Sinumang nagsasabing nananatili siya sa Diyos ay dapat mamuhay tulad ng pamumuhay ni Jesu-Cristo.
1 Juan 2:6
TuLAD NI JESU-CRISTO: HUWAG MAGKASALA. Ang buhay Cristiano ay hindi lamang pag-anib sa isang relihiyon at sumunod sa mga sisteme nito. Ito ay isang buhay na ang layunin ay tularan ang Panginoong Jesus sa Kanyang mga halimbawa. At ang kitang-kita sa Kanyang buhay ang hindi pagkakasala. Kaya naman ito ang binibigyang-diiin ni Apostol Juan, "Huwag kayong magkasala" (t.1). Na kung tayo man ay magkasala, ang Panginoong Jesus ang ating Tagapagtanggol mula pa nang Siya ay maging handog sa ikapagpapatawad ng kasalanan natin at ng buong sanlibutan (t.2). Ang patuluyang paglilinis at pagpapatawad sa kasalanan ay palaging nakalaan sa lahat ng mga lalapit at magsisisi sa nagawang pagkakasala. Sapagkat nais ng Diyos na tayo ay maging katulad ng Panginoong Jesus, malaya sa gawa ng kasalanan.
TULAD NI CRISTO: MAMUHAY SA LIWANAG. Ang Panginoong Jesus ang tunay na ilaw ng sanlibutan. Siya ang liwanag. Ang utos na tayo ay magmahalan ay paulit-ulit na ipinapaalala sa mga alagad sapagkat ang liwanag Niya ay nakikita sa Kanyang dakilang pag-ibig sa atin (t. 8). Ang buhay ng katuwiran at pag-ibig ng Panginoong Jesus kasama ng Kanyang mga alagad ay nasaksihan. Na hanggang ngayon ay ating nararanasan sa araw-araw. Kaya nga, patunay na tayo ay nasa liwanag kung mahal natin ang ating mga kapatid sa Panginoon lalong higit an gmga mahihina pa sa pananampalataya. Hindi maaaring sabihing nasa liwanag tayo, o kaya ay ipagsabing tayo ay Cristiano, kung wala sa atin ang pag-ibig tulad ng pag-ibig Niya - pag-ibig na nasa liwanag!
TULAD NI CRISTO: MANATILI SA DIYOS. Malinaw na sinasabi ni Juan, na ang namumuhay tulad ni Cristo ay nanggagaling sa katotohanang siya ay nananatili sa Diyos. Madali sigurong sabihing tayo ay sa Diyos.Pero higit pa sa pagsasalita, ang pagsasabuhay ay mahalagang sangkap sa pananatili natin sa pananampalataya. Madaling bumitiw kung hindi malinaw ang pananampalatayang tinanggap natin sa Kanya. Sa dami ng mga tukso at gawa ng kaaway, ang pagtulad sa Panginoong Jesus ay kailangang kailangan. Ang pagtilad sa Kanya ay nasusubok ng mga balakid sa ating matapat na pagsunod sa kalooban ng Diyos. Ang nais ng kaaway ay maagaw tayo sa pananampalataya. Hindi manatili! Subalit nakahihigit ang kalooban ng Diyos sa sinuman. Tulad ng Panginoong Jesus, hanggang sa Kanyang kamatayan sa krus, nakita natin ang Kanyang pag-ibig!
PastorJLo
No comments:
Post a Comment