“Kaya't humayo kayo, gawin ninyong alagad ko ang mga tao sa lahat ng mga bansa. Bautismuhan ninyo sila
sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo.
Mateo 28:19
ANG DAKILANG ATAS. Hindi na bago sa atin ang tungkol sa dakilang atas ng Panginoong Jesus sa Kanyang mga alagad nang Siya ay umakyat sa kalangitan. Humayo at gawing alagad Niya ang lahat ng bansa. Kasunod ang pagbabautismo at pagtuturo ng Kanyang katuruan. Sa madaling salita, inaasahan Niyang lahat ng Kanyang mga alagad ay magpapatuloy sa paggawa ng mga alagad. Ito ang pangunahin sa gawain ng Kanyang iglesia.
ANG DAKILANG NAG-ATAS. Sinabi ng Panginoong Jesus, “ibinigay na sa akin ang lahat ng kapangyarihan,” kaya’t marapat lamang na sundin natin ang Kanyang iniatas. Sinabi pa Niya, “ako’y laging kasama ninyo,” isang pagtiyak na sa pagsunod natin sa atas Niya’y kasama natin Siyang gagawa at magpapatupad nito. Maaaring naisasagawa natin ang dakilang atas subalit huwag nating kalilimutan ang kapangyarihan at presensiya ng Dakilang Panginoong nag-atas na tayo ay gumawa ng mga alagad Niya.
ANG PAGLALAKBAY TUNGO SA PAGIGING ALAGAD. Sa pagsunod sa dakilang atas ng Panginoong Jesus ang mga aralin upang magabayan ang mga kapatiran sa pagiging alagad na gumagawa ng mga alagad ay napakahalaga. Na sa bawat level ng pag-aaral, ang isang kapatid ay maglalakbay sa mga araling kailangan niya sa paglagong espirituwal. Kasabay nito, ang bawat alagad ay makikisama sa isang Oikos (small group) - maliit na grupo ng kapatiranG nagtutulungan sa pagiging alagad.
Intentionally, sikaping mapalakas pa ang Discipleship ministry ng inyong iglesia. Ang pakikiisa at pagkakaisa sa mga gawaing nakaugnay sa gagawing pagpapasigla ay lubhang mahalaga. Ang commitment ng bawat isa ay kakailanganin nang sa gayon ay makausad sa paglalakbay tungo sa pagiging alagad.
Pastor Jhun Lopez
___________________________________
No comments:
Post a Comment