Search This Blog

Saturday, November 7, 2020

IPAGSAYA ANG TINANGGAP NA BIYAYA

 BASAHIN: Genesis 43:15-34

Napakasaya sa pakiramdam ang mapatawad sa nagawang kasalanan. Napakasayang tumanggap ng biyayang nalalaman nating hindi naman tayo karapat-dapat. At habang hindi natin natatanggap ang pagpapatawad, laging may takot sa puso at isipan natin. Ang mga kapatid ni Jose ay nalalapit na sa ganap na pagpapatawad.”

Muling naglakbay ang magkakapatid pabalik ng Egipto at ngayon ay kasama nila si Benjamin. Maaaring ang inasahan nila ay ang muling pagharap sa mabagsik na Gobernador. Subalit nang makita ni Jose si Benjamin, iniutos niya sa alipin niyang isama ang magkakapatid sa bahay niya at makakasalo niya sa pananghalian. Hindi ito ang inaasahan ng magkakapatid. Dagdag pa rito ang pagpapakatay ng hayop para lang sa kanila. Ang humarap at tumanggap sa kanila ay isang makapangyarihang lalaki sa bayan ng Egipto na nagpakita ng kababaan ng kanyang kalooban.


NATAKOT ANG MAGKAKAPATID (43:18-24). Ipinasama ni Jose ang magkakapatid sa bahay niya. Sa halip na matuwa, takot ang nadama at naisip ng magkakapatid. Hindi sila naging komportableng sa bahay ng Gobernador sila pinatuloy. Nagduda sila sa ipinahayag na salu-salo sa pananghalian. Ang naalaala nila ay ang perang natagpuan sa kanilang sako. Naisip nilang baka bigla na lang silang ipadakip at gawing alipin. Dahil sa damdamin at isipan nilang ito, kinausap nila ang katiwala ni Jose at ikinuwento ang tungkol sa pera. Inaming wala silang kinalaman kung paanong napunta ang pera sa sako. Ang malaking ikinagulat nila ay ang tugon ng katiwala, “Ang inyong Diyos na siya ring Diyos ng inyong ama ang naglagay ng salaping iyon” (t. 23).


NAGSAYA ANG MAGKAKAPATID (43:25-34). Pinapasok na sila sa bahay. Pinagsilbihan ng mga alipin. Inilabas nila ang mga dalang handog para kay Jose. Pagdating ni Jose, yumukod ang magkakapatid sa harapan niya at ibinigay ang mga handog. Kinumusta niya ang mga ito at agad na itinanong ang kalagayan ng kanilang ama. Pagkatapos sagutin, muling yumukod ang magkakapatid. Hindi nila nalalamang tinutupad na nila ang panaginip ni Jose, “Tumayo ang aking binigkis at yumukod sa paligid nito ang inyong mga binigkis” (37:7). Ang labing-isang kapatid niya ay yumukod sa kanya. Nakaharap na niyang muli ang bunsong kapatid at pinagpala niya ito. Muli, naging madamdamin ang tagpo. Lumabas si Jose at umiyak. Pagbalik, ibinigay niya ang malaking pabor para sa mga kapatid niya. Nakasalo niya ang mga ito sa pananghalian. Nagtaka pa ang magkakapatid sa magkakasunod nilang pagkakaupo na naaayon sa kanilang edad. Nagsaya sila sa hapag na ipinahanda ni Jose.


MGA ARALIN SA PAGKILOS NG DIYOS SA ATING BUHAY: (Basahin at pag-usapan.)

1.      Kasama ang Diyos sa bawat sitwasyon, magtiwalang lagi sa paggawa ng Panginoon.

2.      Ipagsaya ang kasalukuyang biyaya, may patutunguhan pa tayong higit na pagpapala.


       May mga pagkakataong tayo ay nagkakamali. Nauunawaan natin iyon. Pero hindi tayo dapat matakot na lumapit at aminin ang anumang pagkakasala sa Panginoon. Nalalaman Niya ang lahat ng ating mga kahinaan at nagawang kasalanan. At kung tayo ay nagsisi na sa Kanyang harapan, panahon naman ng pagsasaya sapagkat tayo ay pinatawad na at kasalo na sa hapag ng Panginoon.


Pastor Jhun Lopez



_______________________________

Nakaraang blog: KAPAG HINDI MAGANDA ANG BALITA

No comments:

Post a Comment

Featured Post

MAKABULUHAN AT MAPAKINABANG NA BUHAY CRISTIANO

          Kung ang mga katangiang ito ay taglay ninyo at pinagyayaman, ang inyong pagkakilala sa Panginoong Jesu-Cristo ay hindi mawawalan n...