BASAHIN: Genesis 41:1-46
“Sino ba ang walang katanungan sa buhay? Lahat mayroon, magkakaiba lang, depende sa sitwasyon at kalagayan ng buhay. May mga tanong tayo sa Diyos na madali nating nalalaman ang sagot. Pero minsan, matagal bago natin maunawaan kung bakit nangyayari ang isang bagay. May pagkakataong pinadadaan pa tayo sa mga obstacles at mga struggles bago natin lubos na makita ang nais ipaunawa ng Diyos. At maaaring may tanong tayong magpahanggang ngayon ay hindi pa nasasagot. Katulad ng sinabi ni Jose, ‘Ang Diyos po ang siyang magbibigay ng katugunan sa inyong katanungan.’”
Nakakita ng pag-asang makalaya si Jose nang ipaliwanag
niya ang panaginip ng tagapangasiwa ng inumin ng Faraon. Ipinakiusap niyang
siya’y banggitin sa Faraon at tulungang makalaya kapag ito’y nakabalik na sa
tungkulin. Subalit nakalimutan siya ng tagapangasiwa ng inumin (39:23). Sa
masalimuot na buhay ni Jose, marami ang maaaring maging katanungan. Malaking
tanong ang sinapit niya sa mga kapatid at sa tahanan ni Potifar. At ang
makalimutan siya ng taong tinulungan sa kulungan, mapapabakit ka. Paano nasagot
ang mga tanong na ito?
NAALAALA
ANG IPINAKITANG KABUTIHAN. Maaaring umasa si Jose sa mabilis
na paglaya nang makabalik ang tagapangasiwa ng inumin sa palasyo. Subalit
dalawang taon pa ang ipinaghintay niya bago siya naalaala. Saan natin makikita
ang pagkilos ng Diyos dito? Nanaginip ang Faraon. Walang makapagpaliwanag.
Naalaala si Jose. At nang ikwento ang panaginip kay Jose, katulad ng sinabi
niya sa tagapangasiwa ng inumin at sa punong panadero (39:8), ang agad niyang
sagot sa Faraon, “Ang Diyos po ang siyang
magbibigay ng katugunan sa inyong katanungan” (40:16). Mula sa bibig ni
Jose, nalalaman niyang ang sagot sa mga katanungan ay magmumula lamang sa
Diyos. Kaya hindi natin mababasa ang anumang pagrereklamo sa kahit anumang
sitwasyong pinagdaanan niya sapagkat malinaw sa kanyang nasa Diyos ang
katugunan.
PINAGPALA
ANG NAKITANG KARUNUNGAN. Isinaysay ng Faraon ang panaginip.
Ipinaliwanag ito ni Jose ayon sa pagpapaunawa ng Diyos (maaaring alalahanin ang
panaginip at paliwanag). Sinabi ni Jose, “itinakda
na ng Diyos ang bagay na ito, at malapit na niya itong isagawa.” Sa sinabi
niyang panukala, namalas ang karunungang mula sa Diyos (t. 33-36). Kinilala ito
ng mga kagawad ng Faraon sa pagsasabing, “nasa
kanya ang Espiritu ng Diyos.” Na siya ring pagkilala ng Faraon nang sabihin
nitong, “Ang Diyos ang nagpakita sa iyo
ng lahat ng ito, kaya't wala nang hihigit pa sa iyo sa karunungan at pang-unawa”
(t. 38-39). At ipinahayag ang pag-aatang ng pagpapala kay Jose bilang
Gobernador ng buong Egipto! Ang maraming tanong sa buhay ni Jose ay nagkaroon
na ng kasagutan. Mula sa balon, ginawang pangalawa sa Faraon!
Sa mga
naghihintay sa tugon ng Diyos: (Basahin at pag-usapan.)
1.
Maghintay
na may katiyagaan, tugon ng Diyos makakamtan.
2.
Pagtugon
ng Diyos ang ipaunawa, kakamtan ay gantimpala.
Gaano man katagal o kalapit ang tugon sa ating mga
tanong at mga pananalangin, ang maghintay ay hindi kawalan. Sa halip, ito ay
nagpapatibay pa ng ating mga pananalig sa Diyos. Ang pag-asa ay naitutuon sa
Kanya. At natitiyak nating pinakamainam ang kalooban Niya para sa atin. Mula sa
balon, tayo ay Kanyang iaahon. Patuloy lang tayo sa pagtitiwalang, “Ang Diyos ang siyang magbibigay ng katugunan
sa ating mga katanungan.”
Pastor Jhun Lopez
_______________________________
Nakaraang blog: MAGTIWALA KA, HINDI KITA MALILIMUTAN
No comments:
Post a Comment