Search This Blog

Friday, November 6, 2020

KAPAG HINDI MAGANDA ANG BALITA

 Genesis 42:29-38; 43:1-15

Kung may Magandang Balita, may masamang balita rin tayong natatanggap. Ang buhay ni Jose na dumaan sa mabigat na pagsubok hanggang siya ay hiranging Gobernador ng Egipto, ay isang napakagandang balita. Pero ang balitang dumating kay Jacob ay hindi mabuti. Naiwan si Simeon at makababalik lang sila kung isasama ang kanilang bunsong kapatid. Napakabigat na balita. Paano natin haharapin ang masamang balita?”

Si Jose ay hindi nga nakilala ng magkakapatid. Umuwi silang dala-dala ang kaalamang nakaharap nila ang Gobernador ng Egipto. Pagdating sa Canaan (t. 29-32), matapos ang mahigit 600 kilometrong paglalakbay pauwi, isinaysay nila kay Jacob ang naging karanasan sa Egipto; ang mabagsik na Gobernador, kung paano nila sinabing sila ay hindi mga espiya at ang pagtatapat nilang sila ay may isa pang kapatid, nabubuhay na ama at kapatid na namatay na. Marahil, kahit pagod ay may kasabikang nagkwentuhan ang mag-aama sa matagal na hindi nila pagkikita. Nagbago lamang ang mood nang magsimula na ang hindi na magandang balita para sa amang noon ay matandang matanda na.


HINDI MATANGGAP NA BALITA (42:29-38). Ang nakabibiglang balita; ipinaiwan si Simeon at ibinilin sa kanilang bumalik kasama ang bunsong kapatid upang mapatunayang hindi nga sila mga espiya. Na kung ito ay kanilang gagawin, palalayain si Simeon at papayagan silang manirahan sa Egipto. Nadagdag pa sa kabiglaan ni Jacob ang natagpuang salapi na kanilang ipinambayad. Kaya nasabi niya, “Napakabigat namang pasanin ito para sa akin!” Nawala na si Jose. Nawala pa si Simeon. Papayagan ba niyang mawala pa ang bunsong anak? Kahit pa isakripisyo ni Ruben ang sariling mga anak, maisama lang niya si Benjamin, mariin ang hindi pagpayag ni Jacob. Natatakot siyang baka ikamatay ng bunsong anak ang paglalakbay. Kaya nasabi niya, “hindi ko na ito makakayanan; mamamatay akong nagdadalamhati.


PAGSANG-AYON SA MUNGKAHI (43:1-15). Hindi nga pinabalik ni Jacob ang mga anak sa Egipto. Kung hindi pa naubos ang pagkain nila, hindi niya maiisip pabalikin ang magkakapatid. Ipinaalaala ni Juda ang tagubilin ng Gobernador. Sa halip na pumayag, itinuro pa niya ang paninisi sa mga anak, sa pagsasabing, “Bakit kasi sinabi ninyong mayroon pa kayong ibang kapatid?” At siya ang pinahihirapan. Sagot ni Juda, “mamamatay tayo sa gutom.” Kung si Ruben ay handang isakripisyo ang mga anak para makumbinsi ang ama, itinaya naman ni Juda ang sarili pumayag lang si Jacob na maisama nila si Benjamin. Itinuro naman niya ang ama na kung pumayag na noong una, nakadalawang balik na sana sila. Napapayag din si Jacob! Nagbilin pa siyang magdala ng handog ang mga anak para sa Gobernador, ibalik nang doble ang perang ipinambili na nakita sa mga sako at isama na nila si Benjamin. Sa huli ay nagsabi ng panalanging, “Loobin nawa ng Makapangyarihang Diyos na kahabagan kayo ng taong iyon.


MGA ARALIN SA PAGSANG-AYON NI JACOB: (Basahin at pag-usapan.)

1.      Sa balitang di gusto, unawain at tanggapin ang pagiging negatibo.

2.      Sa Diyos ituon ang bawat sitwasyon, di mabibigatan sa anumang panahon.

3.      Maging bukas sa mga mungkahi, ang reaksyon dito’y huwag ipagmadali.



Pastor Jhun Lopez



___________________________

Nakaraang blog: ANO ANG GINAWA SA ATIN NG DIYOS? 

No comments:

Post a Comment

Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...