Namuhay kayo ayon sa aming halimbawa at ayon sa Panginoon.
Nang tanggapin ninyo ang Magandang Balita, dumanas kayo ng napakaraming paghihirap, gayunpama'y taglay pa rin ninyo ang kagalakang kaloob ng Espiritu Santo. Kaya't naging huwaran kayo ng mga kapatid sa Macedonia at Acaya .”
1 Tesalonica 1:6-7
NAGING HUWARAN KAYO. Sa panahon ni Pablo, ang Tesalonica ay mas kilala bilang Macedonia. Sina Pablo, Silas at Timoteo ay dumalaw dito noong ikalawang missionary journey ni Pablo. Maraming Griego ang naging Cristiano sa lugar na ito. Sila ang sinasabi ni Pablong “naging huwaran.” Sila ang mga Cristianong dapat tularan sa kanilang pamumuhay. Sa panahon natin, ang compromise o pakikiayon sa takbo ng sanlibutan ay napakadali. Gayunpaman, bilang mga taong nagsasabing tayo ay Cristiano, ang bawat kilos at salita natin ay panoorin ng mga tao sa paligid. Binabasa. Inuuri. Tama nga ba ang nakikita nilang pamumuhay sa atin? Tulad ng mga taga-Tesalonica, nasain nating maging huwaran sa ating komunidad, sa tahanan at sa loob ng Iglesia.
MAMUHAY AYON SA HALIMBAWA NG IBA. Ang buhay ni Pablo ay huwaran. Siya ang nagsabing, “tularan ninyo ako” (1 Cor. 11:1). Hindi sa dahilang inaangkin niya ang kabanalan o maging ang pagiging Panginoon. Nais niyang ipabatid na ang sarili niyang buhay ay tunay na lumalakad ayon sa buhay ng Panginoong Jesus. Ang pagkaCristiano nI Pablo ay huwaran sa mga taga-Tesalonica. Tayo ay nararapat ding tumulad sa mabuting halimbawa ng mga lingkod ng Diyos na naging instrumento kung bakit tayo naging Cristiano. Hindi sila perpekto. Ngunit naniniwala akong may mga katangian ang bawat lingkod na maaari nating tularan.
MAMUHAY AYON SA DIYOS. Ang Diyos ang higit na huwaran sa ating buhay. Si Cristo ang Panginoong nagpakita ng mga halimbawang dapat na lakaran. Ang pagiging Cristiano ay hindi lamang pagiging kaanib ng Igleisa o pagdalo sa mga pagtitipon o pag-aaral ng Biblia. Higit pa rito, tayo ay dapat makarating sa pagiging alagad ni Cristo; isinasabuhay ang dakilang utos at ang dakilang atas na humayo at gawing alagad ni Cristo ang lahat.
Pastor Jhun Lopez
___________________________
Nakaraang blog: MAKE DISCIPLES
No comments:
Post a Comment