Search This Blog

Friday, November 29, 2019

AKO AY NILIKHA NG DIYOS


Pagkatapos likhain ang lahat ng ito, sinabi ng Diyos: "Ngayon, lalangin natin ang tao. Ating gagawin siyang kalarawan natin. Siya ang mamamahala sa mga isda, mga ibon at lahat ng hayop, maging maamo o mailap, malaki o maliit."
Genesis 1:26

LALANGIN NATIN ANG TAO. Naniniwala ka man o hindi sa Diyos, ikaw man ay tagasunod ng Biblia o hindi, ang katotohanang nilikha ng Diyos ang tao ay tuwirang itinuturo ng Banal na Kasulatan na dapat lang paniwalaan. Ang tao ay katangi-tangi kaysa lahat ng mga hayop, isda at mga ibon. Marahil, may kapareho ng mga bahagi ng mukha o ng katawan, pero nananatiling malaki ang kaibahan ng tao sa mga nilikha ng Diyos. Tayo ay nilikha ng Diyos.

GAGAWIN SIYANG KALARAWAN NATIN. Ang mga isda, ibon at mga hayop ay nilikha sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pagsasalita ng Diyos. Sinabi Niya at nagkaroon. Nang likhain ang tao, malinaw na sinabi ng Diyos, “kalarawan natin.” Sapagkat ang tao ay espesyal at kakaiba, ang paglikha sa kanya ay ayon sa larawan at wangis ng Diyos. Hindi ang pagiging Diyos kundi ang katangiang angkin ng Diyos tulad ng kabanalan, pag-ibig, at katarungan. Mamuhay tayong may pag-iingat na ang nakikita ng mga tao sa atin ay ang Diyos sapagkat tayo ay nilikha ayon sa Kanyang larawan at wangis.

SIYA ANG MAMAMAHALA. Hindi tao ang nagmamay-ari. Sa halip, lahat ng mga nilalang ay ipinailalim sa kapamahalaan ng tao. Tao ang mag-iingat, mangangalaga,  magpapanatili at magpapaunlad nang mga ito. Ang inaasahan ng Diyos na gagawin naman ng tao ay ang pagiging mabuting katiwala ng sangnilikha. Ibinigay ng Diyos ang tungkuling ito bilang tugon sa pangangailangan ng tao. Nang sa gayon ay makapamuhay ang tao sa sanlibutan na mapayapa. Na ang kanyang kabuhayan ay tiyak na natutugunan. Maging mabuti tayong katiwala ng mga nilikha ng Diyos at tayo ay maging tapat sa anumang tungkuling nakaatang sa ating balikat.

Tandaan: Nilikha tayo ng Diyos ayon sa Kanyang larawan na pangunahing tungkulin ay ang maging mabuting tagapamahala ng Kanyang mga nilikha.

Pastor Jhun Lopez


_____________________________________



No comments:

Post a Comment

Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...