“Sino sa inyo ang makapagpapahaba ng kanyang buhay
nang kahit isang oras man lamang sa pamamagitan ng pagkabalisa?”
Lucas 12:25
Lahat tayo ay may problema. Lahat ay may pasanin. Magkakaiba nga lang ang bigat nito. Nagkakaiba rin tayo sa pagharap sa mga ito. At marami ang nasa kalagayan ng pagkabalisa.
Sa nagdaang mga taon, marahil ay di na mabilang ang mga suliraning sinalubong ng bawat isa sa atin. Mga pagsubok na pilit na gumagawa ng paraan upang tayo ay magapi at maitumba. At natitiyak kong ang ilan sa atin ay may dala pa ring suliranin mula sa nakaraan.
Sa pagkakataong ito, bagong pag-asa ang ating inaasahan. Isang pag-asa na ang Diyos ay magkakaloob sa ating mga pangangailangan. Dalangin kong magkaroon tayo ng isang buhay na malaya sa kabalisahang maaaring maidulot ng kaguluhang haharapin natin sa mga araw na parating.
Ano ba ang kalagayan ng buhay mo ngayon? Anong mga sitwasyon ang naghahatid sa’yo ng kabalisahan? May mga pangangailangan ka ba na naglalagay sa iyo ng iba’t ibang alalahanin? Ipinauunawa ng Kanyang Salita na kahit ubusin pa natin ang buong kalakasan sa mga alalahanin, wala pa rin itong mabuting idudulot sa buhay. Hindi ito magdaragdag nang kahit isang oras man lang! Tandaan na anuman ang pinagdaraanan natin ay may pag-asa sa bukas ng buhay. Huwag mabalisa. Sa halip ay manalig sa Panginoon. Unahin natin ang Kanyang katuwiran at kaharian. At manalig, ayon sa Kanyang pangako, LAHAT AY IDARAGDAG NIYA!!
**Ang blog post na ito
ay hango sa Pastoral Letter
ni Rev. Oscar P. Lopez Jr.
No comments:
Post a Comment