Search This Blog

Friday, July 3, 2020

ANG BUHAY AY PARA KAY CRISTO

BASAHIN: Filipos 1:12-30


Ang buhay ay para kay Cristo. Ito ang buhay ng isang Cristiano. Palagian nating naririnig sa mensahe sa isang memorial ang kaaliwang, “ang kamatayan ay pakinabang.Ito ay kaaliwan sa mga nabubuhay pa kasunod ang hamong mabuhay para kay Cristo. Sapagkat si Apostol Pablo ay kasalukuyang nakakulong nang sulatan niya ang mga mananampalataya sa Filipos, pinalalakas niya ang loob ng mga ito. Hindi maikakailang nalalapit na ang kanyang kamatayan. Mas mabuti iyon para sa kanya. Pero ang hamon niya ay ipamuhay ang anumang nalalabi niyang buhay para kay Cristo.”


Sinabi ni Apostol Pablo, “Sapagkat para sa akin, ang buhay ay para kay Cristo at ang kamatayan ay pakinabang” (t.21). Dahil wala tayo sa memorial, pagtutuunan natin ang unang bahagi. Ang buhay ay para kay Cristo. Mahirap itong unawain para sa mga taga-Filipos sapagkat nakakulong na nga si Pablo at nalalapit na sa kamatayan (Hindi nabanggit sa Biblia ang kanyang ikinamatay ngunit ayon sa tradition, siya ay pinugutan ng ulo sa panahon ni Emperor Nero noong 64 AD). Sa bahaging ito ng sulat niya, ipinaunawa ni Apostol Pablo ang pamumuhay para kay Cristo.


Bilang isang pamilyang Cristiano, inaasahang makita sa atin ang katotohanang ang buhay ay para kay Cristo.

Una, habang tayo ay nabubuhay, sikapin nating MAIPANGARAL SI CRISTO (basahing muli ang mga talatang 12-18). Ayon kay Pablo, ang pagkakabilanggo niya ay nakatulong nang malaki sa ikalalaganap ng Magandang Balita at ito ang dahilan kung bakit lumakas ang loob nilang ipangaral ang Salita ng Diyos (t.12-14). At kung tapat man o hindi ang kalooban ng isang nangangaral, para kay Pablo, kagalakan sa kanyang si Cristo ay naipangangaral (t.18).

Ikalawa, habang tayo ay nabubuhay, sikapin nating MAPARANGALAN SI CRISTO (basahing muli ang mga talatang 18b-26). Habang nabubuhay, ang karangalan ng Panginoong Jesu-Cristo ang layunin ni Pablo. Nais niyang sa buhay man o sa kamatayan, sa lahat ng panahon, ay hindi siya mapahiya sa buhay na mayroon siya. Sa halip ay buong tapang niyang maparangalan si Cristo. Ang pananatili niyang buhay ay pakinabang, hindi para sa kanyang sarili kundi para sa magagawa pa niyang mabuti para sa mga kapatiran. At ang kabutihang magagawa pa niya ay dahilan upang lalo nilang purihin si Cristo Jesus (t.26).

Ikatlo, habang tayo ay nabubuhay, sikapin nating MAMUHAY NANG NARARAPAT PARA KAY CRISTO (basahing muli ang mga talatang 27-30). Ang buhay para kay Cristo ay buhay na nararapat ayon sa Magandang Balita ni Cristo. Kaya naman inaasahan ni Pablo na sila ay maninindigan sa iisang diwa at sama-samang ipaglalaban ang pananampalataya. Mararanasan ng mga mananampalataya sa Filipos ang pakikipaglaban alang-alang kay Cristo katulad ng naranasan ni Pablo. Kaya pinalakas niya ang mga ito sa pagsasabing ipinagkaloob sa kanila ang makapagtiis alang-alang kay Cristo (t. 29).

 

Ang buhay natin ay para kay Cristo. Ang misyon ng Diyos sa atin ay ang tayo ay maging mga alagad na gumagawa ng mga alagad. Sikapin nating maging aktibo at palagiang intentional ang pangangaral tungkol sa Magandang Balita ni Cristo. Sa ating mga buhay, magbantayan tayo at magpatuwid kung kinakailangan kung may mga pagkakataong nadudungisan ang pangalan ng Panginoong Jesus sa uri ng ating mga buhay. At sa bawat pagsubok, pakikibaka at suliraning kakaharapin natin, patuloy tayong mamuhay na karapat-dapat para kay Cristo. Isang pamilyang nagbibigay dahilan upang si Cristo ay mapapurihan sapagkat ang buhay ay para kay Cristo!



Pastor Jhun Lopez


_____________________________________

No comments:

Post a Comment

Featured Post

PATULOY TAYONG LUMAGO

    Sa halip, patuloy kayong lumago sa kagandahang-loob ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, at sa pagkakilala sa kanya. S...