BASAHIN: Filemon 1
“Mahirap magpatawad
lalo na kung ang nagawa sa atin ay napakabigat at masakit sa damdamin. Ito ay isa sa mga paksang
tinatalakay ng Biblia. Ang katotohanang nagkakasala ang tao at nangangailangan
ng pagpapatawad ay nagpapatingkad ng pag-uusap tungkol dito. Isa sa mga
kwentong tumatalakay tungkol dito ay ang nakamamanghang pagpapatawad ni Jose sa
mga kapatid niyang naghulog sa kanya sa balon at nagbenta sa kanya para maging
alipin. At ang pinakadakilang pagpapatawad na ating huwaran ay ang ginawa ng
Panginoong Jesus nang Siya ay mapako sa krus, ang wika Niya, ‘Ama, patawarin Mo
po sila.’ Pinatawad ang kasalanan ng buong sanlibutan.”
Ang
sulat ni Apostol Pablo kay Filemon ay isa sa mga tinaguriang Prison Epistles. Isinulat niya ito sa
panahong siya ay kasalukuyang nakakulong (house
arrest). Kasama si Timoteo, ang sulat ay personal na sulat para kay Filemon
na taga-Colosas. Masasabing may House
Church sa tahanan ni Filemon at kasama niyang naglilingkod sina Apia at
Arquipo (t. 2). Ang sulat ay nakasentro sa pamanhik ni Apostol Pablo kay
Filemon na muling tanggapin si Onesimo sa kanyang tahanan at patawarin na sa
nagawang pagkakasala nito. Naging tulay si Apostol Pablo upang pagkasunduin
sina Filemon at Onesimo.
ANG PAGKAKILALA NI PABLO KAY FILEMON (t. 4-7).
· May pag-ibig
sa lahat ng hinirang ng Diyos (t. 5a).
· Huwaran
ang pananampalataya sa Panginoong Jesus
(t. 5b).
· Kaisa
sa pananampalataya ni Pablo (t. 6).
· Nagpakita
ng pagmamahal kay Pablo (t. 7).
Ang mga
katangiang ito ang dahilan ng pagpapasalamat ni Pablo sa Diyos tuwing si
Filemon ay kanyang ipinapanalangin (t. 4). Dahil alam ni Pablong kabuklod niya
si Filemon, idinalangin niyang magbunga ang mas malalim na pagkaunawa nito sa
kabutihang dulot ng pakikipag-kaisa kay Cristo (t 6). Si Filemon ay malaking
katuwaan at kaaliwan kay Pablo at kasiglahan ng mga kapatiran (t. 7). Kung ang
layunin ng sulat ay pagkakasundo, sinimulan ito ni Pablo sa mga positibong
pananalitang magpapaalab ng pag-ibig sa kapwa mananampalataya.
ANG RELASYON NI PABLO KAY ONESIMO (t. 8).
·
Anak sa pananampalataya ni Pablo (t. 10).
·
Dati’y walang pakinabang kay Filemon,
ngayon ay kapakipakinabang na sa kanila (t. 11).
·
Pinababalik ni Pablo kasama ang kanyang
puso (t. 12-14).
·
Pinababalik upang tanggapin bilang kapatid
at hindi na isang alipin (t. 15-16).
Ang
ipinakikiusap ni Pablo kay Filemon ay anak niya sa pananampalataya na nadala niya
sa pananampalataya habang siya ay nakakulong. Naging pakinabang si Onesimo kay
Pablo sa paghahatid ng Mabuting Balita kaya ipinauunawa niya kay Filemon na
hindi madali sa kanya ang pagpapabalik dito. Kasama ang puso ni Pablo sa
pakiusap niyang ito sapagkat si Onesimo ay napamahal na sa kanya. Na kung siya
bilang Apostol ay naging kaibigan para sa isang alipin, maaari ding gawin ni
Filemon ang gayong pagtanggap. Sa layunin ng pagkakasundo, ipinakikita ni Pablo
ang halimbawa ng mabuti at patas na pakikitungo sa isang kapwa mananampalataya.
ANG PAGTULAY NI PABLO SA DALAWA (t. 17-22).
·
Tanggapin si Onesimo tulad ng patanggap sa
kanya (t. 17).
·
Ang utang ni Onesimo ay sa kanya singilin
(t. 18).
·
Siya ang magbabayad ng utang ni Onesimo
(t. 19).
·
Magpapasaya sa kanya ang pagtanggap ni
Filemon kay Onesimo (t. 20).
Pinarangalan
na ni Pablo ang magandang katangian ni Filemon. Ipinakita rin niya ang mabuting
kalagayan at pagbabago sa buhay ni Onesimo. Ang pagtanggap at pagpapatawad ay
inaasahang gagawin ni Onesimo. Subalit kung kulang pa ito, kinailangan nang
gamitin ni Pablo ang kanyang sarili alang-alang sa pagkakasundo. Naipakita na
niya ang pagsalamin ni Filemon sa sarili. Malinaw na niyang naipakita ang
bagong larawan ni Onesimo. Ngayon ay inihaharap niya ang sarili. Sa
pagpapatawad; siya ang tatanggapin, siya ang singilin, siya ang magbabayad at
siya ang mapasasaya. Kakaibang tagapagkasundo. Tunay na ang dala ni Pablo ay
kapayapaan sa pagitan nina Filemon at Onesimo. Nagwakas si Pablo sa sulat sa
pagsasabi ng kanyang confidence na
gagawin ni Filemon ang ipinapakiusap at nagbilin pang ipaghanda siya ng
matutuluyan sakaling loobin ng Diyos na siya ay makabalik pa sa Colosas (t.
21-22).
Ang
tatlong tauhan; sina Pablo, Filemon at Onesimo, ay maaaring nararanasan natin
sa iba’t ibang pagkakataon ng ating buhay. Minsan tayo ang nagagawan ng
pagkakasala. Madalas siguro, tayo ang nakagagawa ng kasalanan. At magandang
pagkakataon kung tayo ay nagiging instrumento sa pagkakasundo ng dalawang
kapatiran lalo na sa loob ng ating tahanan. Ipamuhay natin ang aralin natin
ngayon. Iwasan nating makagawa ng pagkakasala sa kapwa. Patawarin na natin ang
lumalapit at humihingi ng pagpapatawad. Maging tulay tayo ng kapayapaan sa
ating kapwa, sa kapatiran at sa bawat miembro ng pamilya.
Pastor Jhun Lopez
________________________________
Nakaraang blog: MAGING MATIYAGA SA PAGHIHINTAY
No comments:
Post a Comment