BASAHIN: Genesis 42:1-28
"’Ano ang ginawang ito sa atin ng Diyos?’Maganda man o hindi ang nangyayari sa buhay ng isang tao, ang tanong na ito ay nagpapakita ng pagkilala sa pagkilos ng Diyos sa buhay. Ang nakakalungkot ay ang buhay na hindi na natutukoy ang paggawa ng Diyos. Sa buhay ni Jose ay gumawa ang Diyos. Natapos ang pitong taong kasaganaan. Tanging ang Egipto ang may naipong trigo na sindami ng buhangin sa dagat at ito ay dahil sa pamamahala ni Jose. Dumating ang taggutom sa buong Egipto at lumaganap sa ibang bansa. Sa Egipto nagpupunta ang mga taga-ibang bayan para bumili ng makakain. Alalahanin nating ang Diyos ay patuloy na gumagawa sa buhay ni Jose. Pinapatnubayan siya, tinutulungan at hindi pinababayaan ng Diyos. At ngayon, ang Diyos ay gumawa upang magsimula ang mga kapatid ni Jose sa daan ng pagsisisi.
Mula sa masaganang pamamahala ni Jose sa Egipto bilang
Gobernador (chapter 41), ibinalik
tayo sa tahanan ng kanyang amang si Jacob (chapter
42). Kung maaalaala natin, may naka-pending
na panaginip si Jose, ang pagluhod sa kanya ng ama at ng mga kapatid. Sa mga
karanasan niya, lahat ng mga panaginip na kanyang ipinaliwanag ay nangyayari.
Ito ay sa kanyang pananalig na ang Diyos ang makapagbibigay ng katugunan at
pagpapaliwanag. Ang bahaging ito ng ating pag-aaral ay pasimula sa katuparan ng
kanyang panaginip. Tandaan nating lagi na ang Diyos ang kasama niya sa lahat
nang ito. At ang muling pagtatagpo nila ng kanyang mga kapatid ay isa sa mga
paggawa ng Diyos sa buhay ni Jose.
ANG
PAGTATAGPO (t. 1-8).
Sapagkat laganap na ang taggutom, inutusan ni Jacob ang mga anak na bumili ng
pagkain sa Egipto. Naglakbay ang sampu at naiwan si Benjamin. Sa Gobernador
sila dumeretso dahil ito ang nagbebenta ng pagkain at sila ay yumukod sa
harapan nito. Nakilala sila ni Jose samantalang hindi nila namukhaan ang
kapatid. Hindi lang dahil sa hindi siya nagpahalata o siya ay nag-disguise. Hindi siya nakilala sapagkat
nang ibenta siya ng mga ito ay teenager
pa lang siya. Sa tagpong ito, nasa 40s
na si Jose. Lumaki ang katawan at nagbago ang boses. Dagdag pa rito ang kakaibang
kasuotan niya at malinis niyang mukha. Aakalain ba ng magkakapatid na ang
inihulog nila sa balon ay magiging pangalawa sa Faraon?
ANG PAGBABAYAD
(t. 9-21). Sa kapangyarihan ni Jose, pwede na siyang
makabawi sa mga kapatid. Nagsimula ang pakikipag-ugnay niya sa mga kapatid sa
pagkakaala-ala ng kanyang panaginip. Hindi ang tangkang pagpatay, hindi ang
paghuhulog sa balon, hindi ang pagbenta sa kanya, kundi ang panaginip na ang
mga kapatid niya ay yuyukod sa kanya. Alam niya ang pakay ng mga ito, bumili ng
pagkain. Pero ang sampung kapatid lang ang nakikita niya. Nasaan ang kanyang
ama at bunsong kapatid na si Benjamin? Sa pag-uusap, nalaman ni Jose ang sagot
sa tanong at nalaman niyang sa paniniwala ng mga ito ay patay na siya. At
ngayon, sila naman ang inihulog sa “balon,” tatlong araw silang ikinulong! Mga
araw ng pagpapaalaala ng kanilang ginawa sa nakababatang kapatid.
Sa ikatlong araw, kinausap silang muli ni Jose. Isa na
lang ang ikukulong! Ang siyam ay makakauwi na ngunit kailangan nilang bumalik
kasama ang bunsong kapatid. Nagising sila sa kasalanang ginawa. Sabi nila, “Nagbabayad na tayo ngayon sa ginawa natin sa
ating kapatid (t. 21). At sinabi
pa ni Ruben, “ngayon, pinagbabayad tayo
sa kanyang kamatayan (t. 22).
ANG PASIMULA
NG PAGSISISI (t. 23-28).
Naunawaan ni Jose ang usapan ng magkakapatid kung paano nilang kinilala at
inamin ang nagawang pagkakasala sa kapatid na inakala nilang patay na. Naiiyak
na si Jose kaya iniwan muna niya ang mga ito. Nakakaiyak maalaala ang ginawa sa
iyong masama at higit na nakakaiyak marinig na ang mga gumawa nito ay
nagsisimula na sa pag-amin ng kanilang nagawa. Pero kailangang matiyak kung
nagsisisi na nga ba sila. Paano ito ginawa ni Jose? Ibinalik sa kanilang alaala
ang nagawa sa pamamagitan ng kapatid nilang si Simeon na iginapos, ikinulong at
naiwan. Babalikan pa kaya nila ang kapatid? Nagbago na nga ba sila? Maaari
kasing pag-uwi ay muli nilang dayain ang amang si Jacob at sabihing patay na
ito.
Sa halip na parusahan ni Jose, pinagpala niya ang mga
kapatid na nagsiuwi. Pinagbilhan ng pagkain, ipinalagay sa sako ang salaping
ibinayad at pinadalhan pa ng pagkain sa paglalakbay. Sobra-sobrang pagpapakita
ng biyaya at habag sa kabila ng kasalanang nagawa sa kanya. At sa ipinakita ni
Jose, nakita ng magkakapatid ang pagkilos ng Diyos. Nang matagpuan nilang
ibinalik ang salaping ibinayad, nakita nila ang paggawa ng Diyos sa pagsasabing,
“Ano ang ginawang ito sa atin ng Diyos?”
MGA
ARALIN SA PAGSISISI: (Basahin at pag-usapan.)
1.
Ang madilim
na sitwasyon, ginagamit ng Panginoon, nang magsisi tayo ngayon.
2.
Sa
pagpapalang di tayo karapat-dapat, daan upang tayo ay magsisi ng tapat.
Sa iba’t ibang paraaan ay gumagawa ang Diyos na kasama
natin. Sa bawat sitwasyon ay may nais Siyang ipaunawa. Maaaring ito ay pagsisisi
at pagtalikod sa kasalanang ginawa. Maaaring ito ay pagpapatawad sa mga taong
nagkasala sa atin. Maaaring ipinakikita Niya sa atin ang mga plano Niya para sa
ating kinabukasan. Maaaing ginisigising ka Niyang maglingkod na may katapatan.
At marami pang ibang ginagawa ang Diyos upang maunawaan natin ang Kanyang
dakilang pagmamahal sa bawat isa sa atin.
Pastor Jhun Lopez
____________________________
Nakaraang blog: PINAGPALA UPANG MAGING PAGPAPALA
No comments:
Post a Comment