Search This Blog

Thursday, July 15, 2021

PAGSUNOD SA KALOOBAN NG DIYOS

1 Juan 2:29

"Kung alam ninyong si Cristo'y masunurin sa kalooban ng Diyos, dapat din ninyong malaman na ang bawat sumusunod sa kalooban ng Diyos ay anak ng Diyos."

____________________

KALOOBAN NG DIYOS. Nais ng Diyos na ang lahat ng tao ay maligtas kaya nga ipinadama Niya ang pag-ibig Niya sa sanlibutan sa kabila ng makasalanang kalagayan ng tao sa pamamagitan ng kamatayan ng Panginoong Jesus sa krus (basahin: 1 Timoteo 2:4, Roma 5:8 at Juan 3:16). Kung ang kalooban ng Diyos ang pagbabatayan, sapagkat Siya ay Diyos na banal at matuwid, naniniwala tayong pawang mabuti ang nais Niya at magmumula sa Kanya ( Santiago 1:17). Ang pamumuhay sa kabanalan at katuwiran ay isa sa mga pangunahing nais Niyang maganap sa mga taong nakipag-isa sa Kanya. At bilang mga mananampalatayang hinuhubog sa pagiging alagad, nais Niyang tayo ay maging mga alagad na gumagawa ng mga alagad (Mateo 28:19).

SI CRISTO'Y MASUNURIN SA KALOOBAN NG DIYOS. Sa ating mga pag-aaral ng Salita ng Diyos, ang ginawa ng Panginoong Jesus ang pangunahing sinasampalatayanan natin. Siya ay ipinanganak ng isang birhen at lumaki sa tahanan ng amaing karpintero. Nangaral, nagpagaling ng mga may karamdaman, nagpalayas ng demonyo, gumawa ng mga himala at ipinadama ang malasakit sa mga tao. Hinuli, sinaktan, pinahirapan, pinasan ang krus patungo sa bundok ng mga bungo, ipinako at namatay sa krus, inilibing at muling nabuhay sa ikatlong araw. Lahat nang ito ay dahil sa Kanyang pagsunod sa kalooban ng Diyos! Nagkatawang tao, namuhay na isang alipin at naging masunurin hanggang sa Kanyang kamataya sa krus (Filipos 2:5-11).

TAYO AY SUMUNOD SA KALOOBAN NG DIYOS. Mula nang tayo ay manampalataya sa Panginoong Jesus, tayo ay binigyan Niya ng karapatang maging mga anak ng Diyos. Hindi tayo nagiging Diyos, subalita ang pribilehiyo ng pagiging mga anak Niya ay ipinagkakaloob sa atin. Pinatawad na ang ating mga kasalanan, itinuring na tayong matuwid, bago na tayong mga nilalang na ang bagong pagkatao ay atin-atin nang naisusuot, malaya na tayo sa kasalanan at may laya na rin tayong ipamuhay ang Kanyang kabanalan. Tayo'y mga kaibigan na Niya at lahat ng Kanyang pagpapakilala sa atin ay isa-isa na nating mararanasan sa buhay na mayroon tayo ngayon.

Kaya naman, ang laman ng puso't isip natin ay "mga bagay na karapat-dapat at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kagalang-galang" (Filipos 4:8). At ang maging layunin natin sa buhay ay pagsunod sa Kanyang kalooban.

 

Pastor Jhun Lopez




No comments:

Post a Comment

Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...