Search This Blog

Tuesday, May 5, 2020

MANATILI AT MAMUNGA

Kapag nakakita tayo ng fruit bearing tree (halimbawa, bayabas o mangga), ang agad nating hinahanap ay ang bunga nito. Hindi natin tinitingnan kung malalim ba ang ugat, kung matibay ba ang puno at mga sanga nito o kung ang mga dahon ba nito ay kulay green. Ang unang tinitingala natin ay kung may masusungkit ba tayong bunga. Mahalaga ang mga bunga. Pero bago ang bunga, magandang makita natin ang ugnayan ng puno at ng mga sanga.”


Ang Panginoong Jesus ang Tunay na Puno ng Ubas. Ang Ama ang Tagapag-alaga. Ipinakita Niya sa mga alagad ang ugnayan nila ng Diyos Ama. Na ang bawat sangang walang bunga ay inaalis samantalang ang namumunga ay ginagawan pa ng paraang mamunga nang sagana. Ibig sabihin lang nito, kung ang bunga ng mga sanga ay mahalaga para sa Tagapag-alaga, ang pamumunga ng mga sumusunod sa Panginoong Jesus ay hinahanap at mahalaga sa Diyos. Ang pananatili ng mga alagad sa Panginoong Jesus ay susi sa mabunga at matagumpay na buhay Cristiano.


Ang Panginoong Jesus ang Tunay na Puno ng Ubas at tayo ang mga sanga.  Kailangang manatili sa Panginoong Jesus ang Cristianong gustong mamunga ng sagana sapagkat kung ang isang Cristiano ay hiwalay sa Puno, wala siyang magagawa, tiyak na hindi siya mamumunga ayon sa inaasahan ng Diyos sa kanya. At hindi kapanipaniwalang siya ay alagad ni Cristo kung hindi makikita ang ibinubunga sa uri ng kanyang pamumuhay.


Ang sangang nananatili sa Puno ay magpapakita ng mga ebidensiya sa pamamagitan ng mga bunga niya. Anu-ano ang mga ebidensiya na tayo nga ay nananatili sa Panginoong Jesus? Una, answered prayer. Kung tayo ay nananatili sa Panginoong Jesus, tinatanggap natin ang mga katuparan sa mga kahilingan natin sa Diyos (t. 7). Ikalawa, blessed life. Napararangalan ang Diyos sa pamumuhay natin sa pamamagitan ng mabuting halimbawa sa iba. Kitang-kita sa buhay natin na tayo nga ay mga alagad ng Panginoong Jesus (t.8). At ikatlo, remaining in His love. Mahirap sumunod nang walang pag-ibig. Ang alagad na namumunga ay nananatili sa pag-ibig ng Panginoong Jesus na nagbubunga ng pagsunod sa Kanyang mga utos.


Kanina, nalaman nating iba-ibang prutas ang gusto at kapareho natin. Nalaman din nating iba-iba ang mga katangian natin. Iba-ibang  mga ugali at mga edad natin. Pero bilang mga Cristiano, tayo ay pare-parehong mga sanga ng Tunay na Puno ng Ubas - ang Panginoong Jesus. Siya ang Puno, tayo ang mga sanga. Isa ito sa mga pamamaraan ng pakikipag-ugnayan natin sa Kanya.


Mahalaga sa Diyos na tayo ay namumunga. Hindi madali ang manalangin at tumanggap ng answered prayer. Ang maging mabuting patotoo ay struggle sa marami. Ibig sabihin, hindi lahat ay nakapamumuhay na may kabutihan. At ang pamumuhay na may pag-ibig ay napakalaking challenge sa atin. Pero ito ang nais ng Diyos, ang tayo ay mamunga. Nais Niyang tayo ay makatanggap ng katugunan sa panalangin. Nais Niyang ang buhay natin ay nagbibigay karangalan sa Kanya. Nais Niyang tayo ay nagpapakita ng pag-ibig sa kapwa katulad ng pag-ibig Niya sa atin. Ang susi ay ibinigay na Niya sa mga alagad Niya, “Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang nagbubunga nang sagana” (t. 5).


Sa panahong ito nang kawalang kasiguruhan, habang tayo ay hinuhubog ng Panginoong Jesus bilang mga alagad Niya, tayo’y MANATILI AT MAMUNGA! Ang misyon ng Diyos sa ating pamilya ay ating maisasakatuparan. Tayo ay magiging mga alagad na gumagawa ng mga alagad Niya.


Pastor Jhun Lopez



_____________________________________

Nakaraang blog: HINDI TAYO MABABAGABAG

 


No comments:

Post a Comment

Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...