Search This Blog

Friday, June 5, 2020

PAMILYANG MAPAGPASALAMAT

"Kung naaalaala ninyo, ito ang tagpo bago ang pagpapakilala ng Panginoong Jesus na Siya ang Tinapay na Nagbibigay-buhay. Pamilyar na sa atin ang kwentong ito - ang pagpapakain sa limang libo. Ano nga ba ang napapanahong aral sa atin nito? Na sa buong mundo ay takot, kaguluhan at kamatayan ang makikita natin. Ang limang tinapay at dalawang isda na bumusog sa limang libong lalaki ay may itinuturo sa ating pamilya ngayon. Na tayo ay maging isang pamilyang mapagpasalamat. Sama-sama nating i-discover ang mga aral na nakapaloob sa bahaging ito ng Banal na Kasulatan.”


Ang napakaraming tao na sumusunod sa Panginoong Jesus ay sumusunod dahil sa nasaksihan nilang pagpapagaling ng mga maysakit. Isa na dito ang pagpapagaling sa lalaking tatlumpu't walong taon nang may sakit (chapter 5). Sa salita lamang Niya ay gumaling ang lalaki. Gayundin, hinamon Niya ang mga Judiong nagtatangkang ipapatay Siya sa pagsasabing, “ang nakikinig sa aking salita at sumasampalataya sa nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan” (5:24). Winakasan pa Niya ito sa ganitong pananalita, “Kung talagang naniniwala kayo kay Moises, maniniwala din kayo sa akin, sapagkat sumulat siya tungkol sa akin” (5:46). Maaaring ito nga ang dahilan ng iba, pagsampalataya. Pero ayon sa nasaad sa Biblia, “Sinundan siya ng napakaraming tao sapagkat nakita nila ang mga himalang ginawa niya” (6:2).


Sa anumang dahilan ng mga tao, ang mahalaga sa panahong iyon ay ang kanilang pagsunod at pakikinig sa mga aral ng Panginoon. Habang dumadagsa ang mga tao, maliban pa sa pagpapagaling ng mga sakit at sa pangangaral, nadama ng Panginoon ang pangangailangan ng mga tao. Tinanong Niya si Felipe, “Saan tayo makakabili ng tinapay?” na ang isinagot sa Kanya ay ang kawalan ng pondong pambili ng tinapay na kakasya sa mga tao. Dinala ni Andres sa Panginoong Jesus ang isang batang lalaki na may dalang limang tinapay at dalawang isda na sa  tanong nito ay nagpapalagay na alam niyang hindi ito kakasya.


Ang sumunod na tagpo ay ang himala ng Panginoong Jesus na pakainin ang limang libong lalaki, hindi pa nabilang ang mga babae at mga bata. Pinaupo Niya ang mga tao sa damuhan. Kinuha ang tinapay, ipinagpasalamat sa Diyos at ipinamahagi sa mga tao. Gayundin ang ginawa Niya sa mga isda. Limang tinapay at dalawang isda lamang ang mayroon sila. Pero ito ang ginamit ng Diyos upang lahat ay makakain at mabusog. At sumobra pa ng labindalawang kaing! Paano? Ang kakaunting nasa kamay nila ay ipinagpasalamat ng Panginoong Jesus!


Mas madali ang magreklamo sa panahon ngayon. Sapagkat ang nakikita ay ang mga wala hindi ang mga bagay na mayroon ang mga tao. Lalo na ngayong tayo ay nasa Enhanced Community Quarantine. Mahirap lumabas ng bahay at makabili basta basta ng mga pagkain. Ang iba nga ngayon ay walang trabaho, no work, no pay. Nag-aabang ang marami sa ipadadala ni Mayor at ni Kapitan. Paano nga namang magpapasalamat kung nauubos na ang itinabing stocks?


Anu-ano nga ba ang mayroon tayo ngayon? (Tingnan ang inyong inilista.) Ang dami pala! Bilang mga mananampalataya at mga tagasunod ng Panginoong Jesus, katulad ng mga napag-aralan na natin sa mga nagdaang araw, kasama natin ngayon ang Panginoon at hindi Niya tayo iniiwan. Sa paniniwalang ito, nananalig tayong anumang mayroon tayo ngayon sa ating mga kamay ay sapat upang tayo ay “makakain at mabusog.” Ibig sabihin, tiyak na masisiyahan tayo at makukuntento sa buhay na mayroon tayo ngayon kung magagawa nating ipagpasalamat ang lahat nang ito sa Panginoong Jesus – ang Panginoon nating mapagbiyaya. Tayo ay mga alagad ng Panginoong Jesus na sa anumang kaloob Niya sa ating mga kamay, dulot ay “kabusugan.” Nalalaman Niya ang ating mga pangangailangan at nalalaman Niya kung paano natin ito mapagtatagumpayan. “Kakain tayo at mabubusog!” Tayo ay isang pamilyang mapagpasalamat sa Diyos.



Pastor Jhun Lopez



_________________________________

Nakaraang blog: TUNAY NA MANANAMBA


2 comments:

  1. Ang pangako po ng Panginoon ay hindi tayo iiwan ni pababayaan man.Gayundin ang paalalala po na huwag tayong mabalisa sa anumang bagay, at kung naibigay sa atin ang kanyang bugtong na Anak, ano pa ang hindi kayang ibigay ng Diyos kasama ang kanyang Anak? Lahat po yan ay panagako po ng Diyos na aking pinanghawakan kaalinsabay ang pagsisikap pong maipamuhay ang kanyang mga salita at hindi po kami binigo ng Diyos.Nakita ko po ang katapatan ng Diyos at provision po sa lahat ng aming pangagailanagan.Tunay po siyang matapat lalo na po sa mga anak po niyang lubos na nagtitiwala po sa Kanya.Purihin po ang Panginoon!!!

    ReplyDelete
  2. Ang pangako po ng Panginoon ay hindi tayo iiwan ni pababayaan man.Gayundin ang paalalala po na huwag tayong mabalisa sa anumang bagay, at kung naibigay sa atin ang kanyang bugtong na Anak, ano pa ang hindi kayang ibigay ng Diyos kasama ang kanyang Anak? Lahat po yan ay panagako po ng Diyos na aking pinanghawakan kaalinsabay ang pagsisikap pong maipamuhay ang kanyang mga salita at hindi po kami binigo ng Diyos.Nakita ko po ang katapatan ng Diyos at provision po sa lahat ng aming pangagailanagan.Tunay po siyang matapat lalo na po sa mga anak po niyang lubos na nagtitiwala po sa Kanya.Purihin po ang Panginoon!!!

    ReplyDelete

Featured Post

PATULOY TAYONG LUMAGO

    Sa halip, patuloy kayong lumago sa kagandahang-loob ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, at sa pagkakilala sa kanya. S...