“Nakakatuwang malaman kung sino tayo ayon sa
pagkakilala natin sa kani-kaniyang sarili. Pero hindi ba’t mas nakakatuwang
makilala ang Panginoong Jesus? Sa nakaraang isang lingo, nakilala natin Siya sa
ating Family Altar. Mag-review tayo (isa-isahin ang naisagawa ninyo). Ngayong
ikalawang lingo ng community quarantine, muli natin Siyang makikilala. Tatlong
pagpapakilala Niya sa Kanyang sarili na magsasabi sa ating HINDI TAYO MABABAGABAG.”
Katatapos lang ng huling hapunan noon. Umalis na si Judas
matapos ipahayag ang gagawin nitong pagtataksil. Ipinahayag na ng Panginoong
Jesus ang pag-alis Niya at hindi sila makakasama. Sinabi na rin ng Panginoong
Jesus kung paano Siyang ikakaila ni Pedro ng tatlong beses. Sa tagpong iyon,
malamang, naguluhan ang isip at damdamin ng mga alagad. Kaya sa bungad ng chapter 14, ito ang Kanyang sinabi, “Huwag mabagabag ang inyong kalooban;
sumampalataya kayo sa Diyos, sumampalataya din kayo sa akin.”
May magkakanulo. May magkakaila. Iiwanan sila. Upang hindi
sila mag-alala, kailangang magpatuloy silang manampalataya sa Panginoong Jesus.
Mahalagang manatili sila sa pananampalataya. Manatili sa ginawa nilang pagsunod
nang una pa mang sila ay tawagin. Kahit may kasama silang tumalikod na.
Sapagkat ang pangako ng Panginooong Jesus sa mga sumasampalataya,”ako'y babalik at isasama ko kayo upang
kayo'y makapiling ko kung saan ako naroroon.” Bawat sumasampalataya ay
ipinaghahanda Niya ng lugar sa piling ng Diyos Ama.
Sinabi ng Panginoong Jesus kay Tomas, na noo’y nagsabing
hindi nalalaman ang daan sa pupuntahan ng Panginoon, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makakapunta sa Ama
kundi sa pamamagitan ko.” Sinagot naman Niya si Felipe sa sinabi nitong
ipakita ang Ama sa pagsasabing, “Ang
nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama.” At winaksan Niya ito sa
pagsasabing, “Kung hihiling kayo ng
anuman sa pangalan ko, ito ay aking gagawin.” Walang dahilan para tayo ay
mabagabag kung tayo ay sasampalataya sa Panginoong Jesus.
Hindi tayo mababagabag. Ang ginagawa nating pagsunod sa
nagaganap na Community Quarantine ay
hindi tanda ng pag-aalala kundi pag-iingat lamang upang masugpo na ang pagkalat
ng virus. Dahil sa ayaw naman natin o
sa gusto, lahat naman ay darating sa kamatayan. Huwag lang muna ngayon.
Hindi tayo mababagabag sapagkat ang Panginoong Jesus na
ating sinasampalatayanan ay ang Daan, Katotohanan at Buhay. Siya ang tanging
daan papunta sa Diyos Ama. Natitiyak nating hindi Niya tayo dadayain at
dadalhin sa kasinungalingan sapagkat Siya ang Katotohanan. Natitiyak nating
makararating tayo sa ipinangako Niyang tirahan, sa langit tayo pupunta,
sapagkat Siya ang Buhay na kasama natin sa paglalakbay.
Hindi tayo mababagabag sapagkat ang pangako Niya sa lahat
ng sumasampalataya sa Kanya, “Kung
hihiling kayo ng anuman sa pangalan ko, ito ay aking gagawin.” Kaya hindi
tayo magsasawang mananalangin at hihiling sa Kanyang pagtugon at pagkilos sa pandemic na nagaganap sa buong mundo.
Habang tayo ay “nakakulong” sa bahay natin, patuloy tayong sasampalataya sa
Panginoong Jesus bilang mga alagad NIya. Hindi natin Siya pagtataksilan. Hindi
natin Siya ikakaila. Hindi man natin Siya nakikita physically, nagtitiwala tayong kasama natin ngayon ang Daan, ang
Katotohanan at ang Buhay. Kasama natin ang Panginoong Jesus.
Pastor Jhun Lopez
_____________________________________
Nakaraang blog: ANG PANGINOON AY MAPARANGALAN
No comments:
Post a Comment