Search This Blog

Monday, October 12, 2020

ANG DIYOS ANG MAGBIBIGAY NG KATUGUNAN

 BASAHIN: Genesis 41:1-46

Sino ba ang walang katanungan sa buhay? Lahat mayroon, magkakaiba lang, depende sa sitwasyon at kalagayan ng buhay. May mga tanong tayo sa Diyos na madali nating nalalaman ang sagot. Pero minsan, matagal bago natin maunawaan kung bakit nangyayari ang isang bagay. May pagkakataong pinadadaan pa tayo sa mga obstacles at mga struggles bago natin lubos na makita ang nais ipaunawa ng Diyos. At maaaring may tanong tayong magpahanggang ngayon ay hindi pa nasasagot. Katulad ng sinabi ni Jose, ‘Ang Diyos po ang siyang magbibigay ng katugunan sa inyong katanungan.’”


Nakakita ng pag-asang makalaya si Jose nang ipaliwanag niya ang panaginip ng tagapangasiwa ng inumin ng Faraon. Ipinakiusap niyang siya’y banggitin sa Faraon at tulungang makalaya kapag ito’y nakabalik na sa tungkulin. Subalit nakalimutan siya ng tagapangasiwa ng inumin (39:23). Sa masalimuot na buhay ni Jose, marami ang maaaring maging katanungan. Malaking tanong ang sinapit niya sa mga kapatid at sa tahanan ni Potifar. At ang makalimutan siya ng taong tinulungan sa kulungan, mapapabakit ka. Paano nasagot ang mga tanong na ito?


NAALAALA ANG IPINAKITANG KABUTIHAN. Maaaring umasa si Jose sa mabilis na paglaya nang makabalik ang tagapangasiwa ng inumin sa palasyo. Subalit dalawang taon pa ang ipinaghintay niya bago siya naalaala. Saan natin makikita ang pagkilos ng Diyos dito? Nanaginip ang Faraon. Walang makapagpaliwanag. Naalaala si Jose. At nang ikwento ang panaginip kay Jose, katulad ng sinabi niya sa tagapangasiwa ng inumin at sa punong panadero (39:8), ang agad niyang sagot sa Faraon, “Ang Diyos po ang siyang magbibigay ng katugunan sa inyong katanungan” (40:16). Mula sa bibig ni Jose, nalalaman niyang ang sagot sa mga katanungan ay magmumula lamang sa Diyos. Kaya hindi natin mababasa ang anumang pagrereklamo sa kahit anumang sitwasyong pinagdaanan niya sapagkat malinaw sa kanyang nasa Diyos ang katugunan.


PINAGPALA ANG NAKITANG KARUNUNGAN. Isinaysay ng Faraon ang panaginip. Ipinaliwanag ito ni Jose ayon sa pagpapaunawa ng Diyos (maaaring alalahanin ang panaginip at paliwanag). Sinabi ni Jose, “itinakda na ng Diyos ang bagay na ito, at malapit na niya itong isagawa.” Sa sinabi niyang panukala, namalas ang karunungang mula sa Diyos (t. 33-36). Kinilala ito ng mga kagawad ng Faraon sa pagsasabing, “nasa kanya ang Espiritu ng Diyos.” Na siya ring pagkilala ng Faraon nang sabihin nitong, “Ang Diyos ang nagpakita sa iyo ng lahat ng ito, kaya't wala nang hihigit pa sa iyo sa karunungan at pang-unawa” (t. 38-39). At ipinahayag ang pag-aatang ng pagpapala kay Jose bilang Gobernador ng buong Egipto! Ang maraming tanong sa buhay ni Jose ay nagkaroon na ng kasagutan. Mula sa balon, ginawang pangalawa sa Faraon!


Sa mga naghihintay sa tugon ng Diyos: (Basahin at pag-usapan.)

1.      Maghintay na may katiyagaan, tugon ng Diyos makakamtan.

2.      Pagtugon ng Diyos ang ipaunawa, kakamtan ay gantimpala.


Gaano man katagal o kalapit ang tugon sa ating mga tanong at mga pananalangin, ang maghintay ay hindi kawalan. Sa halip, ito ay nagpapatibay pa ng ating mga pananalig sa Diyos. Ang pag-asa ay naitutuon sa Kanya. At natitiyak nating pinakamainam ang kalooban Niya para sa atin. Mula sa balon, tayo ay Kanyang iaahon. Patuloy lang tayo sa pagtitiwalang, “Ang Diyos ang siyang magbibigay ng katugunan sa ating mga katanungan.


Pastor Jhun Lopez



_______________________________

Nakaraang blog: MAGTIWALA KA, HINDI KITA MALILIMUTAN

Sunday, October 11, 2020

TAGUMPAY SA LAHAT NG GAWAIN

 BASAHIN: Genesis 39:1-6, 19-23 

Iilan lang marahil ang taong ayaw ng tagumpay, kung mayroon man. Pero higit sa malamang, gusto natin ang tagumpay sa anumang ginagawa natin. Tagumpay sa pag-aaral, sa trabaho, sa contest, sa network games, sa kwentuhan, sa kainan, sa pagandahan, at marami pang iba. Balikan natin si Jose mula sa balon na pinaghulugan sa kanya, hanggang sa maibenta siya sa mga mangangalakal na Ismaelita na sila namang nagbenta sa kanya kay Potifar.

IPABASA NANG BAWAT PARAGRAPH


Kung maaalaala natin, ang sinasabing kahulugan ng panaginip ni Jose ay ang pagyukod ng mga kapatid niya sa kanya. Hinadlangan ito ng magkakapatid sa pamamagitan ng tulung-tulong na paghuhulog sa kanya sa balon hanggang maibenta siya sa mga Ismaelita. Ngayon, siya ay isa nang alipin sa bahay Potifar - isang Egyptian captain of the guards. Subaybayan natin ang mga pagtatagumpay ni Jose.


Pagtatagumpay sa Bahay ni Potifar (t. 1-6). Anuman ang gawin ni Jose ay nagtatagumpay (t.2). Ang dahilan? Ang patnubay ng Diyos ay sumasakanya. Nakita ni Potifar kung paanong si Jose ay tinutulungan ng Diyos sa paglilingkod sa bahay niya. Dahil sa presensiya ng Diyos, ginawang katiwala si Jose sa bahay ni Potifar at sa lahat ng mga ari-arian nito. Tanging ang pagpili ng kakainin ang hindi ipinagkatiwala sa kanya (t. 6). Ang presensiya ni Jose sa bahay ni Potifar ang nagdala ng pagpapala ng Diyos sa sambahayan niya at bukirin. Pinagtagumpay siya ng Diyos.


Pagtatagumpay sa Panunukso ni Mrs. Potifar (t. 6b-12). Matipuno at magandang lalaki si Jose (t. 6b). Nagkagusto si Mrs. Potifar sa kanya kaya inakit siya nito. Humindi siya sa pagsasabing, “Hindi ko po magagawa ang ganyan kalaking kataksilan at pagkakasala sa Diyos” (t. 9). Walang tigil sa panunukso si Mrs. Potifar pero hindi siya pinapansin ni Jose. Sa tindi ng pagkagusto ng babae, sa panahong walang tao sa bahay ay hinatak na siya nito para gumawa ng kasalanan. Hindi nagpatalo si Jose. Hindi lang siya tumanggi. Hindi lang niya binalewala ang babae. Nagtagumpay siya sa pamamagitan ng pagtakbo papalayo sa tukso.


Pagtatagumpay sa Loob ng Kulungan (t. 13-23). Dahil hindi nagtagumpay si Mrs. Potifar sa masama niyang balak, ginamit niyang ebidensiya ang naiwang balabal ni Jose. Nagisisigaw siya, tinawag ang mga katulong na lalaki at sinabing pinagtangkaan siya ng masama ni Jose. Pagdating ni Potifar, ito rin ang isinumbong niya. Nagalit si Potifar at ipinakulong si Jose. Hindi siya pinabayaan ng Diyos. Naging mabait ang bantay-bilangguan sa kanya at ginawa siyang tagapamahala sa bilangguan. Nagtagumpay si Jose sa loob ng kulungan sapagkat sumasakanya ang presensiya ng Diyos.


MAHALAGANG ARAL SA TAGUMPAY NI JOSE: (Basahin at pag-usapan.)

1.       Tagumpay ng mananampalataya, tagumpay nang sa kanya’y nagpala.

2.       Tukso’y mapagtatagumpayan, sa patnubay ng Diyos, laging may paraan.

3.       Gaano man kadilim ang kinahantungan, ang Diyos na sumasaiyo, di ka pababayaan.


Mula sa balon, pinatnubayan ng Diyos si Jose sa mga lugar at sitwasyon na kanyang kinalagyan. Pinagpala siya ng magagandang posisyon sa bahay ni Potifar at sa loob ng kulungan. Nagtagumpay siya. Maging sa tukso, na kung tutuusin ay napakalaki ng pagkakataon, pero nagtagumpay siyang hindi magkasala. Nanatili ang katapatan niya kay Potifar at ang pagkatakot niya sa Diyos. Sa tahanan natin, maaari tayong magtagumpay at sa lahat ng lugar na ating mapupuntahan. Ang presensiya at pagpapala ng Diyos ay dala-dala natin saan man tayo magpunta. Bilang mga pinapatnubayan ng Diyos, asahan natin ang ating tagumpay!



Pastor Jhun Lopez



______________________________

Nakaraang blog: WALANG MAHUHULOG SA BALON

Saturday, October 10, 2020

MAGTIWALA KA, HINDI KITA MALILIMUTAN

 BASAHIN: Genesis 40

Ang maling pagtrato ng pamilya ay naranasan ni Jose. Kinamuhian at pinagselosan siya ng mga kapatid niya. Pinagtangkaang patayin, inihulog sa balon at ibinenta sa mga Ismaelita, gayong wala naman siyang ginagawang masama. Naranasan niya ang maling pagtrato sa loob ng tahanan ni Potifar. Kung tutuusin, naging daluyan siya ng pagpapala sa tahanan nito. Sa isang maling sumbong ng asawa, siya ay ipinakulong. Walang katarungan. Subalit sa mga karanasan niyang ito, ang Diyos ay hindi nagpabaya kay Jose. Ang patnubay ng Diyos ay sumasakanya.”


Sa chapter 39:21-23 (ipabasa), makikita nating kahit maling pagtrato ang pagkakakulong ni Jose, hindi pa rin siya pinabayaan ng Diyos. Siya ang naging tagapamahala sa lahat ng mga bilanggo. At ang anumang gawin niya sa loob ng kulungan ay nagtatagumpay. Kaya nang makulong ang tagapangasiwa ng inumin ng Faraon at ang punong panadero, si Jose ang inatasang tumingin at  maglingkod sa kanila. Anu-ano ang mga aral ang makikita natin sa tagpong ito?


Naatasan ng kapitan (t. 4a). Sino ang kapitan ng mga guwardya? Si Potifar! Sa pagkakatalaga kay Jose sa dalawang bilanggong tauhan ng palasyo, masasabing nanumbalik na ang tiwala ni Potifar sa aliping siya ang nagpakulong. Kung sa tahanan ay nakita niya ang tulong ng Diyos kay Jose, maaaring nakita niyang muli na “si Yahweh ay kasama nito at pinagtatagumpay siya sa lahat niyang gawain” (Genesis 39:23). Ang tiwala ay napanunumbalik dahil sa pagkilos ng Diyos sa buhay ng isang tao.


Matagal silang magkasama (t. 4b). Ang pagsasama nila sa kulungan ay maaaring nasa isang taon, sa dahilang ang tagapangasiwa ng inumin at punong panadero ay ipinatawag sa panahon ng kaarawan ng Faraon. Ang tiyak, matagal ang pinagsamahan nilang tatlo. May tiwala na sila sa isa’t isa. Nakita ng dalawa ang pagkilos ng Diyos sa bawat ginagawa ni Jose. At malamang, naging magkakaibigan na sila. Makikita ito sa pag-uusap tungkol sa pagpapaliwanag ni Jose ng kanilang panaginip (ipakwento ang panaginip at paliwanag ni Jose). Ang sabi ni Jose, “Ang Diyos lamang ang nakapagpapaunawa sa atin ng kahulugan ng mga panaginip” (t. 8b).


Siya’y nakalimutan (t. 23). Pagkatapos maipaliwanag ang panaginip ng tagapangasiwa ng inumin, nakakita ng pagkakataong makalaya si Jose. Nagkaroon siya ng pag-asa. (Ipabasa ang talatang 13-15.) Nakulong siya nang walang tamang proseso. Hindi nagreklamo si Jose. Pero normal lang na isipin niya ang paglaya. Kaya ang pagbalik sa palasyo ng tagapangasiwa ng inumin ay pagkakataon upang makahingi siya ng reconsideration sa kaso. Dagdag pa rito na ang pinakiusapan niya ay pinagtitiwalaang kaibigan. Nakalaya ang tagapangasiwa ng inumin, nalimutan ang bilin ni Jose.


MGA ARAL SA RELASYON: (Basahin at pag-usapan.)

1.      Naibabalik ang tiwala, hayaan mo ang Diyos sa Kanyang paggawa.

2.      Nabubuo ang pagtitiwala sa matagal at mabuting pagsasama.

3.      Kahit anong tibay ng kasama, sa Diyos pa rin ilagak ang pagtitiwala.


Ang muli kang pagtiwalaan ay nakapagtataas ng espiritu. Huwag itong sayangin. Ang mapatibay na relasyon ay pahalagahan. Sikaping hindi malilimutan ang pananagutan sa pamilya at kung sakaling magkulang ang isa sa atin, Diyos pa rin ang asahin natin.


Pastor Jhun Lopez



_______________________________

Nakaraang blog: TAGUMPAY SA LAHAT NG GAWAIN

WALANG MAHUHULOG SA BALON

BASAHIN: Genesis 37

May kasabihang, ‘blood is thicker than water’ na ang tinutukoy ay ang pagiging higit na magkalapit nang magkadugo kaysa hindi. Ang pamilya ay unang masasabi nating magkakadugo. Inaasahan dito ang higit na pagmamalasakitan at pagsusuportahan. Sa pamilya dapat unang  nararamdaman ang pagmamahalan, pero sa tinatawag na ‘dysfunctional family,’ na sa simpleng kahulugan ay magulong pamilya, ang inaasahang ugali ay hindi nakikita. Ating sasaliminin ngayon ang kalagayan ng pamilya natin sa pamamagitan ng tahanan ni Jacob at kanyang mga anak.

Si Jacob ay si Israel. Labindalawang lalaki ang anak niya. Si Jose ay panganay na anak ng asawang minamahal niya na sa panahong iyon ay patay na – walang iba kundi si Raquel. Namatay ito sa panahong ipinanganak niya ang bunsong si Benjamin. Sa labindalawang anak ni Jacob, si Jose ang mas mahal niya sapagkat may edad na siya nang isilang ito (t. 3). Sa mga talatang binasa natin, seventeen years old na si Jose. Isa-isahin natin ang mga positibo at mga negatibong nangyari sa loob at labas ng kanilang tahanan.

SA LOOB NG TAHANAN. Napakagandang tingnan ang isang amang nagmamahal sa kanyang anak. Gayundin, ang palagiang paglapit ni Jose sa ama at maging sa mga kapatid ay nagpakita ng malapit na pakikipag-ugnayan sa pamilya. Ang hindi mabuti ay ang pagkamuhi at pag-ayaw ng magkakapatid na kausapin si Jose dahil nakita nilang ito ang paborito. Nagdagdag pa sa galit nila, maging ni Jacob, ang ikinuwento niyang mga panaginip. Inggit na inggit ang magkakapatid.

SA LABAS NG TAHANAN. Ang malasakit ni Jacob sa mga anak ay makikita nang utusan niya si Jose na tingnan ang kalagayan ng mga ito sa pastulan. Mabuting makita rin natin ang walang pagrereklamong pagsunod ni Jose sa kanyang ama. Sa sama ng ilang mga kapatid sa ama ni Jose, tinangka siyang patayin ng mga ito. Dalawa ang nagpakita ng kabutihan na mapigil ang pagpatay, sina Ruben at Juda. Kaya sa halip na patayin, inihulog na lamang si Jose sa balon at sa huli’y ipinabili siya sa mga nagdaang mangangalakal na Ismaelita.


APAT NA BABALA SA PAMILYA mula sa tahanan ni Jacob: (Basahin at pag-usapan.)

1.       Kahit magkadugo, maaaring hindi magkasundo.

2.       Kawalan ng disiplina, dulot ay problema. (Walang aksyon si Jacob sa sumbong ni Jose.)

3.       Ang selos at inggit, resulta ay pangit.

4.       Kawalan ng katarungan, sa tahanan pwedeng maranasan.


Si Jose ay nasa mabuting kalagayan sa loob ng kanilang tahanan. Mahal siya ng kanyang ama na may kasama pang pinasadyang magarang damit. Minsan, gayon ang naipakikita ng mga magulang, may paborito. Hindi ito naging mabuti sa mata ng mga kapatid ni Jose. Nagselos, nainggit, tinangkang patayin, inihulog sa balon at ibinenta. Maaaring gayon din ang mga anak, nagseselos at naiinggit dahil nakalalamang ang isang kapatid. Sa tulong ng Panginoon, sikapin nating maging tama ang ugnayan natin sa pamilya. Ang mga magulang ay may pantay na pagmamahal at pagtingin. Iiwasan naman ng magkakapatid na mag-isip ng hindi mabuti para sa kapatid. Pagkaisahan nating sa loob ng ating tahanan, magtutulungan tayong maging tama an gating ugnayan. Iaangat natin ang isa’t isa, walang mahuhulog sa balon!


Pastor Jhun Lopez


__________________________________

Friday, October 9, 2020

MAGING HANDA KAYO AT MAGBANTAY

BASAHIN: 1 Pedro 5:1-11

Sabihin, ’Ang diyablo, ang kaaway ninyo, ay parang leong umuungal at aali-aligid na naghahanap ng malalapa’ (t. 8). Ito ang dahilan ng tagubilin ni Apostol Pedro sa mga mananampalatayang kanyang sinusulatan na ‘maging handa at magbantay.’ Totoo ang diyablo at totoong ang hanap niya ay magnakaw, mangwasak at pumatay (Juan 10:10) tulad ng leong nag-aaabang kung kelan tayo malilingat upang kanyang daluhungin at kainin. Ilang beses ka na bang nahulog sa tukso ng diyablo? Kailan ka ba niya huling nadaya? Napapansin mo pa ba kapag natatangay ka na niya sa agos? Bilang mga mananampalataya ni Cristo, kailangan talaga nating maging handa at magbantay. ”

Ang mga Cristianong noon ay nasa iba’t ibang bayan ay kailangang maging laging handa sa pagdating ng mga pagsubok nang sa gayon ay manatili silang naninindigan sa pananampalataya.   Sa nakaraang aralin ay natutuhan nating hindi dapat pagtakhan ang mabibigat na pagsubok sapagkat sumasaatin ang Espiritu ng Diyos, taglay natin ang pangalan ng Panginong Jesus at ang Diyos natin ay tapat sa Kanyang pangako. Higit pa rito, kailangan nilang maging mapagbantay sa mga panunukso ng kaaway.


Sino-sino ba ang dapat na maghanda at magbantay?


Una, maging handa at magbantay ANG MGA NAMUMUNO SA IGLESIA (t. 1-4). Ang namumuno sa Iglesia ay pangunahing target ng diyablo. Dapat bantayan ng mga namumuno ang uri ng kanilang pangangalaga. Gawin ito na maluwag sa loob at hindi napipilitan lang. Ang pagganap sa kanyang tungkulin ay sa diwa ng paglilingkod at hindi isang trabahong naghahanap ng katumbas na sweldo. Bantayan ang uri ng pamumuno. Gawin ito hindi bilang bossing kundi isang tapat na tagapaglingkod.


Ikalawa, maging handa at magbantay ANG MGA KABATAAN SA IGLESIA (t. 5-7). Ang mga kabataaan ay kadalasang ibinubunsod sa pagrerebelde laban sa mga nakatatanda. Kaya nga, kailangan nilang maging mapagbantay sa pagpapasakop sa mga nakatatanda sa Iglesia. Alisin ang anumang uri ng pagmamataas. Kung hindi man sila nasisiyahan sa ginagawa ng mga nakatatanda, gawin ang pagpapasakop alang-alang sa Makapangayarihang Diyos. Ang mga alalahanin ay ipagkatiwala nila sa Diyos. Kung hindi man nila makita ang malasakit ng mga pinuno, alalahaning ang Diyos na pinaglilingkuran ay nagmamalasakit.


Ikatlo, maging handa at magbantay ANG LAHAT NG MGA MANANAMPALATAYA (t. 9-11). Labanan ang diyablo. Sa mga nakaraang pag-aaral natin, natutuhan nating ang paglaban sa kanya ay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos at sa pagsusuot ng mga kasuotang pandigma ng Diyos (Efeso 6). Kailangan nilang magpakatatag at maging mapagtiis sa pakikipaglaban. Alalahaning ipinagtagumpay na sila ng Panginoong Jesus. Matatapos din ang pagtitiis at sa huli’y bibigyan sila ng Diyos ng “kagalingan, katatagan, at lakas ng loob at isang pundasyong di matitinag” (t. 10). Sila ay maghanda at magbantay, sa pag-asang sila ay makabahagi “sa Kanyang walang hanggang kaluwalhatian.


"Sa Kanya ang kapangyarihan magpakailanman! Amen” (t. 11). Talunan na ang diyablo. Pilit niya tayong tinutukso upang maihulog tayo sa pagkakasala. Ilayo tayo sa katuwiran at kabanalan ng Diyos. Hanggang sa matangay tayo sa pagsuway sa Diyos at pagsunod sa kanyang kasamaan. Kaya nga, kailangang maghanda at magbantay ang mga namumuno sa Iglesia: sina Pastor, Diakonesa at ang Lupong Pamunuan. Kailangang maghanda at magbantay ang mga kabataang naglilingkod sa iba’t ibang church ministries. Ang kayabangan ay maaaring mapunta sa ulo.

Kailangang maghanda at magbantay ang lahat ng mga Cristiano. Lahat ay nasa isang espirituwal na pakikipagdigma laban sa diyablo. Lalo na sa loob ng tahanan natin. Makipagdigma tayong sama-sama. Bawat miembro ng pamilya, mula sa pinakamatanda hanggang sa pinakabata sa atin. Maging handa tayo at maging mapagbantay sa uri ng ating pamumuhay.

Pastor Jhun Lopez


________________________________

Thursday, October 8, 2020

HUWAG MAGTAKA SA MABIBIGAT NA PAGSUBOK

 BASAHIN: 1 Pedro 4:12-19

Lahat tayo ay nakararanas ng pagsubok. Iba-iba lang ang level, depende sa edad. Pero tiyak na may mga nangyayari sa buhay nating nagpapabigat ng mga dalahin sa buhay. Sa isang bata, pagsubok na kung paanong makahihiling sa magulang ng gustong bilhin sa tindahan. Samantalang sa isang kabataan, studies, work at lovelife ang kadalasang problema. At sa mga matatanda, ang kanyang anak, kalusugan, at kahihinatnan ng buhay ang laman ng isipan. Bilang mga Cristiano, maliwanag sa ating ang mga pagsubok, gaano man ito kabigat, ay kasama sa ating paglalakbay. May bibigat pa ba sa pinasang krus ng Panginoong Jesus? Kaya nga, huwag tayong magtaka.”


Patuloy ang mga words of encouragement ni Apostol Pedro sa mga mananampalatayang tiyak na nakararanas ng mga pagsubok noon sa iba’t ibang bayang kanilang kinaroroonan. Ang pangkalahatang prinsipyong ibinigay niya sa kanila ay ang katotohanang pangkaraniwan (common) lang ang makaranas ng pagsubok, gaano man ito kabigat (t. 12). Na ang dapat na maging reaksyon ng isang mananampalataya sa anumang pagsubok ay kagalakang makabahagi sa paghihirap ni Cristo (t. 13) at ang lubos na kagakalan ay mararanasan ay “kapag nahayag na ang Kanyang kaluwalhatian.


Anu-ano ang mga dahilan natin upang hindi natin pagtakhan ang mga mabibigat na pagsubok?


Una, huwag magtaka sa mabibigat na pagsubok sapagkat SUMASAATIN ANG ESPIRITU NG DIYOS (t. 14). Pangkaraniwan ang makaranas ng pagsubok. Lalo na sa mga pagsubok na umuugnay sa pananampalataya. Mapalad tayo. Magalak tayo. Ang pagkilos ng Espiritu ng Diyos ay higit nating nararanasan. Tinitiyak ni Apostol Pedro na sa mga mabibigat na pagsubok, kakayanin natin ito dahil sa presensiya ng Espiritu ng Diyos sa atin. Kaya nagbabala siyang huwag mangyaring magdusa ang isang Cristiano dahil sa nagawa nitong masama (t. 15).


Ikalawa, huwag magtaka sa mabibigat na pagsubok sapagkat TAGLAY NATIN ANG PANGALAN NI CRISTO (t. 16). Bilang mga Cristiano, dala-dala natin ang pangalan ni Cristo. Nakalulungkot isipin kung may mga Cristianong nagdurusa dahil sa kasalanang nagawa at sa kapabayaan ng sarili. Pero kung ang mabigat na pagsubok ay dulot ng pagiging Cristiano, walang dapat ikahiya. Sapagkat si Cristo ang kanilang inuusig. Siya ang kanilang inaalipusta. Ang pangalan Niya ang kanilang dinudungisan. Siya ang napipighati. Sa halip na magtaka sa mabibigat na pagsubok, magpasalamat sa Diyos, tayo ay Cristiano.


Ikatlo, huwag magtaka sa mabibigat na pagsubok sapagkat TAPAT ANG DIYOS SA KANYANG PANGAKO (t. 19). Ang lahat ng mga pagsubok ay pansamantala lamang. Mahirap para sa atin ang dumaan dito. Pero hindi ito nagaganap para lang tayo pahirapan. Ito ay mga pagsubok sa katapatan ng ating pananampalataya. Na ang panahon ng paghuhukom ay magsisimula sa sambahayan ng Diyos (t.17). Ang pangako ng kaligtasan ay nasa mga taong nananatiling matuwid sa kabila ng mabibigat na pagsubok na pinagdaraanan (t. 18). Magtaka ka nga at malungkot ka sa mabibigat na pagsubok kung magpahanggang ngayon ay hindi ka pa rin sumusunod sa Magandang Balita, namumuhay ka sa kasalanan at ayaw mong kumilala sa Diyos. Sa mga Cristiano, patuloy na magtiwala sa Lumikha at magpatuloy sa paggawa ng mabuti sapagkat umaasa tayo sa pangako ng Tapat na Diyos.


Tiyak ang pagsubok. Tiyak ding may mga pagsubok na mabibigat. Masasaktan tayo. Mahihirapan tayo. Susubukin kung hanggang saan ang ating pananampalataya. May pagkakataong, uuwi tayong sugatan. Huwag natin itong pagtakhan. Sa halip, pagdating ng mga pagsubok, alalahanin nating sumasaatin ang Espiritu ng Diyos. Kaya nating magtagumpay dahil kasama natin ang Panginoong Jesu-Cristo. At manghawakan tayo sa mga pangako ng ating Tapat na Diyos.

Kapag dumating ang mabibigat na pagsubok, panatag natin itong haharapin. Amen.



Pastor Jhun Lopez



_______________________

Nakaraang blog: SAKALI MANG IPAHINTULOT NG DIYOS

Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...