Search This Blog

Friday, May 8, 2020

MAY BUHAY NA WALANG HANGGAN

Ang walong pagpapakilala ng Panginoong Jesus kung sino Siya ay tinalakay sa nakaraang walong araw na Family Altar natin (kung nagsimula kayo noong March 16). Sa pasimula ng Juan 3, pinuntahan Siya ng Pariseong si Nicodemo na isang pinuno ng mga Judio. Sa pag-uusap nila, sinabi Niya ang pangangailangan ng kapanganakang muli o ang pagiging born again upang makapasok sa kaharian ng Diyos. Hindi ito lubos maunawaan ni Nicodemo. Kaya ngayong gabi, sisikapin nating maunawaan ang pananalig nating tayo ay may buhay na walang hanggan.”


Nakalulungkot man, si Nicodemo na isang Pariseo at pinuno ng mga Judio ay hindi nauunawaan ang pangangailangan ng pananampalataya sa Panginoong Jesus. Siya ay may malalim na kaalaman sa Kautusan. Malamang, siya ay lalaking mayaman, dahil sa panahong iyon, ang mga pinuno ay nasa mataas na antas na kalagayan ng lipunan. Sa kabila ng kanyang background, sa mga pagtatanong niya, hindi niya alam ang kahulugan at kahalagahan ng pananampalataya.


Ang pag-uusap ni Nicodemo at ng Panginoong Jesus ay mga sandali ng pagtuturo tungkol sa pananampalataya. Mahirap naman talagang maunawaan sa simpleng pag-uusap kung paanong ipanganganak na muli ang isang tao. Na ang tanging makapapasok sa kaharian ng Diyos ay an mga ipinanganak na muli. Imposible namang bumalik pa sa tiyan ni Nanay. Paano?


Inihalintulad ng Panginoong Jesus ang pananampalataya sa Kanya sa tansong ahas na itinataas ni Moises sa ilang. Ang salot ng mga ahas sa ilang ay pamilyar na kwento kay Nicodemo. Na ang bawat titingin sa tansong ahas ni Moises, kahit makagat ng ahas ang isang Israelita ay hindi mamamatay. Tulad noon, sinasabi ng Panginoong Jesus kay Nicodemo ang pangangailangan ng pananampalataya sa Kanya upang makamit nito ang pagpasok sa kaharian ng Diyos – ang buhay na walang hanggan (t.15-16). Nang sa gayon ay maligtas sa kamatayan – sa kapahamakan.


Ang pagsampalataya sa Panginoong Jesus ay ang kapanganakang muli na magliligtas sa isang tao. Ang taong magkakaroon ng buhay na walang hanggan ay iyong mga sumampalataya sa kaisa-isang Anak ng Diyos – sa Panginoong Jesus. Maaari kasing si Nicodemo ay may pananampalataya, pero hindi sa Kanya. Ang pananampalataya sa Panginoong Jesus ay paglapit sa Kanyang liwanag na maglalantad ng mga kasalanan ng isang tao. Ang liwanag ng ilaw ng Panginoong Jesus ang magpapatunay kung ang taong ito ay tagasunod Niya.


Mahalagang matiyak natin ngayong gabi kung tayo nga ba ay sumampalataya na sa Panginoong Jesus. Ang maging Cristiano ay hindi lang pagiging church member o magkaroon ng ministry sa church. Hindi rin tiyak na tayo’y sumampalataya na sa dahilan lamang na tayo ay member ng pamilyang ito. Dapat nating matiyak, individually, kung tayo ay ipinanganak na nga bang muli. Ibig sabihin, lumapit ka na sa liwanag ng Panginoong Jesus. Tapat ka nang nagsisi sa iyong mga kasalanan. Naitalaga mo na ang sarili mo sa pagsunod sa Kanya bilang Panginoon ng iyong buhay. Sumampalataya ka na sa kaisa-isang Anak ng Diyos – sa Panginoong Jesus.


Ang sumasampalataya sa Panginoong Jesus ay may buhay na walang hanggan. Ang lumalapit sa Kanya ay maliligtas. Ang bawat Cristiano ay naglalakbay sa pagiging alagad Niya. At ang bawat alagad Niya ay namumuhay sa  buhay na ang layunin ay pagsunod sa Kanya. Sa pamilya natin, ito ang ating ipamuhay, dahil sa Panginoong Jesus, may buhay na walang hanggan.



Pastor Jhun Lopez 



___________________________________

Nakaraang blog: MANATILI AT MAMUNGA


No comments:

Post a Comment

Featured Post

PATULOY TAYONG LUMAGO

    Sa halip, patuloy kayong lumago sa kagandahang-loob ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, at sa pagkakilala sa kanya. S...