Search This Blog

Sunday, November 1, 2020

PINAGPALA UPANG MAGING PAGPAPALA

BASAHIN: Genesis 41:46-57

Si Jose ay paboritong anak ni Jacob at tumatanggap ng biyaya mula sa kanyang ama bago mangyari ang mga ‘injustices’ sa buhay niya. Ang paghuhulog sa kanya sa balon, pagbenta para maging alipin, pagkakakulong sa kasalanang hindi niya ginawa at ang malimutan ng isang kaibigan ay mga karanasang pwedeng ipaglaban dahil sa kawalan ng katarungan. Pero hindi kay Jose. Nanatili siya sa buhay na kasama ang Diyos. Siya ay pinapatnubayan, tinutulungan at hindi pinababayaan ng Diyos (Genesis 39:2-3, 21, 23). Kung mayroon ‘injustices’ na nagaganap sa buhay niya, nalalaman niyang nasa Diyos lamang ang katugunan nito. At ito nga ang naranasan ni Jose! Mula sa kawalan ng katarungan, siya ay pinagpala ng Diyos – sagananag pagpapala!”

         Mula sa balon, naging pangalawa sa Faraon. Nang siya ay ibenta kay Potifar, ginawa siya nitong katiwala sa bahay at lahat ng ari-arian. Nang siya ay ipabilanggo, ginawa siyang tagapamahala ng lahat ng mga bilanggo. Matapos niyang ipaliwanag ang panaginip ng Faraon, nakita ng Faraon at ng mga kagawad nito na ang Diyos ay kasama ni Jose. Siya ay ginawang Gobernador sa buong Egipto. Binigyan siya ng bagong pangalan at binigyan ng napangasawa. Tinaggap niya ang katarungan at pagpapala ng Diyos patungo sa katuparan ng mga plano ng Diyos para sa kanya. Anu-ano ang mga pagpapala ni Jose?  


MASAGANANG PAMAMAHALA (t. 46-49). Sa edad na treinta, si Jose ay naging lider ng buong bayan. Sa panahon ng Biblia, isa si Jose sa mga lalaking hinirang ng Diyos sa panahon ng kanilang kabataan. Ang pagiging pag-asa ng bayan nila ay hindi sa kinabukasan kundi sa kasalukuyan. Pagpapala kay Jose ang mabigyan ng napakalaking tungkulin sa kanyang kabataan. Idagdag pa ang kaisipang siya ay isang dayuhan. Naganap ang panaginip ng Faraon. Pitong taon ng kasaganaan. Sa pamamahala ni  Jose, sindami ng buhangin sa dagat ang mga naipong trigo sa bawat lunsod. Pinagpala ng Diyos ang pamamahala ni Jose.


PINAGKALOOBAN NG PAMILYA (t. 50-52). Pagpapala ang magkaroon ng asawa, pero maaaring problema ang dala ng pagpapakasal sa asawang hindi mo ginusto. Hindi nabanggit kung si Asenat na ipinakasal kay Jose ay bunga ng pagmamahal o isang gantimpala lamang. Ang tiyak natin, bago dumating ang taggutom, si Jose ay biniyayaan ng dalawang anak – si Manases at Efraim – na para kay Jose ay kaloob ng Diyos sa kanya. Pinagpala ng Diyos ang pamilya ni Jose.


DALUYAN NG PAGPAPALA (t. 50-52). Natapos ang pitong taong kasaganaan at naganap ang pitong taong taggutom. Pero sa Egipto ay may pagkain. Kung sa ibang mga bansa ay taggutom, ang mga taga-Egipto ay may nabibiling pagkain. Ang tugon ng Diyos sa tanong at panaginip ng Faraon ay nangyari ayon sa sinabi ni Jose. Ang pagpapalang ibinigay ng Faraon kay Jose ay nagdulot ng pagpapala sa buong bayan. At higit pa rito, ang bayang Egipto ay naging daluyan ng pagpapala sapagkat sa kanila lamang nakabibili ng pagkain ang mga taga-ibang bayan. Pinagpala ng Diyos ang Egipto na naging pagpapala naman sa iba.


MGA ARALIN SA PAGPAPALA: (Basahin at pag-usapan.)

1.      Sa pagpapala at tungkuling ibinigay, Diyos ang magpapatagumpay.

2.      Huwag panghinaan ng loob, ang Diyos ay may ipagkakaloob.

3.      Ang masaganang pagpapalang tinanggap, ang dulot sa iba ay paglingap.


Ang haba at tagal ng ating paghihintay sa tugon ng Diyos sa mga panalangin at nang tayo ay makabangon sa anumang pinagdaraanan natin ay hindi dahilan upang tayo ay panghinaan ng loob. Buong tiyaga nating hintayin ang tugon ng Diyos. Buong puso nating asahan na isang araw ay darating ang Kanyang pagpapala. Pagpapalain ang mga gawain natin. Pagpapalain ang ating pamilya. Pagpapalain tayo upang tayo ay maging pagpapala rin naman sa iba.



Paastor Jhun Lopez



_________________________________

Nakaraang blog: ANG DIYOS ANG MAGBIBIGAY NG KATUGUNAN 

No comments:

Post a Comment

Featured Post

PATULOY TAYONG LUMAGO

    Sa halip, patuloy kayong lumago sa kagandahang-loob ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, at sa pagkakilala sa kanya. S...