“Mapalad ang mga taong walang inaasahan
kundi ang Diyos,
sapagkat mapapabilang sila sa kaharian ng
langit.”
Mateo 5:3
MAPALAD. Buhay na masaya.
Isang kalagayang nararanasan ng mga taong may pananampalataya sa Diyos. Hindi
ito tumutukoy sa salitang “swerte” o
kaya’y sa madalas na bati nating “goodluck.”
Mga salitang nakadepende sa maganda o maginhawang kalagayan. Mapalad ang isang
tao hindi dahil may tinanggap siyang pagpapala. Mapalad siya dahil nalalaman
niyang kasama niya ang Diyos sa taglay niyang buhay.
MAPALAD ANG MGA ABA. Mahirap
maunawaan ang pangungusap na ito kung ang kahulugan natin sa pagiging aba ay
ang maging mahirap o dukha. Na sa kalagayan ng buhay ay tila mahirap maging
masaya. Subalit malinaw ang pakahulugan nito sa Biblia. Ang maging aba sa harap
ng Diyos ay ang kalagayang walang ibang inaasahan kundi ang Diyos. Hindi ito
tumutukoy sa taong umaasang wala namang ginagawa. Ang pagiging aba ng isang tao
ay ang pananampalataya niyang lahat ng kanyang pangangilangan ay tinutugon ng
Diyos at lahat ng bunga ng kanyang paggawa ay buhat sa Diyos. Kaya magsaya’t
magdiwang ka anumang sitwasyon mayroon ka dahil ang Diyos ang iyong pag-asa!
KABILANG SA KAHARIAN NG LANGIT.
Ang sinumang sasampalataya sa Panginoong Jesus ay may buhay na walang hanggan.
Ang sinumang umaasa tanging sa Panginoon ay mga taong makatitiyak na ang
kanyang buhay ay kabilang sa langit. Na ang landas niya’y tunay na patungong
langit. Sa kasalukuyan, marami pa ring mga tao ang masasabi nating nabubuhay ng
hiwalay sa Diyos. Sila ang mga taong walang pagtitiwala sa kapangyarihan ng
Panginoon. Sila ang mga taong ang gawi ay mga bagay na panlupa lamang. Subalit
nais tayong gisingin ng araling ito ng Panginoong Jesus tungkol sa mga taong
mapalad. Bilang mga taong nagpapahayag na kabilang sa kaharian ng langit, umasa
tayo sa Diyos sa lahat ng bagay sa buhay natin!
#pastorJHUN
*Mapalad Serye
No comments:
Post a Comment