Search This Blog

Friday, May 8, 2020

MAY BUHAY NA WALANG HANGGAN

Ang walong pagpapakilala ng Panginoong Jesus kung sino Siya ay tinalakay sa nakaraang walong araw na Family Altar natin (kung nagsimula kayo noong March 16). Sa pasimula ng Juan 3, pinuntahan Siya ng Pariseong si Nicodemo na isang pinuno ng mga Judio. Sa pag-uusap nila, sinabi Niya ang pangangailangan ng kapanganakang muli o ang pagiging born again upang makapasok sa kaharian ng Diyos. Hindi ito lubos maunawaan ni Nicodemo. Kaya ngayong gabi, sisikapin nating maunawaan ang pananalig nating tayo ay may buhay na walang hanggan.”


Nakalulungkot man, si Nicodemo na isang Pariseo at pinuno ng mga Judio ay hindi nauunawaan ang pangangailangan ng pananampalataya sa Panginoong Jesus. Siya ay may malalim na kaalaman sa Kautusan. Malamang, siya ay lalaking mayaman, dahil sa panahong iyon, ang mga pinuno ay nasa mataas na antas na kalagayan ng lipunan. Sa kabila ng kanyang background, sa mga pagtatanong niya, hindi niya alam ang kahulugan at kahalagahan ng pananampalataya.


Ang pag-uusap ni Nicodemo at ng Panginoong Jesus ay mga sandali ng pagtuturo tungkol sa pananampalataya. Mahirap naman talagang maunawaan sa simpleng pag-uusap kung paanong ipanganganak na muli ang isang tao. Na ang tanging makapapasok sa kaharian ng Diyos ay an mga ipinanganak na muli. Imposible namang bumalik pa sa tiyan ni Nanay. Paano?


Inihalintulad ng Panginoong Jesus ang pananampalataya sa Kanya sa tansong ahas na itinataas ni Moises sa ilang. Ang salot ng mga ahas sa ilang ay pamilyar na kwento kay Nicodemo. Na ang bawat titingin sa tansong ahas ni Moises, kahit makagat ng ahas ang isang Israelita ay hindi mamamatay. Tulad noon, sinasabi ng Panginoong Jesus kay Nicodemo ang pangangailangan ng pananampalataya sa Kanya upang makamit nito ang pagpasok sa kaharian ng Diyos – ang buhay na walang hanggan (t.15-16). Nang sa gayon ay maligtas sa kamatayan – sa kapahamakan.


Ang pagsampalataya sa Panginoong Jesus ay ang kapanganakang muli na magliligtas sa isang tao. Ang taong magkakaroon ng buhay na walang hanggan ay iyong mga sumampalataya sa kaisa-isang Anak ng Diyos – sa Panginoong Jesus. Maaari kasing si Nicodemo ay may pananampalataya, pero hindi sa Kanya. Ang pananampalataya sa Panginoong Jesus ay paglapit sa Kanyang liwanag na maglalantad ng mga kasalanan ng isang tao. Ang liwanag ng ilaw ng Panginoong Jesus ang magpapatunay kung ang taong ito ay tagasunod Niya.


Mahalagang matiyak natin ngayong gabi kung tayo nga ba ay sumampalataya na sa Panginoong Jesus. Ang maging Cristiano ay hindi lang pagiging church member o magkaroon ng ministry sa church. Hindi rin tiyak na tayo’y sumampalataya na sa dahilan lamang na tayo ay member ng pamilyang ito. Dapat nating matiyak, individually, kung tayo ay ipinanganak na nga bang muli. Ibig sabihin, lumapit ka na sa liwanag ng Panginoong Jesus. Tapat ka nang nagsisi sa iyong mga kasalanan. Naitalaga mo na ang sarili mo sa pagsunod sa Kanya bilang Panginoon ng iyong buhay. Sumampalataya ka na sa kaisa-isang Anak ng Diyos – sa Panginoong Jesus.


Ang sumasampalataya sa Panginoong Jesus ay may buhay na walang hanggan. Ang lumalapit sa Kanya ay maliligtas. Ang bawat Cristiano ay naglalakbay sa pagiging alagad Niya. At ang bawat alagad Niya ay namumuhay sa  buhay na ang layunin ay pagsunod sa Kanya. Sa pamilya natin, ito ang ating ipamuhay, dahil sa Panginoong Jesus, may buhay na walang hanggan.



Pastor Jhun Lopez 



___________________________________

Nakaraang blog: MANATILI AT MAMUNGA


Tuesday, May 5, 2020

MANATILI AT MAMUNGA

Kapag nakakita tayo ng fruit bearing tree (halimbawa, bayabas o mangga), ang agad nating hinahanap ay ang bunga nito. Hindi natin tinitingnan kung malalim ba ang ugat, kung matibay ba ang puno at mga sanga nito o kung ang mga dahon ba nito ay kulay green. Ang unang tinitingala natin ay kung may masusungkit ba tayong bunga. Mahalaga ang mga bunga. Pero bago ang bunga, magandang makita natin ang ugnayan ng puno at ng mga sanga.”


Ang Panginoong Jesus ang Tunay na Puno ng Ubas. Ang Ama ang Tagapag-alaga. Ipinakita Niya sa mga alagad ang ugnayan nila ng Diyos Ama. Na ang bawat sangang walang bunga ay inaalis samantalang ang namumunga ay ginagawan pa ng paraang mamunga nang sagana. Ibig sabihin lang nito, kung ang bunga ng mga sanga ay mahalaga para sa Tagapag-alaga, ang pamumunga ng mga sumusunod sa Panginoong Jesus ay hinahanap at mahalaga sa Diyos. Ang pananatili ng mga alagad sa Panginoong Jesus ay susi sa mabunga at matagumpay na buhay Cristiano.


Ang Panginoong Jesus ang Tunay na Puno ng Ubas at tayo ang mga sanga.  Kailangang manatili sa Panginoong Jesus ang Cristianong gustong mamunga ng sagana sapagkat kung ang isang Cristiano ay hiwalay sa Puno, wala siyang magagawa, tiyak na hindi siya mamumunga ayon sa inaasahan ng Diyos sa kanya. At hindi kapanipaniwalang siya ay alagad ni Cristo kung hindi makikita ang ibinubunga sa uri ng kanyang pamumuhay.


Ang sangang nananatili sa Puno ay magpapakita ng mga ebidensiya sa pamamagitan ng mga bunga niya. Anu-ano ang mga ebidensiya na tayo nga ay nananatili sa Panginoong Jesus? Una, answered prayer. Kung tayo ay nananatili sa Panginoong Jesus, tinatanggap natin ang mga katuparan sa mga kahilingan natin sa Diyos (t. 7). Ikalawa, blessed life. Napararangalan ang Diyos sa pamumuhay natin sa pamamagitan ng mabuting halimbawa sa iba. Kitang-kita sa buhay natin na tayo nga ay mga alagad ng Panginoong Jesus (t.8). At ikatlo, remaining in His love. Mahirap sumunod nang walang pag-ibig. Ang alagad na namumunga ay nananatili sa pag-ibig ng Panginoong Jesus na nagbubunga ng pagsunod sa Kanyang mga utos.


Kanina, nalaman nating iba-ibang prutas ang gusto at kapareho natin. Nalaman din nating iba-iba ang mga katangian natin. Iba-ibang  mga ugali at mga edad natin. Pero bilang mga Cristiano, tayo ay pare-parehong mga sanga ng Tunay na Puno ng Ubas - ang Panginoong Jesus. Siya ang Puno, tayo ang mga sanga. Isa ito sa mga pamamaraan ng pakikipag-ugnayan natin sa Kanya.


Mahalaga sa Diyos na tayo ay namumunga. Hindi madali ang manalangin at tumanggap ng answered prayer. Ang maging mabuting patotoo ay struggle sa marami. Ibig sabihin, hindi lahat ay nakapamumuhay na may kabutihan. At ang pamumuhay na may pag-ibig ay napakalaking challenge sa atin. Pero ito ang nais ng Diyos, ang tayo ay mamunga. Nais Niyang tayo ay makatanggap ng katugunan sa panalangin. Nais Niyang ang buhay natin ay nagbibigay karangalan sa Kanya. Nais Niyang tayo ay nagpapakita ng pag-ibig sa kapwa katulad ng pag-ibig Niya sa atin. Ang susi ay ibinigay na Niya sa mga alagad Niya, “Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang nagbubunga nang sagana” (t. 5).


Sa panahong ito nang kawalang kasiguruhan, habang tayo ay hinuhubog ng Panginoong Jesus bilang mga alagad Niya, tayo’y MANATILI AT MAMUNGA! Ang misyon ng Diyos sa ating pamilya ay ating maisasakatuparan. Tayo ay magiging mga alagad na gumagawa ng mga alagad Niya.


Pastor Jhun Lopez



_____________________________________

Nakaraang blog: HINDI TAYO MABABAGABAG

 


Monday, May 4, 2020

HINDI TAYO MABABAGABAG


Nakakatuwang malaman kung sino tayo ayon sa pagkakilala natin sa kani-kaniyang sarili. Pero hindi ba’t mas nakakatuwang makilala ang Panginoong Jesus? Sa nakaraang isang lingo, nakilala natin Siya sa ating Family Altar. Mag-review tayo (isa-isahin ang naisagawa ninyo). Ngayong ikalawang lingo ng community quarantine, muli natin Siyang makikilala. Tatlong pagpapakilala Niya sa Kanyang sarili na magsasabi sa ating HINDI TAYO MABABAGABAG.”

Katatapos lang ng huling hapunan noon. Umalis na si Judas matapos ipahayag ang gagawin nitong pagtataksil. Ipinahayag na ng Panginoong Jesus ang pag-alis Niya at hindi sila makakasama. Sinabi na rin ng Panginoong Jesus kung paano Siyang ikakaila ni Pedro ng tatlong beses. Sa tagpong iyon, malamang, naguluhan ang isip at damdamin ng mga alagad. Kaya sa bungad ng chapter 14, ito ang Kanyang sinabi, “Huwag mabagabag ang inyong kalooban; sumampalataya kayo sa Diyos, sumampalataya din kayo sa akin.

May magkakanulo. May magkakaila. Iiwanan sila. Upang hindi sila mag-alala, kailangang magpatuloy silang manampalataya sa Panginoong Jesus. Mahalagang manatili sila sa pananampalataya. Manatili sa ginawa nilang pagsunod nang una pa mang sila ay tawagin. Kahit may kasama silang tumalikod na. Sapagkat ang pangako ng Panginooong Jesus sa mga sumasampalataya,”ako'y babalik at isasama ko kayo upang kayo'y makapiling ko kung saan ako naroroon.” Bawat sumasampalataya ay ipinaghahanda Niya ng lugar sa piling ng Diyos Ama.

Sinabi ng Panginoong Jesus kay Tomas, na noo’y nagsabing hindi nalalaman ang daan sa pupuntahan ng Panginoon, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makakapunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko.” Sinagot naman Niya si Felipe sa sinabi nitong ipakita ang Ama sa pagsasabing, “Ang nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama.” At winaksan Niya ito sa pagsasabing, “Kung hihiling kayo ng anuman sa pangalan ko, ito ay aking gagawin.” Walang dahilan para tayo ay mabagabag kung tayo ay sasampalataya sa Panginoong Jesus.

Hindi tayo mababagabag. Ang ginagawa nating pagsunod sa nagaganap na Community Quarantine ay hindi tanda ng pag-aalala kundi pag-iingat lamang upang masugpo na ang pagkalat ng virus. Dahil sa ayaw naman natin o sa gusto, lahat naman ay darating sa kamatayan. Huwag lang muna ngayon.

Hindi tayo mababagabag sapagkat ang Panginoong Jesus na ating sinasampalatayanan ay ang Daan, Katotohanan at Buhay. Siya ang tanging daan papunta sa Diyos Ama. Natitiyak nating hindi Niya tayo dadayain at dadalhin sa kasinungalingan sapagkat Siya ang Katotohanan. Natitiyak nating makararating tayo sa ipinangako Niyang tirahan, sa langit tayo pupunta, sapagkat Siya ang Buhay na kasama natin sa paglalakbay.

Hindi tayo mababagabag sapagkat ang pangako Niya sa lahat ng sumasampalataya sa Kanya, “Kung hihiling kayo ng anuman sa pangalan ko, ito ay aking gagawin.” Kaya hindi tayo magsasawang mananalangin at hihiling sa Kanyang pagtugon at pagkilos sa pandemic na nagaganap sa buong mundo. Habang tayo ay “nakakulong” sa bahay natin, patuloy tayong sasampalataya sa Panginoong Jesus bilang mga alagad NIya. Hindi natin Siya pagtataksilan. Hindi natin Siya ikakaila. Hindi man natin Siya nakikita physically, nagtitiwala tayong kasama natin ngayon ang Daan, ang Katotohanan at ang Buhay. Kasama natin ang Panginoong Jesus.

Pastor Jhun Lopez


_____________________________________

Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...