Search This Blog

Friday, November 10, 2017

PAG-ASA SA BUHAY

“Sino sa inyo ang makapagpapahaba ng kanyang buhay
nang kahit isang oras man lamang sa pamamagitan ng pagkabalisa?”
Lucas 12:25

Lahat tayo ay may problema. Lahat ay may pasanin. Magkakaiba nga lang ang bigat nito. Nagkakaiba rin tayo sa pagharap sa mga ito. At marami ang nasa kalagayan ng pagkabalisa.
Sa nagdaang mga taon, marahil ay di na mabilang ang mga suliraning sinalubong ng bawat isa sa atin. Mga pagsubok na pilit na gumagawa ng paraan upang tayo ay magapi at maitumba. At natitiyak kong ang ilan sa atin ay may dala pa ring suliranin mula sa nakaraan.
Sa pagkakataong ito, bagong pag-asa ang ating inaasahan. Isang pag-asa na ang Diyos ay magkakaloob sa ating mga pangangailangan. Dalangin kong magkaroon tayo ng isang buhay na malaya sa kabalisahang maaaring maidulot ng kaguluhang haharapin natin sa mga araw na parating.
Ano ba ang kalagayan ng buhay mo ngayon? Anong mga sitwasyon ang naghahatid sa’yo ng kabalisahan? May mga pangangailangan ka ba na naglalagay sa iyo ng iba’t ibang alalahanin? Ipinauunawa ng Kanyang Salita na kahit ubusin pa natin ang buong kalakasan sa mga alalahanin, wala pa rin itong mabuting idudulot sa buhay. Hindi ito magdaragdag nang kahit isang oras man lang! Tandaan na anuman ang pinagdaraanan natin ay may pag-asa sa bukas ng buhay. Huwag mabalisa. Sa halip ay manalig sa Panginoon. Unahin natin ang Kanyang katuwiran at kaharian. At manalig, ayon sa Kanyang pangako, LAHAT AY IDARAGDAG NIYA!!



**Ang blog post na ito
ay hango sa Pastoral Letter
ni Rev. Oscar P. Lopez Jr. 
sa Sangandaan IEMELIF Church


Previous post:

Monday, July 10, 2017

PAG- ASA NG TUGON SA DALANGIN

“Kaya't huwag na tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng mahabaging Diyos at doo'y kakamtan natin ang habag at kalinga sa panahong kailangan natin ito.”
Hebreo 4:16

Isang midwife ang nangarap na magkaroon ng sariling clinic. Subalit tila napakaimposible nito dahil ang pinaglilingkuran niya’y sa tabing riles lamang. Nagtiyaga siya sa mga paunti-unting bigay ng bawat pinapaanak. Minsan nga’y abonado pa siya sa pagpapakain kung ang mag-asawa’y walang pera sa kasalukuyan.
Inalis ang mga tao sa riles. Kasama ang pamilya ng midwife. Nagpatuloy siya sa paglilingkod. Muli ko siyang makausap, nasa tatlong palapag na ang kanyang bahay at may sarili na siyang clinic na pinangangasiwaan. Ang wika niya, “Tinugon ng Diyos ang aking mga dalangin.

Nawalan ka na ba ng pag-asa sa pagtugon ng Diyos sa iyong mga dalangin? Naniniwala ka bang  tunay na ang Diyos ay tumutugon sa iyong pangangailangan? Ang bagong taon ay naghahatid ng pag-asa. Na kung ikaw ay suko na sa panalangin… na kung nais mo nang wakasan ang iyong buhay sa dami ng suliraning nagtambak sa iyo… na kung ang pagkainip ay dumarating sa iyong puso’t isipan…. Alalahanin nating may pag-asa tayong lahat na ang panalangin nati’y may katugunan.







**Ang blog post na ito
ay hango sa Pastoral Letter
ni Rev. Oscar P. Lopez Jr. 
sa Sangandaan IEMELIF Church


IN CASE YOU MISSED IT! (click below)

Thursday, July 6, 2017

ANG MAYROON AY BIBIGYAN PA

“Sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, at mananagana; ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa.”
Mateo 25:29

Pera na naging bato pa.” Ito ang madalas na masabi natin kapag may natanggap tayong biyaya at sa isang iglap ay nawalang parang bula. May mga taong matapos makaranas ng kayamanan o katayugan ng buhay ay  dumaranas ng kahirapan o kaya’y pagbagsak. Marahil sasabihin nating, “Sayang!”

Bibigyan ka ng Diyos! Magbigay ka at bibigyan ka ng Diyos; sisik, liglig, at umaapaw na biyaya. Humingi ka at ibibigay sa iyo ng Panginoon ang lahat ng mabubuting bagay para sa iyo. Tumugon, sumunod, magpatuloy sa pagdako sa lugar ng pagsamba at ang Diyos ay     magkakaloob sa iyo ng iyong kakailanganin. Ang Diyos na magbibigay ay Siya mismong nagbibigay sa atin ng paraan upang matanggap ang hindi malirip na biyaya Niya mula sa kalangitan.

Tandaan: Bibigyan ng Diyos ang mabuting katiwala ng biyaya’t pagpapala ng Diyos. Babala! Mawawalan naman ang masamang katiwala ng mga ito! Nais mong bigyan ka ng Diyos? Palaunlarin, palaguin, at gamitin sa tama ang biyaya ng Diyos sa iyong buhay!




**Ang blog post na ito
ay hango sa Pastoral Letter
ni Rev. Oscar P. Lopez Jr. 
sa Sangandaan IEMELIF Church


IN CASE YOU MISSED IT! (click below)


Wednesday, July 5, 2017

PANGINOON ANG NAGKAKALOOB

Ang lugar na iyo'y tinawag ni Abraham na, "Ang Panginoon ang Nagkakaloob." At magpahanggang ngayon, sinasabi ng mga tao: "Sa bundok ni Yahweh ay may nakalaan."
Genesis 22:14

Sa bawat umaga, tayo ay nagigising na taglay ang buhay. Karamihan sa atin ay kumakain ng tatlong beses sa isang araw, nakapagsusuot ng maayos na damit, at may tahanang nasisilungan. Ang mga Ito ay panguna-hing kailangan natin. Mga pangangailangang ang Panginoon ang nagkaloob.

Subalit sa mga nabanggit, marami pa rin ang ating mga pangangailangan. Buwanang bayarin sa kuryente at tubig. Libu-libong tuition fees kung ikaw ay nagpapaaral ng anak sa kolehiyo. Pambayad sa doktor at pambili ng gamot ng mga may karamdaman. At marami pang listahan ng mga gastusing hindi maubus-ubos. Tanong ng marami, “Ang Panginoon nga ba ay nagkakaloob?

Sa nagdaang dalawang linggo, natutuhan nating ang nagbibigay at humihingi ay bibigyan ng Diyos. Nagbigay na tayo at humingi, ano pa ang dapat gawin upang maranasan ang Panginoon nating nagkakaoob? Tandaan: Ang Panginoon ay nagkakaloob sa sinumang magtitiwala at susunod sa Kanya!





**Ang blog post na ito
ay hango sa Pastoral Letter
ni Rev. Oscar P. Lopez Jr. 
sa Sangandaan IEMELIF Church


IN CASE YOU MISSED IT! (click below!)

Monday, July 3, 2017

BIBIGYAN ANG HUMIHINGI

"Humingi kayo, at kayo'y bibigyan;…
Ibibigay niya ang mabubuting bagay
sa mga humihingi sa kanya!”
Mateo 7:7, 11

Minsan ko nang nabanggit ang katapatan ng Diyos sa pagbibigay ng pangangailangan ng aking sambahayan. Ipinagmamalaki ko ang kabutihan Niya sa lahat ng \pagkakataon lalo na sa panahong kailangan namin ang Kanyang tulong. Ibinibigay ng Panginoon ang kahilingan ng Kanyang lingkod!

BIBIGYAN ANG HUMIHINGI. Totoong alam na ng Diyos ang bawat pangangailangan natin kahit hindi pa natin ito hinihingi. Subalit ang pagtanggap nito’y nakasalalay sa ating paghingi. Maliwanag ang katuruan ng Salita ng  Diyos, “humingi…bibigyan…. Ibibigay… sa mga humihingi…” Walang pasubali na ang bibigyan ay ang mga humihingi!

Hindi natin maaaring tanungin ang pamamaraan ng Diyos: bibigyan ang humihingi. Ang ating pagtuunan ay ang paraan ng paghingi. Tamang paghingi upang matanggap natin ang tugon ng Panginoong Jesus.  Hindi ang pansariling pamamaraan natin kundi ang pamamaraang ibinibigay ng Diyos sa Kanyang Salita. Humingi ang nais bigyan ng Diyos!





**Ang blog post na ito
ay hango sa Pastoral Letter
ni Rev. Oscar P. Lopez Jr. 
sa Sangandaan IEMELIF Church



IN CASE YOU MISSED IT!

Saturday, July 1, 2017

NAKAHANDA SA BIGAY NG DIYOS

Lahat nga ba ng ating tinatanggap at tinatamasa ay bigay ng Diyos? Naniniwala akong ang isang mananampalatayang sumusunod sa Diyos ay tiyak na tatanggap ng gantimpala mula sa Diyos. At ang mga sumusuway ay tatanggap naman ng pagdisiplina ng Diyos. Sa magkabilang panig, ang Diyos pa rin ang nagbibigay. Kaya’t ang malaking tanong, “Ano ang ibibigay ng Diyos sa akin ayon sa buhay na ipinakikita ko sa Kanya?

BIBIGYAN KA NG DIYOS! Pagtuunan natin sa ang mga pagpapalang bigay ng Diyos sa atin. Ang mga palo o parusa bunga ng ating mga kasalanan ay ating isantabi at bigyan diin natin ang mga biyayang nakalaan sa bawat Cristianong lumalakad sa matuwid na landas ng ating Panginoon.

Paghandaan natin ang mga prinsipyo tungkol sa pagpapalang ibibigay ng Diyos. Alamin natin at isabuhay ang susing ibinigay ng Diyos nang sa gayo’y makamit natin ang mayamang biyaya ng Mapagkaloob na Panginoon natin.
Ihanda ang sarili sa saganang biyaya ng Panginoon na mag-uumapaw sa ating mga buhay. BIBIGYAN KA NG DIYOS!


 **Ang blog post na ito
ay hango sa Pastoral Letter
ni Rev. Oscar P. Lopez Jr. 
sa Sangandaan IEMELIF Church


IN CASE YOU MISSED IT! (Click the Title)

Friday, June 30, 2017

ITUON ANG PANINGIN KAY HESUS!

May nagsabi,Ang mga tao ay nananatili sa iglesia habang ang Pastor o Diakonesang nakahikayat sa kanila ay nananatili. Pag-alis ng Manggagawa, umaalis na din sila.

Marahil ito ay isang katotohanan. Nagagawa ito ng mga tao dahil ang tuon ng paningin ay nasa minahal nilang Manggagawa. At kung makita ang kahinaan, kasabay ng kanilang pagbagsak ang pagtigil ng mga tao sa pagdalo sa mga gawain.

Ituon ang paningin kay Jesus. Naniniwala akong magiging matatag sa pagiging kaanib ang isang tao sa iglesia kung matututuhan niyang tumingin sa ginagawa at gagawin pa ni Jesus. Totoong hindi natin maiwasang tumingin sa tao, manggagawa man o kaanib ito. Subalit magagawa nating tingnan sila bilang mga taong nasa proseso ng pagbabagong ginagawa ng Panginong Jesus. Mananatili tayo sa kapilya, kung si Jesus ang pagtutuunan natin ng pansin sa bawat gawain at sa bawat kaanib na ating nakakasalamuha.


**Ang blog post na ito
ay hango sa Pastoral Letter
ni Rev. Oscar P. Lopez Jr.
sa Sangandaan IEMELIF Church


IN CASE YOU MISSED IT!
Paano Mapapanatili ang Tao sa Kapilya? (Click the title)

Thursday, June 29, 2017

TURUAN ANG KAPATIRAN

Paano mapapanatili ang tao sa kapilya?

Panatiko!!! Maraming tao sa loob ng kapilya ang nasa kategorya ng pagiging panatiko. Nananatili subalit hindi nalalaman ang mga pangunahing itinuturo nito mula sa Banal na Kasulatan. Ilan sa mga dahilan ng pananatili na nagpapakita ng pagkapanatiko:
“Mananatili ako…
“dahil ito ang pamana ng ninuno ko sa akin.”
“dahil nandito ang kamag-anak at kaibigan ko.”
“dahil sumasaya ako tuwing dumadalo ako.”
“dahil kailangan ko ng relihiyong masasamahan.”

Paano kung wala ang ninuno, kamag-anak, at kaibigan? Paano kung isang araw ay naging malungkot ang gawain? Paano kung may nagyaya sa iyo sa isang makabagong relihiyon? Kung ang mga ito lamang ang magiging basehan ng ating pananatili sa kapilya, tiyak isang araw, makikita mo na lang ang sarili mong nag-aalsa balutan at lumilipat na sa ibang kapilya.

Paano mapapanatili ang tao sa kapilya? May malaking bahagi ang pagkakaroon natin ng  kaalaman tungkol sa katuruan ng Banal na Kasulatan. Ang ating mga kilos ay nakasalalay sa takbo ng ating pinaniniwalaan. Ang tamang pananampalataya ay magdadala sa atin sa higit na matatag na buhay Cristiano. Hindi mabuway at hindi pinanghihinaan ng loob. Tanggapin natin ang mga katuruang Biblikal at mananatili ang marami sa atin sa kapilyang ito.


*Ang blog post na ito
ay hango sa Pastoral Letter
ni Rev. Oscar P. Lopez, Jr.
sa Sangandaan IEMELIF Church


In case you missed it (Click the title)

Wednesday, June 28, 2017

MAHALIN SILA!

Isang bagong utos ang sa inyo'y ibinibigay ko, na kayo'y mangagibigan sa isa't isa: na kung paanong iniibig ko kayo, ay mangagibigan naman kayo sa isa't isa. Sa ganito'y mangakikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad kung kayo'y may pagibig sa isa't isa.
Juan 13:34-35

Pag-ibig ang susi ng lahat…kasama dito ang pagpapanatili ng mga tao sa loob ng kapilya! Ang bawat ay tao naghahanap ng pag-ibig; magulang, anak, asawa, kaibigan, at maging kapitbahay. Ito ang malaking batayan kung mananatili ang isang tao sa pakikipagrelasyon o hindi na. Kung ang pag-ibig ay wala sa ugnayan, hindi man humantong sa hiwalayan tiyak na magiging malamig ang pagsasamahan.

Paano mapapanatili ang tao sa kapilya? Ang katotohanang ito ay totoong-totoo sa loob ng kapilya. Pagmamahal ang hanap ng kapatiran; luma man o bagong kaanib ito. Isang ugnayang magdidikta sa kanilang manatili sa iglesia nang dahil sa pag-ibig. Dahil dito, dalangin kong kasabay ng paghahanap natin ng pagmamahal, higit na nasain ng bawat isa sa atin ang maging daluyan ng pagmamahal. At ang mga tao sa kapilya ay mananatili!

Mahal ko kayo sa Panginoon!


**Ang blog post na ito
ay hango sa Pastoral Letter
ni Rev. Oscar P. Lopez Jr.
sa Sangandaan IEMELIF Church


IN CASE YOU MISSED IT: (Click the title)
Bitamina Cristiano

Thursday, June 22, 2017

Bitamina Cristiano: VITAMIN E-ncouragement

Isang araw, may isang “matatag” na Cristiano. Gusto siyang pabagsakin ng kaaway. Pinadalhan siya ng sakit. Siya’y nagpatuloy! Inagaw ang mga ari-arian niya. Lalo siyang lumapit sa Diyos! Namatay ang mga mahal niya sa buhay. Hindi siya  pinanghinaan ng loob!
Hanggang sa siya ay bulungan ng diablo, “Hindi ka ba napapagod? Wala namang nangyayari sa mga ginagawa mo.” Napabuntunghininga si “matatag”. Siya’y umuwi ng bahay, pagod at nanlulumo. At sinabi, “Magpapahinga muna ako sa paglilingkod sa Diyos.

Vitamin E = Encouragement. Maraming Cristiano ang matatag na tumatayo sa kabila ng mga pagsubok sa buhay. Kahit tayo’y umuuwing “bugbog-sarado”, muli tayong babangon at magpapatuloy sa paglilingkod. Ito’y hangga’t may nagbibigay sa atin ng encouragement. Ang magpapabagsak sa atin ay mga pananalitang nakapanghihina o discouragement.

Maaari tayong magbigay kalakasan sa simpleng pagngiti, pakikipagkamay, at pagtapik sa balikat. Ang mga salitang “kumusta” at “salamat” ay nakagagaling sa isang pusong nalulumbay. Lalo na ang aktuwal na pagtulong at pagdamay sa kapatirang nasa panahon ng kapighatian. Kailangan natin ng kalakasan. Kailangan natin ng Vitamin E. Hanapin ito sa kapatiran. At higit dito, nasain mong maging encouragement ka sa iba.








*Ang blog post na ito ay hango sa Pastoral Letter ni Rev. Oscar P. Lopez Jr. sa Sangandaan IEMELIF Church


Read the previous Bitamina Cristiano blogs!
Vitamin A-ffliction
Vitamin B-ible
Vitamin C-onfession
Vitamin D-eity

Wednesday, June 21, 2017

Bitamina-Cristiano: VITAMIN D-eity

Iisa lang naman ang Diyos nating lahat. Kahit anong relihiyon pa ‘yan, pare-pareho lang ang ating patutunguhan.
Ito at marami pang ibang komentaryo ang ating maririnig sa taong hindi lubos na nauunawaan ang Diyos na tinutukoy sa Banal na Kasulatan. At ang kakulangan ng pagkaunawa sa Diyos ay nagdadala sa atin ng  mahinang kalagayan ng pananampalataya.

Vitamin D = Deity. Nagdudulot ng kalakasan ang pagkakilala sa Diyos. Makikita sa buhay ng isang tao kung sino at kung anong uri ng Diyos ang kanyang sinasampalatayanan. Maging ang sumasamba sa ibang diyos ay may mga karanasang naaayon sa kanyang pananalig. Kung gaano mo kakilala ang Diyos, iyon din ang magiging sukatan ng uri ng iyong pamumuhay.

Tandaan: Tayo ay may iisang Diyos at ang Diyos ay kumikilos sa tatlong persona; ang Ama, ang Anak, at ang Espiritu Santo. Ang Ama ay Diyos. Ang Anak ay Diyos. Ang Espiritu ay Diyos. Magkakaibang persona subalit hindi sila tatlong Diyos. Nananatili ang kaisahan ng  Diyos (Trinity). Ang ganitong pagkakilala sa Diyos ay magdudulot sa atin ng kalakasan. Ang kapangyarihan ng iisang Diyos; Diyos Ama, Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo, ay natitiyak nating gumagawa sa ating mga  buhay anuman ang kalagayan at nararanasan natin sa kasalukuyan.






*Ang blog post na ito ay hango sa Pastoral Letter ni Rev. Oscar P. Lopez Jr. sa Sangandaan IEMELIF Church

Tuesday, June 20, 2017

Bitamina-Cristiano: VITAMIN C-onfession

"Kung ipinapahayag natin ang ating mga kasalanan,                                                maaasahan nating ipatatawad sa atin ng Diyos ang mga ito…
(1 Juan 1:9)

Ang bawat Cristiano ay pinawalang-sala mula pa nang ipahayag nito ang pananampalataya kay Jesus. Ang mga kasalanang minana kay Adan at kasalanang nagawa’t ginagawa ay pinawi na sa pamamagitan ng dugo ng Panginoong Jesu-Cristo na nabubo sa krus ng Kalbaryo. Subalit sa angking kahinaan at pagkatao, may mga Cristianong nahuhulog sa pagkakasala at may ibang namumuhay na sa kasalanan. Ang kasalanan sa kasalukuyan na hindi naihihingi ng kapatawaran ay sanhi ng mahina at mabuway na buhay espirituwal.

Vitamin C = Confession. Tayo ay nasa ikalawang yugto ng pagliligtas ng Diyos–ang pagpapaging-banal ng ating mga buhay. Nahuhulog pa nga tayo sa pagkakasala. Subalit ang pagpapaging-banal sa ating mga buhay ay nagaganap habang ang mga kasalanang ating nagagawa ay naipapahayag sa Diyos. Tandaan: ipahayag (confess) lamang ang kasalanang nagawa, tiyak ang pangako ng pagpapatawad ng Diyos! At ang malaking kalakasan sa bawat isa, “lilinisin tayo sa lahat ng ating kasamaan.”


Matagumpay kung ang buhay ay malaya sa anumang uri ng kasalanan at karumihan.






 *Ang blog post na ito ay hango sa Pastoral Letter ni Rev. Oscar P. Lopez Jr. sa Sangandaan IEMELIF Church

Monday, June 19, 2017

Bitamina- Cristiano: VITAMIN B-ible

"The Scriptures were not given to increase our knowledge but to change our lives.
- D. L. Moody


Ang buhay na matagumpay ay nakasalalay sa Banal na Kasulatan. Kung paanong nagiging bahagi ang Biblia sa buhay ng isang tao ay siya ring magiging bunga sa uri ng pamumuhay nito.

Vitamin B = Bible. Walang pasubali na ang Biblia ay  pagkain ng ating espiritu. Sa isang Cristiano, ang Salita “ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa  pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran” (2Tim 3:16). Ang Biblia ay kalakasan sa mga nanlulupaypay…kaaliwan sa mga nalulumbay…pag-asa sa mga nag-uumayaw. Gayon din, ang Biblia ay pamalo sa mga pasaway! Isang tabak na dalawa ang talim na  sumusugat maging sa pinakatagong bahagi ng ating         buhay. Hindi upang tayo ay parusahan lamang. Bagkus, ang sugat na dulot Nito ay bumabago sa buhay maging sa pinakapasaway na Cristiano sa loob ng Iglesia.

Bakit may mga Cristianong nanghihina? Bakit maraming Cristiano ang nananatiling talunan sa tukso ng kasalanan? Basahin, sauluhin, at pag-aralan ang Biblia ngayon. Maging patuluyang bahagi ng ating buhay ang pinakamakapangyarihang kagamitan ng bawat Cristiano. Ang Biblia ay ating kalakasan!






*Ang blog post na ito ay hango sa Pastoral Letter ni Rev. Oscar P. Lopez Jr. sa Sangandaan IEMELIF Church

Sunday, June 18, 2017

Bitamina-Cristiano: VITAMIN A-ffliction

“Pagdating ng pagsubok, bibigyan Niya kayo ng lakas upang mapagtagumpayan iyon” (1Cor.10:13)

Naniniwala akong masaya ang buhay Cristiano. Ganap at kasiya-siya ang buhay ng taong napapabilang sa mga tupa ni Jesus. Subalit naniniwala rin akong ang mga problema, pagsubok, pasakit, at iba pa ay bahagi ng   paghubog sa atin ng Diyos tungo sa higit na masayang buhay. Bawat Cristiano, kasabay ng mga pagpapalang tinatanggap niya sa Diyos, ay dumaranas ng iba’t ibang pagsubok na nagiging kalakasan matapos malampasan ang anumang suliraning dumaan.

Vitamin A = Afflictions. Masamang kalagayan, kaguluhan, kahirapan, matinding pagsubok. Sino ang hindi         nakaranas ng mga ito minsan sa kanyang buhay. Ang iba sa atin marahil ay kasalukuyang nasa gitna pa nito. Hindi tayo makakaiwas sa mga afflictions. Gayon man, magagawa nating maging payapa’t masaya magtambak man ito sa ating buhay.

Sa araw na ito, baguhin ang pananaw sa mga afflictions. Maaaring nahihirapa’t nasasaktan tayo sa kasalukuyan, subalit tingnan natin itong kalakasa’t katatagan sa hinaharap. Maaaring nabibigatan tayo sa dala-dalang pasanin, gawin natin itong panahon ng pananampalataya sa Diyos na nagbibigay kalakasan. Alalahaning matatapos din ang lahat ng mga ito.







*Ang blog post na ito ay hango sa Pastoral Letter ni Rev. Oscar P. Lopez Jr. sa Sangandaan IEMELIF Church

Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...