapit na relasyon, di nga ba’t mahal ni Jesus ang magkakapatid. Si Martha naman ay ginagawa ang paglilingkod na kung saan siya ay magaling. Serving tables. Minsan na niya itong ginawa nang unang dumalaw sa tahanan nila ang Panginoong Jesus (Lucas 10:38-42). Ang kaibahan ngayon, ipinakikitang hindi na niya mag-isang ginagawa ang paglilingkod. Magagawa na niya ang paglilingkod nang hindi naghahanap ng pagkilos ng kapatid na si Maria.


Si Maria, sa pagkakataong ito, ay hindi lamang nakinig sa itinuturo ng Panginoong Jesus. Naglingkod siya sa pamamagitan ng pagbubuhos ng mamahaling pabango sa mga paa ng Panginoon. Ipinampunas pa niya ang mga buhok niya na humalimuyak sa buong bahay. Ang paglilingkod na ginawa ni Maria ay nagpapakita ng pagsasakripisyo at pagpapakumbaba. Sa halaga ng pabango, na ayon kay Judas ay nasa tatlong daang salaping pilak ang halaga, ito ay malaking kawalan na para kay Maria. Tama lang magbuhos ng pabango sa mga paa ng panauhin matapos na hugasan ang mga paa nito. Pero hindi normal o hindi na tama ang magbuhos ng pabangong halos isang taong kita (wage) ang halaga. Iyon ang isinakripisyo ni Maria. Na ayon naman sa Panginoong Jesus ay tama lang bilang paglalaan sa Kanyang libing.


Ang pagpupunas ng buhok ay tanda ng kapakumbabaan. Sa panahong iyon ang buhok ay tanda ng karangalan para sa isang babae. Hindi inalintana ni Maria kung ito man ay maging kahihiyan sa harap ng marami. Handa siyang maging mababa alang-alang sa ikalulugod ng Panginoon. Ang langis ay nagdulot ng ginhawa sa pagal na katawan ng Panginoon. Ang magkakapatid na Lazaro, Martha at Maria, ay naglingkod sa ikagagalak at ikaluluwalhati ng Panginoong Jesus.


Sa marami nating natutuhan mula pa nang tayo ay makakilala at manampalataya sa Panginoong Jesus, kasunod na dapat nito ang paglilingkod sa Kanya. Nagpapasalamat tayo sa pagkakataong ibinibigay Niya sa atin upang makapaglingkod sa iba’t ibang larangan. Gumawa tayo ayon sa kakayahang bigay ng Diyos. Maglingkod na may pagsasakripisyo at pagpapakumbaba.


Sa higpit ng panahon natin ngayon, paano pa tayo makapaglilingkod? Maraming paraan ng paglilingkod na maaaring gawin na aangkop sa kasalukuyang kalagayan. Una, sa loob ng ating tahanan ay marami na tayong magagawang makalulugod sa Panginoong Jesus. Gamitin natin ang social media sa paglilingkod sa kapatiran. Magtabi tayo para sa ibang nangangailangan, hindi man natin maibigay ngayon, maaari itong ilaan sa pagtatapos ng Community Quarantine.


Pastor Jhun Lopez



______________________________

Nakaraang blog: MAY BUHAY NA WALANG HANGGAN



No comments:

Post a Comment

Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...