Search This Blog

Friday, June 26, 2020

IDINADALANGIN TAYO NG PANGINOON

BASAHIN: Juan 17:6-20 


Sa loob ng tatlong taon, nagpakilala ang Panginoong Jesus sa mga alagad Niya. Nabago ang pananaw nila sa buhay dahil sa mga itunuro Niya. Namangha sila sa mga himalang tanging ang Panginoong Jesus ang nakagawa. Nadama nila ang pag-ibig sa paglilingkod Niya. Sa huling hapunan, ipinahayag Niya ang pagkakanulo sa Kanya ni Judas at ang pagkakaila ni Pedro. Mahigpit Niyang itinagubilin ang pag-iibigan ng mga alagad. Narinig ng mga alagad ang sinabi Niya sa Juan 16:33, ‘Magdaranas kayo ng kapighatian sa sanlibutang ito, ngunit tibayan ninyo ang inyong loob! Napagtagumpayan ko na ang sanlibutan!’ Saka Siya nanalangin.”


Nagsimula ang Panginoong Jesus sa Kanyang panalangin sa pagsasabing,Ama, dumating na ang oras…. natapos ko na ang ipinapagawa mo sa akin” (t. 1, 4). Ipinahayag Niya ang pagbabalik sa piling ng Ama, sa pagsasabing,ipagkaloob mo sa akin ngayon sa iyong harapan ang kaluwalhatiang taglay ko sa piling mo bago pa likhain ang sanlibutan” (t.5).


Ang mga sumunod na nilalaman ng panalangin ng Panginoon ay para sa mga alagad Niyang sa ilang panahon na lamang ay iiwanan na Niya physically. Sinabi na Niyang hindi sila makakasama sa Kanyang paroroonan sa mga oras na iyon. Ipinangako na Niya ang pagsusugo sa Patnubay –ang Espiritu Santo. Naniniwala ang Panginoong Jesus na sila ay mga tagasunod Niya. Na ang mga alagad ay tumutupad (t. 6), tumatanggap (t. 8a) at naniniwala (t. 8b) sa mga salita Niya.


Ano ang nilalaman ng panalangin ng Panginoong Jesus para sa mga alagad Niya?

Una, “Ingatan mo po sila” (t. 11). Iningatan sila ng Panginoong Jesus habang kasakasama Siya nang mga ito. Nalalapit na ang pagdakip sa Kanya at ang hirap na daranasin Niya patungo sa krus. Kaya nga,  ipinauubaya na Niya ang pag-iingat sa kanila sa kapangyarihan ng pangalan ng Diyos Ama. Ang pangalan ng Panginoong Jesus ang magbubuklod sa kanila bilang mga alagad Niya.

Ikalawa, “Iligtas mo sila sa Masama” (t. 15). Mananatili sa sanlibutan ang mga alagad. Uusigin sila. Kapopootan sila. Masalimuot ang buhay na kanilang pagdaraanan. Ang Masama – ang diablo – ayon kay Pablo, ay katulad ng leong umaatungal na laging nag-aabang ng pagkakataong sila ay patayin at makain. Naghahanap ang kaaway ng pagkakataong maakay silang ipagkanulo ang kanilang Panginoon. Ang panalanging sila ay mailigtas sa Masama ay kailangang kailangan.

Ikatlo, “Ibukod mo sila” (t. 17). Sila ay ibukod para sa Diyos sa pamamagitan ng katotohanan – ang Banal na Kasulatan. Ibukod sila uri ng kanilang pamumuhay na ang batayan ay ang Salita ng Katotohanan. Sila ay ibukod at isugo sa sa pagdadala ng katotohanan sa sanlibutan.

 

Ang Panginoong Jesus ay dumalangin para sa mga alagad Niya at ang sabi Niya, “pati ang mga mananalig sa akin” dahil sa pahayag ng mga alagad Niya. Tayo ang tinutukoy Niya. Kasabay ng ating mga panalangin, tayo ay ipinapanalangin ng Panginoong Jesus. Siya ang Tagapamagitan, ang namamanhik sa Diyos Ama sa ating mga kalagayan.


Sa kaguluhan ng ating panahon, idinadalangin ng Panginoong Jesus ang pag-iingat ng Diyos sa atin sa kapangyarihan ng pangalan ng Diyos. Idinadalangin Niya ang kaligtasan natin sa mga gawa ng Masama na ang mga tukso ay maitaboy natin papalayo. Idinadalangin Niyang tayo ay maibukod sa takbo ng mundo ngayon na ang uri ng ating pamumuhay ay nasa panig ng katotohanan. Habang tayo ay nananalangin, asahan nating idinadalangin tayo ng Panginoon.



Pastor Jhun Lopez


____________________________

No comments:

Post a Comment

Featured Post

PATULOY TAYONG LUMAGO

    Sa halip, patuloy kayong lumago sa kagandahang-loob ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, at sa pagkakilala sa kanya. S...