Search This Blog

Thursday, February 4, 2021

MAGLINGKOD: MABUTING HANGARIN

 BASAHIN: 1 Timoteo 3:1-13

Sa loob ng Church ay may iba’t ibang uri ng mga kaanib. Maliban pa sa mga katangian at mga pag-uugali, ang level ng pananampalataya at paglilingkod ay nagkakaiba rin. Katulad sa nakaraang pag-aaral natin sa 1 Juan; may anak, may kabataan at may ama. Mula sa pagiging bagong Cristiano, naging kaanib ng isang iglesia, bawat isa ay inaasahang lumago at lumalim sa kanyang pananampalataya. Ito ay nasusukat, higit pa sa mga araling natututuhan, sa kanyang hangaring maging tagapaglingkod at tagapangasiwa (service and leadership).”

 


Mula sa chapter 1, tinalakay ni Pablo kay Timoteo ang pagkakaroon pa rin ng pag-ibig sa mga taong dapat niyang ituwid, tumalikod at namumuhay sa kasalanan. Naging huwaran kay Timoteo ang pagpapasalamat ni Pablo sa Diyos. Sa chapter 2, binigyang-diin naman niya ang mabuti at nakalulugod sa Diyos - ang pananalangin at pangangaral ng Mabuting Balita. At sa kalahating bahagi ng kabanata ay ipinaunawa niya ang kahalagahan ng kalagayan ng puso (attitude of the heart) ng mga naglilingkod; ito man ay mapa-lalaki o babae. Sa chapter 3, itinuloy ni Pablo ang ginagawang mentoring kay Timoteo. Ipinakita niya ang mga katangian ng mga tagapangasiwa at tagapaglingkod.

PERSONAL DATA. Una sa mga requirements ang personalidad ng sinumang nag-a-apply sa isang trabaho o posisyon. Higit pa sa mga personal na pagkakakilanlan at naabot na pinag-aralan, ang hinahanap ng human resource ay ang magandang katangian nito. Lalo na sa mga taong nagnanais maging lingkod ng Diyos. Sa gabay ni Pablo kay Timoteo, nagbigay siya ng mga katangiang dapat hanapin sa mga nagnanais maging lingkod.

·         Sa mga tagapangasiwa: matino ang pag-iisip, marunong magpigil sa sarili, kagalang-galang, bukás ang tahanan sa iba, may kakayahang magturo, hindi lasenggo, hindi marahas kundi mahinahon; hindi mahilig makipag-away at hindi maibigin sa salapi (t. 2-3).

·         Sa mga tagapaglingkod: kagalang-galang, tapat mangusap, hindi lasenggo at hindi sakim sa salapi (t. 8).

FAMILY BACKGROUND. Ang pamilya ay may mahalagang bahagi sa buhay ng isang lingkod ng Diyos. Sila ang pangunahing inaasahang nasa likuran nito upang siya ay suportahan sa kanyang mga isinusulong at alalayan sa mga panahong siya ay pinanghihinaan ng loob. Kaya sa mga requirements ni Pablo, ang pamilya ay direkta niyang tinukoy na kailangang tingnan bago sila maglingkod.

·         Sa mga tagapangasiwa: isa lamang ang asawa, mahusay mamahala sa sariling pamilya, iginagalang at sinusunod ng kanyang mga anak (t. 2,4).

·         Sa mga tagapaglingkod: ang asawa ay kagalang-galang, hindi mapanirang-puri, mapagtimpi at tapat sa lahat ng mga bagay. Isa lamang ang asawa at maayos mangasiwa sa kanilang mga anak at sambahayan (t. 11-12).

SPIRITUAL MATURITY. Ang tamang kalagayan ng puso para sa mga naglilingkod ay tinalakay na ni Pablo sa chapter 2. Hindi niya ipinagbabawal ang paglilingkod ng mga babae. Kaya lang, kailangan nilang lumago at magabayan ni Timoteo sa pamumuhay Cristiano. Ang lumalagong mananampalataya, lalaki man o babae, bata man o matanda, ay patungo sa pagiging tagapaglingkod (servanthood) at sa pagiging tagapangasiwa (leadership). Pero mahalagang pumasa muna sila sa pamantayang espirituwal.

·         Sa mga tagapangasiwa: Hindi isang baguhang mananampalataya at kailangang mabuti ang pagkakilala sa kanya ng mga hindi sumasampalataya (t. 6).

·         Sa mga tagapaglingkod: tapat sa pananampalataya, may malinis na budhi, iginagalang at pingakakatiwalaan ng mga tao dahil sa pananampalataya kay Cristo Jesus (t. 9,13).

Tatlong aspeto ng pamumuhay ang dapat tingnan bago hiranging lingkod ng Diyos ang isang kaanib – ito man ay para maging tagapangasiwa (leadership/eldership) o isang tagapaglingkod sa church (ministry/servant). Mahigpit ang mga requirements at masasabi nating, “Walang makapapasa.” Pero ang pamantayang ibinigay ni Pablo noon kay Timoteo ay nananatili. Kailangan ang mabuting katangian ng pagkatao. Kailangan ang mabuting kalagayan ng sambahayan nito. At lalong kailangan ang lumalago niyang buhay pananampalataya.

 

 

Ang sabi ni Pablo kay Timoteo, “Ang sinumang nagnanais na maging tagapangasiwa sa iglesya ay naghahangad ng mabuting gawain” (t. 1). Mabuti sa harap ng Diyos ang maging tagapangasiwa (leader), idalangin nating lahat tayo ay makarating sa level na ito – sama-sama tayo! Sapagkat, ang maglingkod sa Diyos ay mabuting hangarin!



Pastor Jhun Lopez



________________________________________________________________________

Nakaraang blog: TAMANG PAGLILINGKOD NG MGA LALAKI AT NG MGA BABAE

 

No comments:

Post a Comment

Featured Post

NAGMAMALASAKIT SA IYO

        Ipagkatiwala ninyo sa kanya ang inyong mga alalahanin sa buhay sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.. 1 Pedro 5:7   Pasakop tayo ...