BASAHIN: 2 Juan 1
“Ang reputasyon ng
pangalan ng isang pamilya ay mahalaga, lalo na kung ang pamilyang ito ay
hayagang nagsasabing sila ay mga Cristiano. Mula sa nakatatanda hanggang sa
pinakabata, ang uri ng buhay ay nakikita at nagiging basehan ng pagkilala kung
sino at ano ang pamilyang ito. Ang ikalawang sulat ni Juan ay para sa isang
Ginang at kanyang mga anak na tunay niyang minamahal.”
Ang
ikalawang sulat ni Juan ay hindi karugtong ng naunang sulat niya. Hindi ito
katulad ng dalawang isinulat ni Pedro, magkaugnay at tumutukoy sa iisang recipient. Ang ikalawang sulat ni Juan
ay naka-address sa isang Ginang at sa
kanyang mga anak. May mga nagsasabing ito ay figurative na ang tinutukoy na Ginang ay ang Iglesia (church). Maaari, ngunit sa pagkakasulat
nito, mas higit na masasabing ang Ginang ay isang totoong tao na sinusulatan ni
Juan. Ayon kay Adam Clarke, isang Methodist
Theologian, maaaring ang Ginang na ito ay isang Diakonesa na kung saan may church na nagtitipon sa bahay niya, ang
mga apostol at mga traveling evangelists
ay nakikituloy sa bahay nito. Sa sulat ni Juan sa nasabing Ginang, anu-ano ang
makikita nating dapat na maging katangian ng isang pamilyang huwaran sa iba?
PAMILYANG NAMUMUHAY SA KATOTOHANAN (t. 1-4).
Mga
banggit ni Apostol Juan tungkol sa katotohanan:
·
Ang Ginang at ang kanyang mga anak ay
minamahal ni Apostol Juan kasama ang mga nakakaalam ng katotohanan (t. 1).
·
Ang katotohanan ay sumasakanila noon at
magpakailanman (t. 2).
·
Pagpapala ng Diyos at ng Panginoong Jesus
ang dulot ng katotohanan at pag-ibig (t. 3).
·
Ang ilang mga anak ng Ginang ay namumuhay
sa katotohanan (t. 4).
Ang patotoo ni Juan tungkol sa Ginang at
kanyang mga anak ay ito, “Labis akong
nagalak nang makita ko ang ilan sa iyong mga anak na namumuhay ayon sa
katotohanan, alinsunod sa utos ng Ama sa atin.” Ang buhay nila ay
nagpapakita ng huwaran sa pagsunod sa Panginoong Jesus bilang Katotohanan at sa
Katotohanang itinuturo ng Banal na Kasulatan.
PAMILYANG NAMUMUHAY SA PAG-IBIG (t. 5-6).
Mga
banggit ni Apostol Juan tungkol sa pagmamahalan:
·
Minamahal niya ang Ginang at ang kanyang
mga anak (t. 1).
·
Hiniling ni Apostol Juan na magmahalan
silang lahat (t. 5).
·
Inulit niya ang utos na, “mamuhay kayong
may pag-ibig” (t. 6)
Ang
utos ng Panginoong Jesus na magmahalan ay ipinaalaala ni Apostol Juan sa Ginang
na kanya namang ipinamumuhay at ipinadarama sa Ginang at sa kanyang mga anak.
Sapagkat isang lider, bukod pa sa kanyang pananampalataya, at kung may
nagtitipon ngang iglesia sa kanyang tahanan, ang pagmamahalan ay iniuutos ni
Juan na kanilang ipamuhay.
PAMILYANG NANANATILI SA TURO NI CRISTO (t. 7-10).
Ang mga
banggit ni Apostol Juan sa pagpapaalalang manatili kay Cristo:
·
Nagkalat sa sanlibutan ang mandaraya! (t. 7).
·
Magsikap na makamtan ang gantimpala (t. 8).
·
Ang nananatili sa turo ni Cristo ay
pinananahanan ng Diyos (t. 9).
·
Huwag tanggapin sa tahanan ni batiin ang may
dalang ibang turo (t. 10-11).
Nagbigay ng babala si Apostol Juan sa pagdating ng mga mandaraya na hindi kumikilala sa Panginoong Jesus. Pinag-iingat niya ang Ginang at ang kanyang mga anak na mawalang saysay ang kanilang pananampalataya. Pinaaalalahanan niyang patunay ng presensya ng Diyos sa kanilang buhay ang pananatili sa mga turo ng Panginoong Jesu-Cristo. Kaya, kung ang sadya ng isang tao ay magdala ng ibang aral, mas tamang hindi na sila patuluyin at bigyang pagkakataong sabihin pa ang aral na sasalungat sa mga turo ng Panginoong Jesus.
Maging
huwaran tayo. Hindi lang ang iisa sa atin. Kailangan lahat tayo. Huwaran sa
katotohanan na ang Salita ng Diyos ay pangunahin sa bawat isa sa atin at ang
pagsunod sa Pangioong Jesus ay kitang-kita sa ating tahanan. Huwaran sa
pagmamahalan na ang anumang uri ng away o hindi pagkakasundo ay hindi
binibigyang pagkakataong makapasok sa relasyon ng pamilya. Huwaran sa
pananatili sa mga turo ng Panginoong Jesus na ang paninindigan sa Biblia ay
hindi natitinag ng mga huwad na guro, mapanlinlang at mga mandaraya. Ang
pamilya natin ay maging huwarang tutularan ng iba.
Pastor Jhun Lopez
________________________________
Nakaraang blog: MAGING TULAY SA PAGKAKASUNDO
No comments:
Post a Comment