“’Ano ba ang katotohanan?’ Ito ang tanong ni
Pilato. Sa panahong ito na puro ‘fake news’ ang nababasa at naririnig natin,
hindi na malaman ng mga tao kung ano ang totoo at kung ano ang hindi. Maging sa
pangangaral ng Salita ng Diyos, patuloy na dumarami ang mga ‘fake preachers.’
Minsan nga ang katwiran natin, pareho namang Biblia ang ipinapangaral, kaya OK
lang lahat. Basta may Diyos, wala nang pag-uusap. Kaya ang lahat ay pinakikinggan,
lahat ng aral ay tinatanggap. Sa mga huling oras ng Panginoon bago Siya mapako
at mamatay sa krus, patuloy Siyang nagturo.”
Si Pilato ay kilalang-kilala natin sapagkat may malaki
siyang role sa pagkakapako ng
Panginoong Jesus sa krus. Siya ang Gobernador ng Judea sa panahong iyon. Bilang
gobernador, siya ang “head of the judicial system.” Siya ay
may “power to inflict capital punishment,
and was responsible for collecting tributes and taxes, and for disbursing funds”[1]
Nauna Siyang dinala sa harapan ni Caifas, ang Pinakapunong Pari noon (Chief Priests). Subalit walang nakitang
kasalanan si Caifas, kaya dinala ang Panginoong Jesus kay Pilato. Siya ang nasa
kapangyarihan upang magbigay ng hatol na hinihingi ng mga tao.
Si Pilato ay nag-atubiling hatulan ang Panginoong Jesus
sapagkat katulad ni Caifas, wala siyang makitang kasalanang nagawa ang
Panginoong Jesus. Aniya, “Wala akong
nakikitang dahilan upang hatulan siya.” Makailang ulit din niyang ibinitin
ang pagbaba ng hatol. At sa paulit-ulit na sigaw ng mga tao na “Ipako sa krus!,” naghugas siya ng mga
kamay at sinabing, “Wala akong
pananagutan sa dugo ng taong ito” (Mateo 27:24).
Sa pagharap ng Panginoong Jesus kay Pilato, dalawang sagot sa mga tanong niya ang pagtuunan natin.
Una, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” (t. 33). Ang sagot ng Panginoong Jesus, “Ang kaharian ko'y hindi sa sanlibutang ito…” (t. 36). Ang kaharian Niya ay hindi pisikal na kaharian. Ang mga kawal Niya ay hindi sandatahang tulad ng mga nagtatanggol sa bayan. Higit pa sa mga kaharian sa sanlibutan, ang Panginoong Jesus ang Hari ng mga hari. Ang paghahari Niya ay para sa lahat ng mga sumasampalataya sa Kanya.
Ikalawa, “Kung
ganoon, isa ka ngang hari?” Sinagot siya ng Panginoong Jesus sa pagsasabi
ng layunin ng ipinarito Niya sa sanlibutan, “upang magpatotoo tungkol sa
katotohanan” (t. 37). Ang paghahari ng Panginoong Jesus ay hindi para
Siya ay paglingkuran kundi upang maglingkod. Ang isa sa mga pangunahing
ipinaglingkod Niya sa mga tao ay ang pagpapatotoo tungkol sa katotohanan. Nangaral,
nagturo, ipinamuhay at ipinakilala sa mga tao ang katotohanan. Kaya sa huli,
nagtanong si Pilato, “Ano ang
katotohanan?” Kung nakikinig na mabuti si Pilato, malamang sumampalataya
rin siya sa Panginoong Jesus. At may mga paniniwalang si Pilato ay
nanampalataya sa Panginoong Jesus.
May sagot ang Panginoong Jesus sa bawat tanong natin. Hindi
man natin ito kaagad na maunawaan, habang lumalago at lumalalim tayo sa ating
relasyon sa Panginoong Jesus, natututuhan natina ang mga sagot sa ating mga
tanong. Patuloy lang tayo sa paglapit sa Kanyang mahabaging trono at sa
pagsunod sa Kanyang mga utos.
Ang Panginoong Jesus ang Hari ng ating mga buhay. Ibigay
natin sa Kanya ang pinakamataas na paggalang, matapat na pagsunod at buung-buong
pagpapasakop sa Kanyang paghahari. Maging sa panahong ito ng kaguluhan, ang
paghahari ng Panginoong Jesus ay nananatili sa puso at isipan ng mga alagad
Niya. Mga alagad na laging nakikinig sa tinig ng Panginoong Jesus!
No comments:
Post a Comment