“Ang kwento natin ngayon ay tungkol sa
pagkamatay at pagkabuhay na muli ni Lazaro. Si Lazaro ay kapatid nina Marta at
Maria. Sila ay mga kaibigan ng Panginoong Jesus. Walang naikwento ang Biblia
kung silang tatlo ay may kani-kaniyang pamilya. Pero makikita natin ang malapit
(close) na relasyon ng magkakapatid sa loob ng kanilang tahanan. Kaya gayon na
lang ang kalungkutan nina Marta at Maria sa pagkamatay ni Lazaro. Magkakasama
sila maging sa panahon na kapighatian. Ang pagdating ng Panginoong Jesus ang
naging kalakasan ng magkapatid na babae.”
Ang Panginoong Jesus ang muling pagkabuhay at ang buhay.
Nabalitaan na ng Panginoong Jesus ang pagkakasakit ni Lazaro. Ilang araw pa ang
lumipas, bago Niya ito pinuntahan. Hindi sa dahilang pinabayaan Niya at
binalewala ang kaibigan. Ito ang Kanyang dahilan, “Nangyari iyon upang maparangalan ang Diyos at sa pamamagitan nito'y
maparangalan ang Anak ng Diyos” (t.4). Sa bandang huli ng pangyayari,
namatay si Lazaro at muling binuhay ng Panginoong Jesus. Dahil dito, maraming
Judio ang sumampalataya sa Kanya (t. 46).
Mabuti ang ipinakita ng magkapatid na Marta at Maria.
Malayo pa ang Panginoong Jesus sa bahay, sinalubong na Siya ni Marta. Sinabi ni
Marta sa Panginoong Jesus ang paniniwalang hindi mamamatay si Lazaro kung Siya
ay naroon. Naniniwala si Marta na anumang hingin ng Panginoong Jesus sa Diyos ay
maipagkakaloob. Ipinakilala ng Panginoong Jesus ang Kanyang sarili kay Marta sa
pagsasabing, “Ako ang muling pagkabuhay
at ang buhay.” Nanampalataya si Marta at pag-uwi’y ibinalita kay Maria ang
pagdating ng Panginoong Jesus.
Sinalubong din ni Maria ang Panginoong Jesus at tanda ng
Kanyang pananampalataya, nagpatirapa siya sa paanan ng Panginoon at doon ay
nag-iiyak. Sapagkat mahal ni Jesus ang magkakapatid; sa pagkamatay ni Lazaro,
sa pagsalubong ni Marta at sa pag-iyak ni Maria sa Kanyang paanan, nakiramay
Siya at ang sabi ng Biblia, “Tumangis si
Jesus.” Dama ng Panginoong Jesus ang hirap at sakit na dulot ng mawalan ng
kahit isa sa pamilya. Nalalaman Niya ang halaga ng bawat miembro nito. Sa huli,
sa karangalan ng Diyos at ng Panginoong Jesus, tinawag Niya si Lazaro mula sa
libingan at binuhay ito. Muling nabuo ang pamilya. Purihin ang Panginoon!
Ang mapanghamong panahong ito sa buong mundo, sa bansang
Pilipinas, sa Church at maging sa
ating pamilya ay maaaring hindi maganda sa paningin ng lahat. Kahapon ng 12pm, may 230 confirmed cases at 18
deaths na. Malungkot ito sa marami nating kababayan. Malungkot ito para sa
atin. At naniniwala tayong malungkot ito para sa Panginoong Jesus. Pero katulad
ng sinabi ng Panginoon nang magkasakit si Lazaro, ito rin ang makita natin,“Nangyari iyon upang maparangalan ang Diyos
at sa pamamagitan nito'y maparangalan ang Anak ng Diyos.”
Hindi tayo natutuwa sa mga nagkakasakit at namamatay. Ayaw
din natin yan lalo na sa loob ng tahanan. Sinisikap nating wala isa man sa atin
ang maapektuhan ng COVID-19. May katiyakan tayo ngayon sa pagpapakilala ng
Panginoong Jesus sa ating, “Ako ang
muling pagkabuhay at ang buhay,” may COVID-19 o wala, natitiyak natin,
dahil tayo ay sumampalataya at nagsisi ng ating mga kasalanan, kasama natin
Siya ngayon sa tahanan natin at natitiyak natin ang muling pagkabuhay kahit na
tayo ay datnan ng kamatayan. Nagaganap ito, hindi para i-highlight ang gawa ng masama, kundi upang ang Panginoong Jesus ay parangalan
at sampalatayanan. Amen.
Pastor Jhun Lopez
______________________________________
Nakaraang blog: KILALA TAYO NG MABUTING PASTOL
No comments:
Post a Comment