Search This Blog

Monday, January 7, 2019

MAALAB NA PAGLILINGKOD

Mula kay Pablo na isang lingkod[a] ni Cristo Jesus, tinawag upang maging apostol at hinirang upang mangaral ng Magandang Balita ng Diyos.
Roma 1:1

LINGKOD NI CRISTO JESUS. Sa pagpapakilala ni Apostol Pablo sa mga mananampalataya sa Roma, kinikilala niya ang kanyang sarili bilang lingkod ng Panginoong Jesus. Ipinahahayag niyang siya ay tagasunod at si Jesus ang Panginoong kanyang sinusunod. Inaangkin niyang, siya bilang Cristiano, ay hindi dapat magmataas sa kaninuman lalo na sa Panginoon dahil siya ay isang tagapaglingkod. Tayo bilang mananampalataya sa ating panahon, ang maalab na paglilingkod ay dapat na makita sa atin. At magagawa natin ito kung kinikilala nating tayo’y mga lingkod at hindi mga panginoon.

TINAWAG UPANG MAGING APOSTOL. Ang katangian ng isang apostol ay ang personal na pagkakita sa Panginoong Jesus. Ito ay inangking kalagayan ni Pablo dahil sa daang Damasco, ang Panginoong Jesus ay napakita sa kanya sa pamamagitan ng isang nakasisilaw na liwanag. Maliban sa karanasang iyon, si Pablo ay tinawag na maging apostol sapagkat siya ay isinugo ng Panginoong Jesus para sa natatanging layunin—ang maipangaral ang Magandang Balita sa mga Hentil o sa mga taong hindi kabilang sa lahi ni Israel.

HINIRANG UPANG MANGARAL. Ito ang maalab na ginampanan ni Apostol Pablo sa mga misyonerong paglalakbay niya. Nagpunta siya sa iba’t ibang mga bayan at ipinangaral ang Magandang Balita ng pagliligtas ng Panginoong Jesus! Ang bawat isa sa atin ay inaatasan ngayon na maging “apostol” sa lugar na ating kinalalagyah. Ipangaral sa iba ang Magandang Balita, ang Salita ng Diyos. Akayin ang mga tao sa pananampalataya at paglilngkod sa Panginoong Jesus.

MAALAB NA PAGLILINGKOD. Panahon na upang pag-alabin natin ang paglilingkod sa Panginoong Jesus. Manindigan tayong, tayo ay mga lingkod  Niya. Ipatotoo natin sa iba ang pagkatawag sa atin sa pananampalataya. At lagi nating hangaring mabigyan ng  kaluguran ang Panginoong Jesus!

Pastor Jhun Lopez


_____________________________


No comments:

Post a Comment

Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...