BASAHIN: 1 Timoteo 2:8-12
“Ang Biblia ang
Salita ng Diyos. Ito ay naisulat ng humigit-kumulang sa 35 authors, 2,000 years
na ang nakararaan. Ang mga katotohanan nito noon at magpahanggang ngayon ay
nananatili. Sa ating mga Cristiano, ang malinaw na sentro ng Luma at Bagong
Tipan ay walang iba kundi ang Panginoong Jesu-Cristo. Isa sa mga pamamaraang
ginagamit sa pag-aaral ng Biblia ay ang pagsasaalang-alang ng context o ang
pagtingin sa mga nakapalibot na katotohanan sa isa pang katotohanan. Ito ay
maaaring ayon sa sinasabi sa kabuuan ng mga talata o sa kasaysayan at kulturang
nasa likuran nito.”
Sinabi na ni Pablo kay Timoteo ang mabuti at nakalulugod sa Diyos; manalangin at mangaral ng Mabuting Balita (t. 1-7). Ayaw niyang mapabilang sa mga mananampalatayang katulad ng barkong nawasak si Timoteo at ang mga kapatiran sa Iglesia sa Efeso. Nais niya na ang mga mananampalataya ay makapamuhay nang “matahimik, mapayapa, maka-Diyos at marangal” (t. 2). Sa sumunod na tagubilin niya (t. 8-12), ang isyu ng paglilingkod ng mga lalaki at mga babae ang kanyang pinagtuunan. Paano nga ba maglilingkod na mabuti at nakalulugod sa Diyos ang mga lalaki at mga babae?
PAANO MANANALANGIN ANG MGA LALAKI? (t. 8). Kung direktang
kukunin ang sinasabi ng talata, ang mga lalaki ay nararapat manalangin sa lahat
ng dako, nakataas ang mga banal na kamay, walang galit at walang pakikipagtalo.
Pero higit sa limitasyon ng lugar, at higit sa postura ng pagtataas ng mga
kamay, ang pananalangin ay nararapat gawin sa tamang kalagayan ng puso; banal
at malinis sa harap ng Diyos at ng mga tao. Kaya sa pananalanging mabuti at
nakalulugod sa Diyos, na tinalakay na ni Pablo sa talatang 1-2, sa lahat ng
dako ay maaaring gawin, hindi sa dahilang ito ay dako ng panalanginan o kaya’y
nasa tamang postura ng pagluhod at pagtataas ng mga kamay, kundi sa tamang
kalagayan ng puso ng taong nananalangin. Ang pananalangin ay hindi
mapagpaimbabaw. Habang ito ay nakatukoy sa Diyos (vertical), ang tamang relasyon sa kapwa ay kailangan (horizontal).
PAANO MANANAMIT ANG MGA BABAE? (t. 9-10). Sa mga pagtitipong katulad
ng pagsamba at panalanginan, nagbigay si Pablo ng pamantayan para sa mga babae,
“ang mga babae ay magsigayak ng mahinhing
damit na may katimtiman at hinahon; hindi ng mahalagang hiyas ng buhok, at
ginto o perlas o damit na mahalaga” (t. 9). Kagalang-galang na pananamit,
hindi magarbo at hindi maluho. Sa panahon ng Biblia, ang pananamit ng isang
babae ay napakahalaga lalo na sa mga pagtitipong banal. Isa na rito ay ang
paglalagay ng belo sa ulo na noo’y kailangan nila para sa kanilang puri at
kahihiyan (basahin ang 1 Corinto 11:5). Ang binigyang-diin ni Pablo ay nasa
talatang 10, ang maging palamuti nila ay ang mabubuting gawa at ang buhay na
maka-Diyos. Ang pananamit ay naaayon sa pananamit ng kanilang panahon subalit
hindi magtatakip sa totoong kalagayan ng kanilang mga puso. Gayundin naman sa
panahong ito, tamang kasuutan sa tamang okasyon na may tamang kalagayan ng
puso.
PAANO MAGLILINGKOD ANG MGA LALAKI AT MGA
BABAE? (t.11-12). Wala tayong tanong sa
paglilingkod ng mga lalaki. Simula’t simula pa naman ay nauunawaan na natin ang
pagtawag ng Diyos sa iba’t ibang mga lalaki sa iba’t ibang mga kapanahunan. Ang
isyu ay ang paglilingkod ng mga babae. Mula sa context ng mga talatang 11-12, sa naunang tinalakay ni Pablo, may
tamang kalagayan ng puso ang bawat lalaking nananalangin at may tamang
kalagayan din naman ng puso ang mga pananamit ng mga kababaihan lalo na sa mga
pagtitipon. Ngayon, sa sinabi ni Pablo na “Ang
mga babae ay dapat matuto nang tahimik at nagpapasakop” (t. 11), at hindi niya sila pinapayagang magturo o mamuno
sa mga lalaki (t. 12), ang pananahimik ng mga babae ay tila ang siyang
nararapat.
Sa
konteksto ng mga talata, mauunawaan nating ito ay dapat nating iayon sa kanyang
cultural context. Na kung susundin
ang mga linya ng sinasabi ni Pablo ayon sa pagkabasa, ang pananalangin ay dapat
gawin sa lahat ng dako na nakataas ang mga kamay (t. 8). Dapat ay ipagbawal na
ang pagsusuot ng magagarang damit, mga alahas na ginto at perlas (t. 9). Na
kung susundin ang pagkakasabi ni Pablo sa talatang 11-12, ito ay tataliwas sa
mahabang linya ng mga kababaihang kinilalang mga lingkod ng Diyos tulad nina
Miriam, Ruh, Ester, Deborah, Huldah, Priscila, Lydia, Maria at si Febe na ayon
kay Pablo ay isang lingkod (diakonesa) (Roma 16:1).
Hindi ipinagbabawal
ni Pablo ang paglilingkod ng mga kababaihan. Ito pa nga ay kanyang
sinang-ayunan na may tagubilin sa tamang kasuutan (1 Corinto 11:5). Ang isyu ay
ang kanilang pagpapasakop lalo na sa kani-kanilang
mga asawang lalaki. Sapagkat sila man ay maaaring hirangin ng Diyos sa isang
natatanging paglilingkod at ibuhos ng Diyos sa kanila ang mga espirituwal na
kaloob (basahin ang Joel 2:28, Galacia 3:28 at 1 Corinto 12:7). At kung
mangyari ito, tiyak na tama ang kanilang sasabihin sa gabay at patnubay ng
Espiritu ng Diyos. Katulad ng babaeng Samaritanang nagsalita sa mga kalalakihan
ng kanyang bayan na nang makinig sa kanya ay nagsimulang manampalataya kay
Jesus.
Ang
paglilingkod sa Diyos ay hindi nakatukoy sa iisang kasarian. Ang gawain ng
pananalangin ay hindi lamang sa mga lalaki, alalahanin natin si Lydia na
ginawang bahay-panalanginan ang sariling tahahan. Ang tamang pananamit sa
tamang okasyon na may tamang kalagayan ng puso ay hindi lamang sa mga babae,
ito ay dapat ding i-observe ng mga
lalaki. At tandaan nating ang paglilingkod ay nakabukas sa lahat, lalaki man o
babae. Bawat isa ay bahagi ng katawan na may tinanggap na espirituwal na
kaloob. Tayo, bilang isang pamilyang tinawag ng Diyos sa pananampalataya, ay
maglingkod din naman sa tamang kalagayan ng ating mga puso, may tamang
pakikipag-ugnayan sa Diyos at sa mga tao.
Pastor Jhun Lopez
__________________________________________________________
Nakaraang blog: ITO ANG MABUTI AT NAKALULUGOD SA DIYOS
No comments:
Post a Comment