Search This Blog

Friday, January 25, 2019

IGLESIANG HUWARAN

Namuhay kayo ayon sa aming halimbawa at ayon sa Panginoon.
Nang tanggapin ninyo ang Magandang Balita, dumanas kayo ng napakaraming paghihirap, gayunpama'y taglay pa rin ninyo ang kagalakang kaloob ng Espiritu Santo. Kaya't naging huwaran kayo ng mga kapatid sa Macedonia at Acaya .” 
1 Tesalonica 1:6-7

NAGING HUWARAN KAYO. Sa panahon ni Pablo, ang Tesalonica ay mas kilala bilang Macedonia. Sina Pablo, Silas at Timoteo ay dumalaw dito noong ikalawang missionary journey ni Pablo. Maraming Griego ang naging Cristiano sa lugar na ito. Sila ang sinasabi ni Pablong “naging huwaran.” Sila ang mga Cristianong dapat tularan sa kanilang pamumuhay. Sa panahon natin, ang compromise o pakikiayon sa takbo ng sanlibutan ay napakadali. Gayunpaman, bilang mga taong nagsasabing tayo ay Cristiano, ang bawat kilos at salita natin ay panoorin ng mga tao sa paligid. Binabasa. Inuuri. Tama nga ba ang nakikita nilang pamumuhay sa atin? Tulad ng mga taga-Tesalonica, nasain nating maging huwaran sa ating komunidad, sa tahanan at sa loob ng Iglesia.

MAMUHAY AYON SA HALIMBAWA NG IBA. Ang buhay ni Pablo ay huwaran. Siya ang nagsabing, “tularan ninyo ako” (1 Cor. 11:1). Hindi sa dahilang inaangkin niya ang kabanalan o maging ang pagiging Panginoon. Nais niyang ipabatid na ang sarili niyang buhay ay tunay na lumalakad ayon sa buhay ng Panginoong Jesus. Ang pagkaCristiano nI Pablo ay huwaran sa mga taga-Tesalonica. Tayo  ay nararapat ding tumulad sa mabuting halimbawa ng mga lingkod ng Diyos na naging instrumento kung bakit tayo naging Cristiano. Hindi sila perpekto. Ngunit naniniwala akong may mga katangian ang bawat lingkod na maaari nating tularan.
MAMUHAY AYON SA DIYOS. Ang Diyos ang higit na huwaran sa ating buhay. Si Cristo ang Panginoong nagpakita ng mga halimbawang dapat na lakaran. Ang pagiging Cristiano ay hindi lamang pagiging kaanib ng Igleisa o pagdalo sa mga pagtitipon o pag-aaral ng Biblia. Higit pa rito, tayo ay dapat makarating sa pagiging alagad ni Cristo; isinasabuhay ang dakilang utos at ang dakilang atas na humayo at gawing alagad ni Cristo ang lahat. 

Pastor Jhun Lopez


___________________________
Nakaraang blog: MAKE DISCIPLES

Sunday, January 20, 2019

MAKE DISCIPLES

(Sinabi ni Jesus) “Ibinigay na sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. Kaya't humayo kayo, gawin ninyong alagad ko ang mga tao
sa lahat ng mga bansa…. Tandaan ninyo, ako'y laging kasama ninyo
hanggang sa katapusan ng panahon.” 
Mateo 28:18-20

MAKE DISCIPLES—ATAS NG MAY KAPANGYARIHAN. Ang lahat ng kapangyarihan ay nasa Panginoong Jesus. Kapangyarihan sa lahat ng dako, sa lahat ng kapanahunan, sa lahat ng nilalang, sa lahat ng kapangyarihan sa langit at lupa. Ngayon, sa batayang talata natin, ipinahayag Niya sa harap ng Kanyang mga alagad ang atas na gumawa ng mga alagad Niya. Ipinauunawa Niya sa Kanyang mga disciples na ang tawag sa kanila ay hindi lamang para maging disciples kundi upang sila man ay gumawa ng mga taong susunod sa Panginoong Jesus. Ito ang atas sa kanila ng Makapangyarihan!

MAKE DISCIPLES—ATAS SA MGA ALAGAD. Gumawa ng alagad. Maging instrumento sa paghikayat at paghubog ng mga bagong magpapahayag ng pagsunod sa Panginoong Jesus. Hindi lamang sila tinawag upang magtipon at magtayo ng simbahan. Hindi lamang sila inatasang magign relihiyoso o kaya’y maging matalino sa Banal na Kasulatan. Ang mga alagad Niya ay may mabigat na pasanin sa balikat—”Humayo at gawing alagad” ni Jesus ang lahat ng mga bansa. Ang atas na make disciples ay para sa lahat ng mga disciples Niya. Ito ang nananatiling atas ng Panginoong Jesus sa ating mga alagad Niya sa panahong ito.

MAKE DISCIPLES—KASAMA ANG PANGINOON. Hindi madali ang paggawa ng alagad. Ang gawain ng pagmimisyon ay nangangailangan ng kaalaman at dedikasyon. Kaya, marahil, marami ang hindi nakikiisa kapag ang gawain na ay paghayo. Subalit ang atas ay hindi lamang ibinibigay sa mga “elite force” ng iglesia. Hindi lamang ito gawain ng mga Manggagawang Pastor o Diakonesa. Ito ay gawain ng lahat ng mga nagpapahayag ng pagsunod sa Panginoong Jesus—lahat ng disciples Niya! Ang magpapalakas ng loob natin sa pagtupad nito ay ang katotohanang kasama natin ang Panginoong Jesus habang tayo ay humahayo at gumagawa ng mga alagad Niya.
Purihin ang Panginoong Jesus!

Pastor Jhun Lopez


___________________________
Nakaraang blog: MAALAB NA PAGLILINGKOD


Monday, January 7, 2019

MAALAB NA PAGLILINGKOD

Mula kay Pablo na isang lingkod[a] ni Cristo Jesus, tinawag upang maging apostol at hinirang upang mangaral ng Magandang Balita ng Diyos.
Roma 1:1

LINGKOD NI CRISTO JESUS. Sa pagpapakilala ni Apostol Pablo sa mga mananampalataya sa Roma, kinikilala niya ang kanyang sarili bilang lingkod ng Panginoong Jesus. Ipinahahayag niyang siya ay tagasunod at si Jesus ang Panginoong kanyang sinusunod. Inaangkin niyang, siya bilang Cristiano, ay hindi dapat magmataas sa kaninuman lalo na sa Panginoon dahil siya ay isang tagapaglingkod. Tayo bilang mananampalataya sa ating panahon, ang maalab na paglilingkod ay dapat na makita sa atin. At magagawa natin ito kung kinikilala nating tayo’y mga lingkod at hindi mga panginoon.

TINAWAG UPANG MAGING APOSTOL. Ang katangian ng isang apostol ay ang personal na pagkakita sa Panginoong Jesus. Ito ay inangking kalagayan ni Pablo dahil sa daang Damasco, ang Panginoong Jesus ay napakita sa kanya sa pamamagitan ng isang nakasisilaw na liwanag. Maliban sa karanasang iyon, si Pablo ay tinawag na maging apostol sapagkat siya ay isinugo ng Panginoong Jesus para sa natatanging layunin—ang maipangaral ang Magandang Balita sa mga Hentil o sa mga taong hindi kabilang sa lahi ni Israel.

HINIRANG UPANG MANGARAL. Ito ang maalab na ginampanan ni Apostol Pablo sa mga misyonerong paglalakbay niya. Nagpunta siya sa iba’t ibang mga bayan at ipinangaral ang Magandang Balita ng pagliligtas ng Panginoong Jesus! Ang bawat isa sa atin ay inaatasan ngayon na maging “apostol” sa lugar na ating kinalalagyah. Ipangaral sa iba ang Magandang Balita, ang Salita ng Diyos. Akayin ang mga tao sa pananampalataya at paglilngkod sa Panginoong Jesus.

MAALAB NA PAGLILINGKOD. Panahon na upang pag-alabin natin ang paglilingkod sa Panginoong Jesus. Manindigan tayong, tayo ay mga lingkod  Niya. Ipatotoo natin sa iba ang pagkatawag sa atin sa pananampalataya. At lagi nating hangaring mabigyan ng  kaluguran ang Panginoong Jesus!

Pastor Jhun Lopez


_____________________________


Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...