1 Juan 3:1
"Tingnan ninyo kung gaano kalaki ang pag-ibig sa atin ng Ama! Tinatawag tayong mga anak ng Diyos, at iyon nga ang totoo. Ang dahilan kung bakit hindi tayo nakikilala ng mga makasanlibutan ay hindi nila kinikilala ang Diyos."
____________________
ANG PAG-IBIG SA ATIN NG AMA. "Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya?" Ito ang panimula ng tulang isinulat ni Andres Bonifacio na nakatuon sa pag-ibig sa tinubuang lupa. Marahil, sa isang makabayan, ito na ang sukdulan ng pag-ibig. Na sa ating mga Cristiano, wala nang hihigit pa sa kalakihan ng pag-ibig sa atin ng Diyos Ama. Ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak dahil sa napakadakilang pag-ibig Niya sa sanlibutan. - sa akin at sa iyo. Pag-ibig na ipinadama Niya sa pamamagitan ng kamatayan ng Panginoong Jesus sa krus ng Kalbaryo. Tinubos ang kasalanan natin at nagbigay ng pagkakataon ng kaligtasan sa bawat sasampalataya sa Kanya.
HINDI TAYO KINIKILALA NG SANLIBUTAN. Una tayong inibig tayo ng Diyos. Ang bawat iniibig Niya ay umiibig naman din sa Kanya. At tayong mga umiibig sa Kanya ay nakikilala ng Panginoong Jesus bilang Kanyang mga tupa. Subalit, sa kabila nito ay ang hindi pagkilala ng sanlibutan sa atin bilang Kanyang mga anak. Malibang maunawaan ng tao ang dakilang pagmamahal ng Diyos, ang paggalang at pagsunod sa Diyos ay hindi magaganap. At tayo na binigyan ng pribilehiyong maging mga anak ng Diyos ay may pananagutang dalhin ang Magandang Balita ng pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan.
Napakadakila ng pag-ibig ng Diyos sa sa atin. Ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak. Inialay ng Panginoong Jesus ang buhay Niya sa krus ng Kalbaryo Binigyan Niya tayo ng biyayang maging anak Niya, tayong mga sumasampalataya sa Panginoong Jesus. Idalangin nating ang bawat isa sa atin ay maging instrumento sa pamamahagi ng dakilang pag-ibig ng Diyos.
Pastor Jhun Lopez
No comments:
Post a Comment