Search This Blog

Friday, May 25, 2018

ANG PAG-IBIG NG DIYOS

Mga minamahal, mag-ibigan tayo sapagkat mula sa Diyos ang pag-ibig. Ang bawat umiibig ay anak ng Diyos at kumikilala sa Diyos.  Ang hindi umiibig ay hindi kumikilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig.  .  :: 1 Juan 4:7-8


ANG PAG-IBIG AY MULA SA DIYOS. Likas sa atin ang umibig bilang mga nilalang na nilikha sa wangis ng Diyos. Cristiano man o hindi, ang kakaiba at natatanging damdaming ito ay nagsasabing siya ay umiibig. Ngunit nalalaman nating sa panahon pa nina Adan at Eba, ang pag-ibig na ito ay nasira dahil sa kasalanan. Na sa panahong ito, ang diwa ng pag-ibig na mula sa Diyos ay nagkaroon ng mga kahulugang hindi na naaayon sa pamantayan ng Diyos na Siyang pinagmulan nito. 
ANG UMIIBIG AY KUMIKILALA SA DIYOS. Ang pag-ibig na mula sa Diyos ang pamantayan. Hindi nangangahulugang umiibig ayon sa pag-ibig ng Diyos ang taong magsasabing “umiibig na ako.” Marahil nadarama niya ang pag-ibig ngunit hindi naman nakakapasa sa pag-ibig na nagpapakita ng pakilala sa Diyos. Dapat nating tandaan na ang Diyos na pinagmulan ng pag-ibig ay banal. Pangunahing batayan ng pag-ibig na mula sa Diyos ay ang pagpapakita ng pag-big na may kabanalan. Ang pag-ibig ay nagpapakita ng tanda na tayo’y sa Diyos.
ANG DIYOS AY PAG-IBIG. Walang sinumang makapag-aalis  o makapagbabawas man sa pag-ibig ng Diyos dahil ito ay likas sa Kanya. Siya ang naglalarawan ng pag-ibig sa sangkatauhan upang maunawaan ang kahulugan nito. Siya ang nagpadama ng tunay na pag-ibig. Pag-ibig na walang kondisyon. Pag-ibig na wagas at dalisay. Sukat ibigay ng Diyos Ama ang Kanyang bugtong na Anak dahil sa Kanyang pag-ibig. Sukat ialay ng Diyos Anak ang sariling buhay alang-alang sa ikapapatawad ng kasalanan at ikaliligtas ng sanlibutan dahil sa Kanyang pag-ibig. Na magpahanggang ngayon, mula pa noon, ay patuloy na umiibig sa atin. Ang pag-ibig ng Diyos ay walang hanggan!
Pastor Jhun Lopez

_____________________________
Nakaraang blog: HUWARANG INA


_____________________
Maaari n'yo ring bisitahin ang iba pang mga blogs sa listahan sa gawing kanan.

No comments:

Post a Comment

Featured Post

PATULOY TAYONG LUMAGO

    Sa halip, patuloy kayong lumago sa kagandahang-loob ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, at sa pagkakilala sa kanya. S...