Search This Blog

Tuesday, June 30, 2020

PAGLILINGKOD NG LINGKOD NG DIYOS

Ang sulat ni Apostol Pablo sa mga taga-Filipos ay isa sa mga sulat niya nang siya ay nakakulong at nalalapit na ang sariling kamatayan. Sa kabila nito, ang sulat niya ay sulat na puno ng pagpapahayag ng kagalakan kahit sa kalagayang dapat ay nawalan na siya ng pag-asa. Ang Iglesia sa Filipos ay kinikilalang isa sa mga iglesiang naitatag ni Pablo sa kanyang 2nd Missionary Journey. Ang mga taga-Filipos ay namulat sa pagsamba sa emperador at sa mga diyus-diyosan. Ilan sa mga naakay niya sa pananampalataya sa lugar na ito ay si Lydia at ang bantay-kulungan. Isa sa mga layunin ng kanyang pagsulat ay ang pakikipagbalitaan sa kalagayan ng mga mananampalataya sa Filipos at sa pagkukwento ng kanyang kalagayan sa kulungan. Ang sulat niya sa mga taga-Filipos ay sulat ng isang lingkod ng Diyos, isang pastor, na nagmamalasakit sa kalagayan ng mga mananampalataya.


Si Apostol Pablo ay may pasaning alagaan ang mga mananamapalataya sa Filipos bilang tagapagtatag ng iglesia dito. Noo’y nagpapakita siya ng kanyang pastoral duty para sa mga ito. SapagKat isa pa sa layunin ng kanyang sulat ay ang pagsansala at pagtutuwid sa mga bulaang guro noon na maaaring makapandaya sa mga taga-Filipos. Sinimulan niya ang sulat sa pagpapadama ng puso ng isang pastor.


Tatlong katangian ang ipinakita ni Apostol Pablo sa bahaging ito na maaaring magpalakas sa ministeryo ng isang lingkod ng Diyos at maipaunawa sa mga mananampalataya ang kanilang puso.

Una, sa talatang 3-6, ang lingkod ng Diyos ay NAGAGALAK SA BUHAY NG MGA TAONG KANYANG PINAGLILINGKURAN. Ang magagandang ginagawa ng mga kapatiran, lalo na ang pagdadala ng Magandang Balita ay nagreresulta ng panalanging puno ng kagalakan at pasasalamat ng Pastor. Sa kabaligtaran, kalungkutan ng isang Pastor ang mga balitang hindi maganda tungkol sa kapatiran lalo na ang katamaran sa pagpapalaganap ng Ebanghelyo.

Ikalawa, sa talatang 7-8, ang lingkod ng Diyos ay PINAHAHALAGAHAN ANG MGA TAONG KABILANG SA KANYANG KAWAN. Sa pagsasabi ni Apostol Pablo na ang mga taga-Filipos ay nasa kanyang puso at ang muli silang makita ay kanyang pinananabikan ay nagpapakita ng malalim na pagpapahalaga sa mga ito. Ang mga taga-Filipos ay nagpapahalaga rin naman sa kanya sa pamamagitan ng mga tulong na ipinararating sa kanya (4:10-20).

Ikatlo, sa talatang 9-11, ang lingkod ng Diyos ay TAIMTIM NA DUMADALANGIN PARA SA IGLESIA. Ang isa sa pangunahing ministeryo ng isang Pastor ay panalangin para sa kanyang kawan. Panalanging sumagana sa pag-ibig at pagkaunawa upang mapili nila ang pinakamahalaga. Panalanging maging malinis at walang kapintasan ang uri ng buhay, sagana sa mga kaloob, sa karangalan at ikadadakila ng Diyos.

 

Ang paglilingkod ni Pablo para sa mga taga-Filipos ay hindi “one-way-ticket.” Ang kagalakan niya ay nakaugat sa mabuting balita tungkol sa magandang uri ng pamumuhay ng bawat mananampalataya. Ang pagpapahalagang ginawa niya para sa mga ito ay sukli sa ginawang pagpapahalaga sa kanya. At ang taimtim na panalangin niya ay may layunin para sa ikabubuti ng mga taga-Filipos na malaking kagalakang makita ng isang lingkod ng Diyos. Kaya naman, habang siya ay nagagalak, nagpapahalaga at dumadalangin para sa mga taga-Filipos, ang mabuting ugnayan sa pagitan nila ang napakainam na resulta.


Pastor Jhun Lopez


____________________________
Nakaraang blog: DAAN PATUNGO SA KRUS

1 comment:

  1. salamat sa mga magagandang mensahe...pagpalain po kayo ng ating Panginoon.

    ReplyDelete

Featured Post

PATULOY TAYONG LUMAGO

    Sa halip, patuloy kayong lumago sa kagandahang-loob ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, at sa pagkakilala sa kanya. S...