Search This Blog

Sunday, November 8, 2020

ANG DIYOS ANG NAGDALA SA ATIN

 BASAHIN: Genesis 44:1-45:15

Mas madali ang manisi kaysa magpatawad. Kadalasan ay itinuturo natin ang pagkakamali ng iba at nalilimutang ituro ang sariling pagkakasala. Ang sitwasyon o lugar na kinalalagyan ng buhay natin ay naisisisi sa ginawang mali ng iba o minsan sa mismong ginawa ng sarili. Nananalangin pero hindi alam kung paanong kikilalaning kasama niya ang Diyos sa lahat ng mga nagagnap sa kanyang buhay. Ang buhay ni Jose ay buhay na pinatnubayan ng Diyos. Siya ay tinulungan, di pinabayaan at pinagtatagumpay sa lahat ng kanyang ginagawa. Pinagpala siyang sobra-sobra ng Diyos. At ang pagpapalang ito ay dumaloy patungo sa iba. At ngayon ay sa mga kapatid na tumanggap ng kanyang pagpapatawad.


Natapos ang masayang pananghalian ng mga kapatid ni Jose. Nakapasa sila sa unang pagsubok. Pero hindi pa tapos si Jose. Mayroon pa siyang nais mapatunayan bago niya lubusang ipakilala ang sarili. Gumawa siya ng isa pang bitag, “sa sako ng pinakabunso, ilagay mo pa ang aking kopang pilak” (44:2). Walang kaalam-alam ang magkakapatd, itinanim ang kopang pilak sa sako ni Benjamin. Alalahanin nating ang karunungan at buhay ni Jose ay nasa patnubay ng Diyos.


ANG PAGBITAG (44:4-16). Maagang umalis ang magkakapatid. Pinasunod ni Jose ang katiwala niya upang sabihin ang bitag (ipabasa ang 44:4-5). Sa pagtataka, ipinaglaban nilang hindi nila magagawang nakawan ang Gobernador. Hanggang sila’y makipagkasundo sa sinabi ng katiwala, “Kung kanino makita ang kopa, siya ang gagawing alipin; makakalaya na ang iba” (t. 10). Alam ng katiwalang sa sako ni Benjamin matatagpuan ang kopang pilak. Pero ang magkakapatid ay hindi. Kaya nang makita ang kopa, pinunit nila ang kanilang mga damit sa tindi ng kalungkutan. Maaari na silang umuwi maliban kay Benjamin. Pero pati sila’y bumalik sa bahay ni Jose. Yumukod sila sa harap ni Jose. Simple lang ang tanong, “Ano itong ginawa ninyo?” (t. 15). Sinisiyasat ni Jose kung may pagbabago na sa buhay ng mga kapatid, lalo na sa kanilang pagkilala sa pagkilos ng Diyos. Nagtagumpay ang bitag! Ipinahayag ni Juda ang pagkilos ng Diyos sa nangyayari (basahin ang 44:16).


ANG PAGBABAGO (44:17-34). “Kung kanino nakita ang kopa, siya ang gagawin kong alipin; ang iba ay makakauwi na sa inyong ama” (t. 17). Minsan na nilang ginawa ito, nang ibenta nila si Jose para maging alipin at umuwi sa amang si Jacob na hindi kasama ang kapatid. Ngayon napatunayan ni Jose na ang mga kapatid ay nagbago na. Ang mga talatang 18-34 ay madamdaming pakiusap at pagpapaliwanag ni Juda (basahin ng madamdamin). Isinaysay ni Juda kung paano nila sinabi sa ama ang tagubiling isama ang bunsong kapatid, kung paanong mariing tumanggi ang ama, kung paano nila ito napapayag at kung paanong itinaya niya ang sarili para lamang maisama si Benjamin. Kaya ang kanyang pakiusap, “ako na ang alipinin ninyo sa halip na itong aking bunsong kapatid” (t. 33). Matatandaan nating si Juda ang kapatid na nagsabing, “Mabuti pa'y ipagbili na lamang natin siya sa mga Ismaelita kaysa ating saktan” (Genesis 37:27). Nagbago na nga ang magkakapatid sa mahigit dalawampung taong lumipas.


ANG PAGPAPATAWAD (45:1-15). Malakas na pag-iyak ni Jose ang narinig nang sabihin niyang, “Ako si Jose!” Pinalapit niya ang mga nagulantang na mga kapatid. Ipinaliwanag niya ang mga pangyayari (basahin ang 45:5-8). Ang pagpapatawad ay ipinakikita sa sinabi niyang,Huwag ninyong sisihin ang inyong sarili” (t.  5). Kinilala ni Jose ang pagkilos ng Diyos sa lahat nang mga pangyayari sa kanyang buhay nang sabihin niyang, “Ang Diyos ang nagpadala sa akin dito…,” “Pinauna ako rito ng Diyos…,” atGinawa niya akong tagapayo ng Faraon.” Ipinaunawa niya sa mga kapatid na ang lahat ay nangyari ayon sa layunin ng Diyos, “upang iligtas ang maraming buhayatupang huwag malipol ang ating lahi.” Ang pagpapatawad ay hindi nagtapos sa salita lamang, sinundan ito ng mga pagpapala (basahin ang 45:9-13 at isa-isahin ang mga pagpapala). At sa huli ay ang isa pa sa mga madamdaming tagpo sa buhay ni Jose, umiiyak siya sa pagyakap at paghalik sa mga kapatid (t. 15).

 

MGA ARALIN SA LUGAR NA ATING KINALALAGYAN: (Basahin at pag-usapan.)

  1.      Saan mang lugar tayo naroroon ngayon, ang nagdala sa atin ay ang Panginoon.
  2.       Sa kinalalagyang buhay, Diyos ay purihin, laging tandaan, Siya sa’yo ay may layunin.
  3.       Sa patnubay ng Diyos magtiwala, pagdaanan ma’y ubod ng sama, natitiyak natin ang Kanyang pagpapala, saan mang lugar tayo dinadala.

          Mahirap magpatawad lalo na kung ang patatawarin ay hindi naman nagpapakita ng pagsisisi at pagbabago ng buhay. Mahirap magpatawad kung hindi natin nakikitang ang Diyos ay kumikilos sa bawat pangyayari kaya ang paninisi ay ganoon na lang sa taong nagkasala. Ang ginawang pagpapatawad ni Jose ay huwaran. Kahit hindi katanggap-tanggap ang ginawa ng mga kapatid niya, dahil sa nakita niyang pagbabago ng kanilang buhay, ang pagpapatawad ay kanyang naipagkaloob. Kahit anong dilim pa ang pinagdaanan sa buhay, sapagkat nalalaman niya at kinikilalang ang Diyos ang nagdala sa kanya sa Egipto at dahilan ng kanyang pagiging Gobernador, ang pagpapatawad ay kanyang naipagkaloob.


Pastor Jhun Lopez



____________________________________

Nakaraang blog: IPAGSAYA ANG TINANGGAP NA BIYAYA

No comments:

Post a Comment

Featured Post

MAKABULUHAN AT MAPAKINABANG NA BUHAY CRISTIANO

          Kung ang mga katangiang ito ay taglay ninyo at pinagyayaman, ang inyong pagkakilala sa Panginoong Jesu-Cristo ay hindi mawawalan n...