Search This Blog

Sunday, November 8, 2020

ANG DIYOS ANG NAGDALA SA ATIN

 BASAHIN: Genesis 44:1-45:15

Mas madali ang manisi kaysa magpatawad. Kadalasan ay itinuturo natin ang pagkakamali ng iba at nalilimutang ituro ang sariling pagkakasala. Ang sitwasyon o lugar na kinalalagyan ng buhay natin ay naisisisi sa ginawang mali ng iba o minsan sa mismong ginawa ng sarili. Nananalangin pero hindi alam kung paanong kikilalaning kasama niya ang Diyos sa lahat ng mga nagagnap sa kanyang buhay. Ang buhay ni Jose ay buhay na pinatnubayan ng Diyos. Siya ay tinulungan, di pinabayaan at pinagtatagumpay sa lahat ng kanyang ginagawa. Pinagpala siyang sobra-sobra ng Diyos. At ang pagpapalang ito ay dumaloy patungo sa iba. At ngayon ay sa mga kapatid na tumanggap ng kanyang pagpapatawad.


Natapos ang masayang pananghalian ng mga kapatid ni Jose. Nakapasa sila sa unang pagsubok. Pero hindi pa tapos si Jose. Mayroon pa siyang nais mapatunayan bago niya lubusang ipakilala ang sarili. Gumawa siya ng isa pang bitag, “sa sako ng pinakabunso, ilagay mo pa ang aking kopang pilak” (44:2). Walang kaalam-alam ang magkakapatd, itinanim ang kopang pilak sa sako ni Benjamin. Alalahanin nating ang karunungan at buhay ni Jose ay nasa patnubay ng Diyos.


ANG PAGBITAG (44:4-16). Maagang umalis ang magkakapatid. Pinasunod ni Jose ang katiwala niya upang sabihin ang bitag (ipabasa ang 44:4-5). Sa pagtataka, ipinaglaban nilang hindi nila magagawang nakawan ang Gobernador. Hanggang sila’y makipagkasundo sa sinabi ng katiwala, “Kung kanino makita ang kopa, siya ang gagawing alipin; makakalaya na ang iba” (t. 10). Alam ng katiwalang sa sako ni Benjamin matatagpuan ang kopang pilak. Pero ang magkakapatid ay hindi. Kaya nang makita ang kopa, pinunit nila ang kanilang mga damit sa tindi ng kalungkutan. Maaari na silang umuwi maliban kay Benjamin. Pero pati sila’y bumalik sa bahay ni Jose. Yumukod sila sa harap ni Jose. Simple lang ang tanong, “Ano itong ginawa ninyo?” (t. 15). Sinisiyasat ni Jose kung may pagbabago na sa buhay ng mga kapatid, lalo na sa kanilang pagkilala sa pagkilos ng Diyos. Nagtagumpay ang bitag! Ipinahayag ni Juda ang pagkilos ng Diyos sa nangyayari (basahin ang 44:16).


ANG PAGBABAGO (44:17-34). “Kung kanino nakita ang kopa, siya ang gagawin kong alipin; ang iba ay makakauwi na sa inyong ama” (t. 17). Minsan na nilang ginawa ito, nang ibenta nila si Jose para maging alipin at umuwi sa amang si Jacob na hindi kasama ang kapatid. Ngayon napatunayan ni Jose na ang mga kapatid ay nagbago na. Ang mga talatang 18-34 ay madamdaming pakiusap at pagpapaliwanag ni Juda (basahin ng madamdamin). Isinaysay ni Juda kung paano nila sinabi sa ama ang tagubiling isama ang bunsong kapatid, kung paanong mariing tumanggi ang ama, kung paano nila ito napapayag at kung paanong itinaya niya ang sarili para lamang maisama si Benjamin. Kaya ang kanyang pakiusap, “ako na ang alipinin ninyo sa halip na itong aking bunsong kapatid” (t. 33). Matatandaan nating si Juda ang kapatid na nagsabing, “Mabuti pa'y ipagbili na lamang natin siya sa mga Ismaelita kaysa ating saktan” (Genesis 37:27). Nagbago na nga ang magkakapatid sa mahigit dalawampung taong lumipas.


ANG PAGPAPATAWAD (45:1-15). Malakas na pag-iyak ni Jose ang narinig nang sabihin niyang, “Ako si Jose!” Pinalapit niya ang mga nagulantang na mga kapatid. Ipinaliwanag niya ang mga pangyayari (basahin ang 45:5-8). Ang pagpapatawad ay ipinakikita sa sinabi niyang,Huwag ninyong sisihin ang inyong sarili” (t.  5). Kinilala ni Jose ang pagkilos ng Diyos sa lahat nang mga pangyayari sa kanyang buhay nang sabihin niyang, “Ang Diyos ang nagpadala sa akin dito…,” “Pinauna ako rito ng Diyos…,” atGinawa niya akong tagapayo ng Faraon.” Ipinaunawa niya sa mga kapatid na ang lahat ay nangyari ayon sa layunin ng Diyos, “upang iligtas ang maraming buhayatupang huwag malipol ang ating lahi.” Ang pagpapatawad ay hindi nagtapos sa salita lamang, sinundan ito ng mga pagpapala (basahin ang 45:9-13 at isa-isahin ang mga pagpapala). At sa huli ay ang isa pa sa mga madamdaming tagpo sa buhay ni Jose, umiiyak siya sa pagyakap at paghalik sa mga kapatid (t. 15).

 

MGA ARALIN SA LUGAR NA ATING KINALALAGYAN: (Basahin at pag-usapan.)

  1.      Saan mang lugar tayo naroroon ngayon, ang nagdala sa atin ay ang Panginoon.
  2.       Sa kinalalagyang buhay, Diyos ay purihin, laging tandaan, Siya sa’yo ay may layunin.
  3.       Sa patnubay ng Diyos magtiwala, pagdaanan ma’y ubod ng sama, natitiyak natin ang Kanyang pagpapala, saan mang lugar tayo dinadala.

          Mahirap magpatawad lalo na kung ang patatawarin ay hindi naman nagpapakita ng pagsisisi at pagbabago ng buhay. Mahirap magpatawad kung hindi natin nakikitang ang Diyos ay kumikilos sa bawat pangyayari kaya ang paninisi ay ganoon na lang sa taong nagkasala. Ang ginawang pagpapatawad ni Jose ay huwaran. Kahit hindi katanggap-tanggap ang ginawa ng mga kapatid niya, dahil sa nakita niyang pagbabago ng kanilang buhay, ang pagpapatawad ay kanyang naipagkaloob. Kahit anong dilim pa ang pinagdaanan sa buhay, sapagkat nalalaman niya at kinikilalang ang Diyos ang nagdala sa kanya sa Egipto at dahilan ng kanyang pagiging Gobernador, ang pagpapatawad ay kanyang naipagkaloob.


Pastor Jhun Lopez



____________________________________

Nakaraang blog: IPAGSAYA ANG TINANGGAP NA BIYAYA

Saturday, November 7, 2020

IPAGSAYA ANG TINANGGAP NA BIYAYA

 BASAHIN: Genesis 43:15-34

Napakasaya sa pakiramdam ang mapatawad sa nagawang kasalanan. Napakasayang tumanggap ng biyayang nalalaman nating hindi naman tayo karapat-dapat. At habang hindi natin natatanggap ang pagpapatawad, laging may takot sa puso at isipan natin. Ang mga kapatid ni Jose ay nalalapit na sa ganap na pagpapatawad.”

Muling naglakbay ang magkakapatid pabalik ng Egipto at ngayon ay kasama nila si Benjamin. Maaaring ang inasahan nila ay ang muling pagharap sa mabagsik na Gobernador. Subalit nang makita ni Jose si Benjamin, iniutos niya sa alipin niyang isama ang magkakapatid sa bahay niya at makakasalo niya sa pananghalian. Hindi ito ang inaasahan ng magkakapatid. Dagdag pa rito ang pagpapakatay ng hayop para lang sa kanila. Ang humarap at tumanggap sa kanila ay isang makapangyarihang lalaki sa bayan ng Egipto na nagpakita ng kababaan ng kanyang kalooban.


NATAKOT ANG MAGKAKAPATID (43:18-24). Ipinasama ni Jose ang magkakapatid sa bahay niya. Sa halip na matuwa, takot ang nadama at naisip ng magkakapatid. Hindi sila naging komportableng sa bahay ng Gobernador sila pinatuloy. Nagduda sila sa ipinahayag na salu-salo sa pananghalian. Ang naalaala nila ay ang perang natagpuan sa kanilang sako. Naisip nilang baka bigla na lang silang ipadakip at gawing alipin. Dahil sa damdamin at isipan nilang ito, kinausap nila ang katiwala ni Jose at ikinuwento ang tungkol sa pera. Inaming wala silang kinalaman kung paanong napunta ang pera sa sako. Ang malaking ikinagulat nila ay ang tugon ng katiwala, “Ang inyong Diyos na siya ring Diyos ng inyong ama ang naglagay ng salaping iyon” (t. 23).


NAGSAYA ANG MAGKAKAPATID (43:25-34). Pinapasok na sila sa bahay. Pinagsilbihan ng mga alipin. Inilabas nila ang mga dalang handog para kay Jose. Pagdating ni Jose, yumukod ang magkakapatid sa harapan niya at ibinigay ang mga handog. Kinumusta niya ang mga ito at agad na itinanong ang kalagayan ng kanilang ama. Pagkatapos sagutin, muling yumukod ang magkakapatid. Hindi nila nalalamang tinutupad na nila ang panaginip ni Jose, “Tumayo ang aking binigkis at yumukod sa paligid nito ang inyong mga binigkis” (37:7). Ang labing-isang kapatid niya ay yumukod sa kanya. Nakaharap na niyang muli ang bunsong kapatid at pinagpala niya ito. Muli, naging madamdamin ang tagpo. Lumabas si Jose at umiyak. Pagbalik, ibinigay niya ang malaking pabor para sa mga kapatid niya. Nakasalo niya ang mga ito sa pananghalian. Nagtaka pa ang magkakapatid sa magkakasunod nilang pagkakaupo na naaayon sa kanilang edad. Nagsaya sila sa hapag na ipinahanda ni Jose.


MGA ARALIN SA PAGKILOS NG DIYOS SA ATING BUHAY: (Basahin at pag-usapan.)

1.      Kasama ang Diyos sa bawat sitwasyon, magtiwalang lagi sa paggawa ng Panginoon.

2.      Ipagsaya ang kasalukuyang biyaya, may patutunguhan pa tayong higit na pagpapala.


       May mga pagkakataong tayo ay nagkakamali. Nauunawaan natin iyon. Pero hindi tayo dapat matakot na lumapit at aminin ang anumang pagkakasala sa Panginoon. Nalalaman Niya ang lahat ng ating mga kahinaan at nagawang kasalanan. At kung tayo ay nagsisi na sa Kanyang harapan, panahon naman ng pagsasaya sapagkat tayo ay pinatawad na at kasalo na sa hapag ng Panginoon.


Pastor Jhun Lopez



_______________________________

Nakaraang blog: KAPAG HINDI MAGANDA ANG BALITA

Friday, November 6, 2020

KAPAG HINDI MAGANDA ANG BALITA

 Genesis 42:29-38; 43:1-15

Kung may Magandang Balita, may masamang balita rin tayong natatanggap. Ang buhay ni Jose na dumaan sa mabigat na pagsubok hanggang siya ay hiranging Gobernador ng Egipto, ay isang napakagandang balita. Pero ang balitang dumating kay Jacob ay hindi mabuti. Naiwan si Simeon at makababalik lang sila kung isasama ang kanilang bunsong kapatid. Napakabigat na balita. Paano natin haharapin ang masamang balita?”

Si Jose ay hindi nga nakilala ng magkakapatid. Umuwi silang dala-dala ang kaalamang nakaharap nila ang Gobernador ng Egipto. Pagdating sa Canaan (t. 29-32), matapos ang mahigit 600 kilometrong paglalakbay pauwi, isinaysay nila kay Jacob ang naging karanasan sa Egipto; ang mabagsik na Gobernador, kung paano nila sinabing sila ay hindi mga espiya at ang pagtatapat nilang sila ay may isa pang kapatid, nabubuhay na ama at kapatid na namatay na. Marahil, kahit pagod ay may kasabikang nagkwentuhan ang mag-aama sa matagal na hindi nila pagkikita. Nagbago lamang ang mood nang magsimula na ang hindi na magandang balita para sa amang noon ay matandang matanda na.


HINDI MATANGGAP NA BALITA (42:29-38). Ang nakabibiglang balita; ipinaiwan si Simeon at ibinilin sa kanilang bumalik kasama ang bunsong kapatid upang mapatunayang hindi nga sila mga espiya. Na kung ito ay kanilang gagawin, palalayain si Simeon at papayagan silang manirahan sa Egipto. Nadagdag pa sa kabiglaan ni Jacob ang natagpuang salapi na kanilang ipinambayad. Kaya nasabi niya, “Napakabigat namang pasanin ito para sa akin!” Nawala na si Jose. Nawala pa si Simeon. Papayagan ba niyang mawala pa ang bunsong anak? Kahit pa isakripisyo ni Ruben ang sariling mga anak, maisama lang niya si Benjamin, mariin ang hindi pagpayag ni Jacob. Natatakot siyang baka ikamatay ng bunsong anak ang paglalakbay. Kaya nasabi niya, “hindi ko na ito makakayanan; mamamatay akong nagdadalamhati.


PAGSANG-AYON SA MUNGKAHI (43:1-15). Hindi nga pinabalik ni Jacob ang mga anak sa Egipto. Kung hindi pa naubos ang pagkain nila, hindi niya maiisip pabalikin ang magkakapatid. Ipinaalaala ni Juda ang tagubilin ng Gobernador. Sa halip na pumayag, itinuro pa niya ang paninisi sa mga anak, sa pagsasabing, “Bakit kasi sinabi ninyong mayroon pa kayong ibang kapatid?” At siya ang pinahihirapan. Sagot ni Juda, “mamamatay tayo sa gutom.” Kung si Ruben ay handang isakripisyo ang mga anak para makumbinsi ang ama, itinaya naman ni Juda ang sarili pumayag lang si Jacob na maisama nila si Benjamin. Itinuro naman niya ang ama na kung pumayag na noong una, nakadalawang balik na sana sila. Napapayag din si Jacob! Nagbilin pa siyang magdala ng handog ang mga anak para sa Gobernador, ibalik nang doble ang perang ipinambili na nakita sa mga sako at isama na nila si Benjamin. Sa huli ay nagsabi ng panalanging, “Loobin nawa ng Makapangyarihang Diyos na kahabagan kayo ng taong iyon.


MGA ARALIN SA PAGSANG-AYON NI JACOB: (Basahin at pag-usapan.)

1.      Sa balitang di gusto, unawain at tanggapin ang pagiging negatibo.

2.      Sa Diyos ituon ang bawat sitwasyon, di mabibigatan sa anumang panahon.

3.      Maging bukas sa mga mungkahi, ang reaksyon dito’y huwag ipagmadali.



Pastor Jhun Lopez



___________________________

Nakaraang blog: ANO ANG GINAWA SA ATIN NG DIYOS? 

Thursday, November 5, 2020

ANO ANG GINAWA SA ATIN NG DIYOS?

 BASAHIN: Genesis 42:1-28

 "Ano ang ginawang ito sa atin ng Diyos?’Maganda man o hindi ang nangyayari sa buhay ng isang tao, ang tanong na ito ay nagpapakita ng pagkilala sa pagkilos ng Diyos sa buhay. Ang nakakalungkot ay ang buhay na hindi na natutukoy ang paggawa ng Diyos. Sa buhay ni Jose ay gumawa ang Diyos. Natapos ang pitong taong kasaganaan. Tanging ang Egipto ang may naipong trigo na sindami ng buhangin sa dagat at ito ay dahil sa pamamahala ni Jose. Dumating ang taggutom sa buong Egipto at lumaganap sa ibang bansa. Sa Egipto nagpupunta ang mga taga-ibang bayan para bumili ng makakain. Alalahanin nating ang Diyos ay patuloy na gumagawa sa buhay ni Jose. Pinapatnubayan siya, tinutulungan at hindi pinababayaan ng Diyos. At ngayon, ang Diyos ay gumawa upang magsimula ang mga kapatid ni Jose sa daan ng pagsisisi.


Mula sa masaganang pamamahala ni Jose sa Egipto bilang Gobernador (chapter 41), ibinalik tayo sa tahanan ng kanyang amang si Jacob (chapter 42). Kung maaalaala natin, may naka-pending na panaginip si Jose, ang pagluhod sa kanya ng ama at ng mga kapatid. Sa mga karanasan niya, lahat ng mga panaginip na kanyang ipinaliwanag ay nangyayari. Ito ay sa kanyang pananalig na ang Diyos ang makapagbibigay ng katugunan at pagpapaliwanag. Ang bahaging ito ng ating pag-aaral ay pasimula sa katuparan ng kanyang panaginip. Tandaan nating lagi na ang Diyos ang kasama niya sa lahat nang ito. At ang muling pagtatagpo nila ng kanyang mga kapatid ay isa sa mga paggawa ng Diyos sa buhay ni Jose.


ANG PAGTATAGPO (t. 1-8). Sapagkat laganap na ang taggutom, inutusan ni Jacob ang mga anak na bumili ng pagkain sa Egipto. Naglakbay ang sampu at naiwan si Benjamin. Sa Gobernador sila dumeretso dahil ito ang nagbebenta ng pagkain at sila ay yumukod sa harapan nito. Nakilala sila ni Jose samantalang hindi nila namukhaan ang kapatid. Hindi lang dahil sa hindi siya nagpahalata o siya ay nag-disguise. Hindi siya nakilala sapagkat nang ibenta siya ng mga ito ay teenager pa lang siya. Sa tagpong ito, nasa 40s na si Jose. Lumaki ang katawan at nagbago ang boses. Dagdag pa rito ang kakaibang kasuotan niya at malinis niyang mukha. Aakalain ba ng magkakapatid na ang inihulog nila sa balon ay magiging pangalawa sa Faraon?


ANG PAGBABAYAD (t. 9-21). Sa kapangyarihan ni Jose, pwede na siyang makabawi sa mga kapatid. Nagsimula ang pakikipag-ugnay niya sa mga kapatid sa pagkakaala-ala ng kanyang panaginip. Hindi ang tangkang pagpatay, hindi ang paghuhulog sa balon, hindi ang pagbenta sa kanya, kundi ang panaginip na ang mga kapatid niya ay yuyukod sa kanya. Alam niya ang pakay ng mga ito, bumili ng pagkain. Pero ang sampung kapatid lang ang nakikita niya. Nasaan ang kanyang ama at bunsong kapatid na si Benjamin? Sa pag-uusap, nalaman ni Jose ang sagot sa tanong at nalaman niyang sa paniniwala ng mga ito ay patay na siya. At ngayon, sila naman ang inihulog sa “balon,” tatlong araw silang ikinulong! Mga araw ng pagpapaalaala ng kanilang ginawa sa nakababatang kapatid.


Sa ikatlong araw, kinausap silang muli ni Jose. Isa na lang ang ikukulong! Ang siyam ay makakauwi na ngunit kailangan nilang bumalik kasama ang bunsong kapatid. Nagising sila sa kasalanang ginawa. Sabi nila, “Nagbabayad na tayo ngayon sa ginawa natin sa ating kapatid     (t. 21). At sinabi pa ni Ruben, “ngayon, pinagbabayad tayo sa kanyang kamatayan (t. 22).


ANG PASIMULA NG PAGSISISI (t. 23-28). Naunawaan ni Jose ang usapan ng magkakapatid kung paano nilang kinilala at inamin ang nagawang pagkakasala sa kapatid na inakala nilang patay na. Naiiyak na si Jose kaya iniwan muna niya ang mga ito. Nakakaiyak maalaala ang ginawa sa iyong masama at higit na nakakaiyak marinig na ang mga gumawa nito ay nagsisimula na sa pag-amin ng kanilang nagawa. Pero kailangang matiyak kung nagsisisi na nga ba sila. Paano ito ginawa ni Jose? Ibinalik sa kanilang alaala ang nagawa sa pamamagitan ng kapatid nilang si Simeon na iginapos, ikinulong at naiwan. Babalikan pa kaya nila ang kapatid? Nagbago na nga ba sila? Maaari kasing pag-uwi ay muli nilang dayain ang amang si Jacob at sabihing patay na ito.


Sa halip na parusahan ni Jose, pinagpala niya ang mga kapatid na nagsiuwi. Pinagbilhan ng pagkain, ipinalagay sa sako ang salaping ibinayad at pinadalhan pa ng pagkain sa paglalakbay. Sobra-sobrang pagpapakita ng biyaya at habag sa kabila ng kasalanang nagawa sa kanya. At sa ipinakita ni Jose, nakita ng magkakapatid ang pagkilos ng Diyos. Nang matagpuan nilang ibinalik ang salaping ibinayad, nakita nila ang paggawa ng Diyos sa pagsasabing, “Ano ang ginawang ito sa atin ng Diyos?


MGA ARALIN SA PAGSISISI: (Basahin at pag-usapan.)

1.      Ang madilim na sitwasyon, ginagamit ng Panginoon, nang magsisi tayo ngayon.

2.      Sa pagpapalang di tayo karapat-dapat, daan upang tayo ay magsisi ng tapat.


Sa iba’t ibang paraaan ay gumagawa ang Diyos na kasama natin. Sa bawat sitwasyon ay may nais Siyang ipaunawa. Maaaring ito ay pagsisisi at pagtalikod sa kasalanang ginawa. Maaaring ito ay pagpapatawad sa mga taong nagkasala sa atin. Maaaring ipinakikita Niya sa atin ang mga plano Niya para sa ating kinabukasan. Maaaing ginisigising ka Niyang maglingkod na may katapatan. At marami pang ibang ginagawa ang Diyos upang maunawaan natin ang Kanyang dakilang pagmamahal sa bawat isa sa atin.



Pastor Jhun Lopez



____________________________
Nakaraang blog: PINAGPALA UPANG MAGING PAGPAPALA

 

Sunday, November 1, 2020

PINAGPALA UPANG MAGING PAGPAPALA

BASAHIN: Genesis 41:46-57

Si Jose ay paboritong anak ni Jacob at tumatanggap ng biyaya mula sa kanyang ama bago mangyari ang mga ‘injustices’ sa buhay niya. Ang paghuhulog sa kanya sa balon, pagbenta para maging alipin, pagkakakulong sa kasalanang hindi niya ginawa at ang malimutan ng isang kaibigan ay mga karanasang pwedeng ipaglaban dahil sa kawalan ng katarungan. Pero hindi kay Jose. Nanatili siya sa buhay na kasama ang Diyos. Siya ay pinapatnubayan, tinutulungan at hindi pinababayaan ng Diyos (Genesis 39:2-3, 21, 23). Kung mayroon ‘injustices’ na nagaganap sa buhay niya, nalalaman niyang nasa Diyos lamang ang katugunan nito. At ito nga ang naranasan ni Jose! Mula sa kawalan ng katarungan, siya ay pinagpala ng Diyos – sagananag pagpapala!”

         Mula sa balon, naging pangalawa sa Faraon. Nang siya ay ibenta kay Potifar, ginawa siya nitong katiwala sa bahay at lahat ng ari-arian. Nang siya ay ipabilanggo, ginawa siyang tagapamahala ng lahat ng mga bilanggo. Matapos niyang ipaliwanag ang panaginip ng Faraon, nakita ng Faraon at ng mga kagawad nito na ang Diyos ay kasama ni Jose. Siya ay ginawang Gobernador sa buong Egipto. Binigyan siya ng bagong pangalan at binigyan ng napangasawa. Tinaggap niya ang katarungan at pagpapala ng Diyos patungo sa katuparan ng mga plano ng Diyos para sa kanya. Anu-ano ang mga pagpapala ni Jose?  


MASAGANANG PAMAMAHALA (t. 46-49). Sa edad na treinta, si Jose ay naging lider ng buong bayan. Sa panahon ng Biblia, isa si Jose sa mga lalaking hinirang ng Diyos sa panahon ng kanilang kabataan. Ang pagiging pag-asa ng bayan nila ay hindi sa kinabukasan kundi sa kasalukuyan. Pagpapala kay Jose ang mabigyan ng napakalaking tungkulin sa kanyang kabataan. Idagdag pa ang kaisipang siya ay isang dayuhan. Naganap ang panaginip ng Faraon. Pitong taon ng kasaganaan. Sa pamamahala ni  Jose, sindami ng buhangin sa dagat ang mga naipong trigo sa bawat lunsod. Pinagpala ng Diyos ang pamamahala ni Jose.


PINAGKALOOBAN NG PAMILYA (t. 50-52). Pagpapala ang magkaroon ng asawa, pero maaaring problema ang dala ng pagpapakasal sa asawang hindi mo ginusto. Hindi nabanggit kung si Asenat na ipinakasal kay Jose ay bunga ng pagmamahal o isang gantimpala lamang. Ang tiyak natin, bago dumating ang taggutom, si Jose ay biniyayaan ng dalawang anak – si Manases at Efraim – na para kay Jose ay kaloob ng Diyos sa kanya. Pinagpala ng Diyos ang pamilya ni Jose.


DALUYAN NG PAGPAPALA (t. 50-52). Natapos ang pitong taong kasaganaan at naganap ang pitong taong taggutom. Pero sa Egipto ay may pagkain. Kung sa ibang mga bansa ay taggutom, ang mga taga-Egipto ay may nabibiling pagkain. Ang tugon ng Diyos sa tanong at panaginip ng Faraon ay nangyari ayon sa sinabi ni Jose. Ang pagpapalang ibinigay ng Faraon kay Jose ay nagdulot ng pagpapala sa buong bayan. At higit pa rito, ang bayang Egipto ay naging daluyan ng pagpapala sapagkat sa kanila lamang nakabibili ng pagkain ang mga taga-ibang bayan. Pinagpala ng Diyos ang Egipto na naging pagpapala naman sa iba.


MGA ARALIN SA PAGPAPALA: (Basahin at pag-usapan.)

1.      Sa pagpapala at tungkuling ibinigay, Diyos ang magpapatagumpay.

2.      Huwag panghinaan ng loob, ang Diyos ay may ipagkakaloob.

3.      Ang masaganang pagpapalang tinanggap, ang dulot sa iba ay paglingap.


Ang haba at tagal ng ating paghihintay sa tugon ng Diyos sa mga panalangin at nang tayo ay makabangon sa anumang pinagdaraanan natin ay hindi dahilan upang tayo ay panghinaan ng loob. Buong tiyaga nating hintayin ang tugon ng Diyos. Buong puso nating asahan na isang araw ay darating ang Kanyang pagpapala. Pagpapalain ang mga gawain natin. Pagpapalain ang ating pamilya. Pagpapalain tayo upang tayo ay maging pagpapala rin naman sa iba.



Paastor Jhun Lopez



_________________________________

Nakaraang blog: ANG DIYOS ANG MAGBIBIGAY NG KATUGUNAN 

Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...