Search This Blog

Tuesday, February 2, 2021

ITO ANG MABUTI AT NAKALULUGOD SA DIYOS

 BASAHIN: 1 Timoteo 2:1-7

Binigyan tayo ng Diyos ng kakayahang pumili. Sa bawat pagpili natin, ang resulta nito ay nakadepende sa ating pinili. Bilang mananampalataya ng Panginoong Jesus, pinalaya na tayo sa mga gawa ng laman at may kalayaan naman na tayong piliin ang Kanyang kalooban. Isa sa mga layunin ng pagparito ng Panginoong Jesus ay ang pagkakaroon ng masagana, ganap at kasiya-siyang buhay ng Kanyang mga tupa (Juan 10:10). Tamang kasiyahan na ang hinahanap ay hindi ang sariling hilig o kagustuhan kundi ang mabuti at kalugud-lugod sa Diyos.”

 

Mahaba-habang pinagsamahan din ang discipler – disciple relationship nina Pablo at Timoteo – ayon sa isang article ay nasa pitong taon (disciplr.com). Sa unang chapter ng sulat, ang sarili ay masasalamin ni Timoteo sa buhay ni Pablo na may pag-ibig at mapagpasalamat. Bilang mentor niya, ang mabuting halimbawa nito ay napakahalaga sa magiging uri naman ng kanyang pamumuhay Cristiano. Sa paglipat ng sulat sa ikalawang chapter, sinabi niya sa talatang 3, “Ito ang mabuti at nakalulugod sa Diyos na ating Tagapagligtas.” Nagbigay ang Discipler sa kanyang Disciple ng dalawang gawaing mabuti at nakalulugod sa Diyos na sadyang mahalaga tungo sa pagiging matagumpay na alagad ni Cristo.

Mabuti at Nakalulugod sa Diyos ANG PANANALANGIN NG MGA CRISTIANO (t. 1-2). Ang buhay Cristiano ay puno ng mga pakikipaglaban at nangangailangan ng matibay na pananampalataya at malinis na budhi. Ang pananampalataya ng Cristianong hindi sumunod sa budhi ay itinulad ni Pablo sa isang barkong nawasak (Basahin ang 1 Timoteo 1:18-20). Kaya nga, bilang mentor, mahalagang gabayan niya si Timoteo sa matagumpay na buhay Cristiano upang ito ay “makapamuhay nang matahimik, mapayapa, maka-Diyos at marangal” (t. 2). Maakay niya ito sa mabuti at nakalulugod na pamumuhay sa harapan ng Diyos. Ang unang hakbang? Pananalangin para sa lahat ng tao! Ipinakiusap ni Pablo kay Timoteo kasama ang iglesiang kanyang kinaroroonan noon (Iglesia sa Efeso), na idulog nila sa Diyos ang kanilang kahilingan, panalangin, pagsamo, at pasasalamat para sa lahat ng tao. Ipanalangin maging ang mga hari at maykapangyarihan - ang gobyerno sa ating panahon.

Mabuti at Nakalulugod sa Diyos ANG PANGANGARAL NG MABUTING BALITA (t. 4-7). Ito ang mabuti at nakalulugod sa Diyos, “Ibig niyang ang lahat ng tao ay maligtas at makaalam ng katotohanang ito” (t. 4). Lahat at walang itinatangi. Ang kaligtasan ay available para sa lahat. Sa pamamagitan ng mga pangangaral ng Mabuting Balita, ang layuning ito ng Diyos ay mapangyayari. Ipangaral nating ang Panginoong Jesus ang nag-iisang Tagapamagitan sa Diyos at sa tao. Ipaunawa nating inihandog Niya ang Kanyang buhay upang tubusin ang lahat sa kasalanan. Si Pablo ay namuhay na mabuti at nakalulugod sa Diyos bilang “pinili upang maging mangangaral, apostol at tagapagturo ng pananampalataya at katotohanan” (t. 7). Sa dami ng iglesiang kanyang napasimulan at sa mga sulat na inihatid at nabasa ni Timoteo, huwaran ang buhay ni Pablo. Ipinakita niyang mabuti at nakalulugod sa Diyos ang ginampanang pagkatawag sa kanya ng Diyos bilang mangangaral ng Mabuting Balita.

 


Nais nating maging masaya at mapayapa ang buhay. Hindi natin ginusto ang mga pagsubok katulad ng nararanasan ng buong mundo ngayon. Nakaapekto ito sa maraming pamilya. Nakaapekto sa mga gawain ng church. At kasama tayo sa naapektuhan ng pandemya. Sa gitna nang mga ito, nais pa rin ng Diyos na tayo ay matutong maging masaya sa anumang mga pangyayari. Ang ating pananampalataya ay ipinararaan Niya sa mga pagsubok nang makita Niyang tayo ay namumuhay sa matuwid. Nananatili sa pananampalataya. Isang buhay na mabuti at nalulugod sa Kanya.

 

Sa marami ay naisasantabi ang kahalagahan ng pananalangin. Ang pangangaral naman ng Mabuting Balita ay hindi nagiging pangunahin. Sa ating natutuhan ngayon, kung mayroon mang gawaing magdudulot ng kaluguran sa Diyos, ito ay ang pagsasagawa natin ng dalawang spiritual exercise na nabanggit: manalangin at ipangaral ang Mabuting Balita. Ito ang maging pangunahin sa pamilya natin bilang pamilyang mga alagad na nagnanais makagawa ng mga alagad ng Panginoong Jesus.




Pastor Jhun Lopez



______________________________

Nakaraang blog:MAGPASALAMAT SA PANGINOONG JESU-CRISTO

No comments:

Post a Comment

Featured Post

NAGMAMALASAKIT SA IYO

        Ipagkatiwala ninyo sa kanya ang inyong mga alalahanin sa buhay sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.. 1 Pedro 5:7   Pasakop tayo ...