Search This Blog

Friday, November 29, 2019

AKO AY NILIKHA NG DIYOS


Pagkatapos likhain ang lahat ng ito, sinabi ng Diyos: "Ngayon, lalangin natin ang tao. Ating gagawin siyang kalarawan natin. Siya ang mamamahala sa mga isda, mga ibon at lahat ng hayop, maging maamo o mailap, malaki o maliit."
Genesis 1:26

LALANGIN NATIN ANG TAO. Naniniwala ka man o hindi sa Diyos, ikaw man ay tagasunod ng Biblia o hindi, ang katotohanang nilikha ng Diyos ang tao ay tuwirang itinuturo ng Banal na Kasulatan na dapat lang paniwalaan. Ang tao ay katangi-tangi kaysa lahat ng mga hayop, isda at mga ibon. Marahil, may kapareho ng mga bahagi ng mukha o ng katawan, pero nananatiling malaki ang kaibahan ng tao sa mga nilikha ng Diyos. Tayo ay nilikha ng Diyos.

GAGAWIN SIYANG KALARAWAN NATIN. Ang mga isda, ibon at mga hayop ay nilikha sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pagsasalita ng Diyos. Sinabi Niya at nagkaroon. Nang likhain ang tao, malinaw na sinabi ng Diyos, “kalarawan natin.” Sapagkat ang tao ay espesyal at kakaiba, ang paglikha sa kanya ay ayon sa larawan at wangis ng Diyos. Hindi ang pagiging Diyos kundi ang katangiang angkin ng Diyos tulad ng kabanalan, pag-ibig, at katarungan. Mamuhay tayong may pag-iingat na ang nakikita ng mga tao sa atin ay ang Diyos sapagkat tayo ay nilikha ayon sa Kanyang larawan at wangis.

SIYA ANG MAMAMAHALA. Hindi tao ang nagmamay-ari. Sa halip, lahat ng mga nilalang ay ipinailalim sa kapamahalaan ng tao. Tao ang mag-iingat, mangangalaga,  magpapanatili at magpapaunlad nang mga ito. Ang inaasahan ng Diyos na gagawin naman ng tao ay ang pagiging mabuting katiwala ng sangnilikha. Ibinigay ng Diyos ang tungkuling ito bilang tugon sa pangangailangan ng tao. Nang sa gayon ay makapamuhay ang tao sa sanlibutan na mapayapa. Na ang kanyang kabuhayan ay tiyak na natutugunan. Maging mabuti tayong katiwala ng mga nilikha ng Diyos at tayo ay maging tapat sa anumang tungkuling nakaatang sa ating balikat.

Tandaan: Nilikha tayo ng Diyos ayon sa Kanyang larawan na pangunahing tungkulin ay ang maging mabuting tagapamahala ng Kanyang mga nilikha.

Pastor Jhun Lopez


_____________________________________



Monday, November 25, 2019

MAGING ALAGAD AT GUMAWA NG ALAGAD


“Kaya't humayo kayo, gawin ninyong alagad ko ang mga tao sa lahat ng mga bansa. Bautismuhan ninyo sila 
sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo.
Mateo 28:19

ANG DAKILANG ATAS. Hindi na bago sa atin ang tungkol sa dakilang atas ng Panginoong Jesus sa Kanyang mga alagad nang Siya ay umakyat sa kalangitan. Humayo at gawing alagad Niya ang lahat ng bansa. Kasunod ang pagbabautismo at pagtuturo ng Kanyang katuruan. Sa madaling salita, inaasahan Niyang lahat ng Kanyang mga alagad ay magpapatuloy sa paggawa ng mga alagad. Ito ang pangunahin sa gawain ng Kanyang iglesia.

ANG DAKILANG NAG-ATAS.  Sinabi ng Panginoong Jesus, ibinigay na sa akin ang lahat ng kapangyarihan, kaya’t marapat lamang na sundin natin ang Kanyang iniatas. Sinabi pa Niya, ako’y laging kasama ninyo, isang pagtiyak na sa pagsunod natin sa atas Niya’y kasama natin Siyang gagawa at magpapatupad nito. Maaaring naisasagawa natin ang dakilang atas subalit huwag nating kalilimutan ang kapangyarihan at presensiya ng Dakilang Panginoong nag-atas na tayo ay gumawa ng mga alagad Niya.

ANG PAGLALAKBAY TUNGO SA PAGIGING ALAGAD. Sa pagsunod sa dakilang atas ng Panginoong Jesus ang mga aralin upang magabayan ang mga kapatiran sa pagiging alagad na gumagawa ng mga alagad ay napakahalaga. Na sa bawat level ng pag-aaral, ang isang kapatid ay maglalakbay sa mga araling kailangan niya sa paglagong espirituwal. Kasabay nito, ang bawat alagad ay makikisama sa isang Oikos (small group) - maliit na grupo ng kapatiranG nagtutulungan sa pagiging alagad.
Intentionally, sikaping mapalakas pa ang Discipleship ministry ng inyong iglesia. Ang pakikiisa at pagkakaisa sa mga gawaing nakaugnay sa gagawing pagpapasigla ay lubhang mahalaga. Ang commitment ng bawat isa ay kakailanganin nang sa gayon ay makausad sa paglalakbay tungo sa pagiging alagad.

Pastor Jhun Lopez


___________________________________



Saturday, November 23, 2019

BIYAYANG PAMANA NI OBISPO NICOLAS ZAMORA


“Binigyan ko kayo ng halimbawa upang inyong tularan.”
(Juan 13:15)
“Tularan ninyo ako, gaya ng pagtulad ko kay Cristo.”
(1 Corinto 11:1)
HALIMBAWA UPANG INYONG TULARAN. Ang tagpo sa Last Supper ay isa sa mga madamdaming pakikipag-ugnay ng Panginoong Jesus sa Kanyang mga alagad. Nang sabihin Niyang, “Binigyan ko kayo ng halimbawa upang inyong tularan,” itinukoy Niya ang ginawa Niyang paghuhugas ng mga paa ng mga alagad. Nais Niyang tularan ng mga alagad ang mapagpakumbabang paglilingkod. Ito ang diwa ng maging kabilang sa mga alagad ng Panginoong Jesus—ang maging tagapaglingkod ng lahat. Ang paglilingkod sa isa’t isa ng mga kapatiran ay nagsisilbing kalakasan ng isang iglesia.
TULARAN NINYO AKO. Ang sulat ni Apostol Pablo sa mga taga-Corinto ay sulat na punung-puno ng mga pagtutuwid at pagsansala sa iglesiang maraming spiritual gifts subalit carnal ang pamumuhay. Sa paninindigang tumutulad si Pablo sa Panginoong Jesus, confident siyang sabihin, “Tularan ninyo ako.” Aniya, “Hindi ko inuuna ang sarili kong kapakanan kundi ang kapakanan ng marami, upang maligtas sila” (1 Corinto 10:33). Ang maging hindi makasarili at pag-una sa kapanakan ng iba, tulad ng ginawa ng Panginoong Jesus sa Kanyang kamatayan sa krus, tularan natin ang halimbawa ni Apostol Pablo.
ANG PAMANA NI OBISPO NICOLAS ZAMORA. Naging instrumental si Obispo Nicolas Zamora sa pagkakatag ng IEMELIF. Siya ang kauna-unahang pilipinong pastor sa Metodista Episcopal. Siya, kasama  ang mga kalalakihang “Ang Katotohanan,” ang nagtatag ng IEMELIF noong Pebrero 28,1909—ang kauna-unahang katutubong ebanghelikong iglesia sa Pilipinas. Kinilala siyang pangunahin at  dakilang mangangaral ng Diyos sa Pilipinas! September 14, 1914, pumanaw si Obispo Zamora, sa edad na 39, isang young adult, Nag-iwan siya ng mga halimbawang dapat tularan ng mga Cristiano sa ating panahon. Ang kanyang tagubilin, Ang  karangalan ng tao ay ang tumupad sa kanyang tungkulin.

Pastor Jhun Lopez


______________________________________________



Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...