“Iisa lang naman ang Diyos nating lahat. Kahit anong relihiyon pa ‘yan, pare-pareho lang ang ating patutunguhan.”
Ito at marami pang ibang komentaryo ang ating maririnig sa taong hindi lubos na nauunawaan ang Diyos na tinutukoy sa Banal na Kasulatan. At ang kakulangan ng pagkaunawa sa Diyos ay nagdadala sa atin ng mahinang kalagayan ng pananampalataya.
Vitamin D = Deity. Nagdudulot ng kalakasan ang pagkakilala sa Diyos. Makikita sa buhay ng isang tao kung sino at kung anong uri ng Diyos ang kanyang sinasampalatayanan. Maging ang sumasamba sa ibang diyos ay may mga karanasang naaayon sa kanyang pananalig. Kung gaano mo kakilala ang Diyos, iyon din ang magiging sukatan ng uri ng iyong pamumuhay.
Tandaan: Tayo ay may iisang Diyos at ang Diyos ay kumikilos sa tatlong persona; ang Ama, ang Anak, at ang Espiritu Santo. Ang Ama ay Diyos. Ang Anak ay Diyos. Ang Espiritu ay Diyos. Magkakaibang persona subalit hindi sila tatlong Diyos. Nananatili ang kaisahan ng Diyos (Trinity). Ang ganitong pagkakilala sa Diyos ay magdudulot sa atin ng kalakasan. Ang kapangyarihan ng iisang Diyos; Diyos Ama, Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo, ay natitiyak nating gumagawa sa ating mga buhay anuman ang kalagayan at nararanasan natin sa kasalukuyan.
*Ang blog post na ito ay hango sa Pastoral Letter ni Rev. Oscar P. Lopez Jr. sa Sangandaan IEMELIF Church
No comments:
Post a Comment