Search This Blog

Friday, December 28, 2018

ANG PAGPAPALA NG PAG-IINGAT NG DIYOS

Bibigyan Niya ng unawa ang matuwid ang pamumuhay,
at ang taong matapat ay Kanyang iingatan.
Kawikaan 2:7

BIBIGYAN NG UNAWA. Naniniwala akong ang utos ng Diyos ay hindi sanhi ng paghihirap o pagdurusa ng isang tao. Sa halip, ang Diyos ay umaasa sa    pagsunod ng mga tao sa Kanyang mga utos sa dahilang nais Niyang makaranas ng pagpapala ang mga taong sa Kanya’y sumasampalataya. Ang mamuhay sa katuwiran ng Diyos ay magdudulot ng ginhawa, sapagkat sa pamamagitan nito, ayon sa Kawikaan 2:7, ito’y nagbubunga ng pang-unawang bigay ng Diyos. Pang-unawa sa kalooban Niya at sa kahulugan ng Kanyang Salita. Dahil ang mamuhay sa katuwiran ng Diyos ay biyaya at pagpapala sa sinumang nagsasagawa nito.

IINGATAN ANG MGA TAONG TAPAT. Ang maging tapat ay isa sa katangiang kasama sa bunga ng Espiritu. Ito ay pagtupad sa isang pagtatalaga tulad sa kasalan ng mag-asawa (commitment). Ito ay pananatili sa minamahal o sa pinaglilingkuran (loyalty). Ito’y sumpaang tutupad sa pinagkasunduan anuman ang maging kalagayan (pledge). Kung ang mga nabanggit ay ating isasagawa para sa Diyos, ang pangakong ibibigay Niya ay Kanyang pag-iingat. Hindi lamang sa pisikal na kalagayan o kasalukuyang kaganapan. Ang pag-iingat ng Diyos ay biyaya (grace) mula sa kasalukuyan hanggang sa buhay na kunin na tayo ng Diyos. Maging tapat at manghawakan sa pangako ng Diyos — ang Kanyang dakilang proteksyon sa buhay natin.

MATUWID AT TAPAT. Ang pagiging matuwid natin ay hindi sa ganang atin. Nagagawa nating mamuhay sa matuwid dahil sa paglalagak natin sa Diyos ng pang-araw-araw nating buhay. Siya ang Matuwid. Tayo ay nagsisikap na maging matuwid sa pag-asang tayo ay sasangkapan ng Diyos ng Kanyang katuwiran. Nang sa gayon, mas magiging madali ang mamuhay sa katapatan dahil sa katuwiran ng Diyos na sumasaatin.

PAGPAPALA SA LAHAT NG TAPAT! Ang pag-iingat ng Diyos ay sumaating lahat habang tayo ay nagsisikap mamuhay nang tapat. Tulungan tayo ng Diyos!

Pastor Jhun Lopez


_____________________________


No comments:

Post a Comment

Featured Post

PATULOY TAYONG LUMAGO

    Sa halip, patuloy kayong lumago sa kagandahang-loob ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, at sa pagkakilala sa kanya. S...