Search This Blog

Monday, January 25, 2021

MAGING MATIYAGA SA PAGHIHINTAY

 BASAHIN: 2 Pedro 3:14-18 

Ang Diyos ay mapagbiyaya. Palagian Siyang nagbibigay pangalawang pagkakataon (second chance). Ang katotohanan ng muling pagparito ng Panginoong Jesus ay hindi lamang nakatuon sa pagpaparusa sa masasama, kundi sa katotohanang ito ang Mapalad na Pag-asa nating mga mananampalataya. Ang matiyagang paghihintay ay napakahalaga.”

 


Ang sulat ni Apostol Pedro ay deretsahang mga babala at pagpapaalaala sa mga Cristiano sa kanyang panahon. Sa Araw ng Panginoon, ang pagbabalik ng Panginoong Jesus, tiniyak niya ang paghuhukom at pagpaparusa sa masasama. Itinuro niya ang maraming mga pamamaraan sa pamumuhay ng mga mananampataya lalo na sa mga magaganap sa mga huling araw. Sa pagwawakas ng ikalawang sulat niya, nagbigay siya ng mga huling paalaala sa pamumuhay ng mga mananampalataya habang naghihintay sa Araw ng Panginoon.

MAMUHAY NANG MAPAYAPA (t. 14). Tayo ay naghihintay sa Mapalad na Pag-asa ng mga mananampalatayang Cristiano – ang pagbabalik ng Panginoong Jesus. Sabi ng isang quotation, “Gumawa ka na para bang malapit na Siyang bumalik, pero gumawa ka rin na para bang matagal pa ang Kanyang pagbabalik.” Hindi natin alam ang eksaktong araw, pero tiyak tayong magaganap. Kaya ang paalaala, “sikapin ninyong kayo'y madatnang namumuhay nang mapayapa, walang dungis at walang kapintasan.” Hindi namumuhay sa kasalanan. Nagsisikap sa kabanalan. At ang buhay ay may kapayapaan sa mga tao sa kapaligiran.

MANINDIGAN SA ARAL NA TAMA. (t. 15-16). Isa sa mga maisasagot natin kung bakit hindi pa dumarating ang Panginoong Jesus, nagtitimpi Siya upang bigyan pa ng pagkakataong magsisi sa kasalanan ang mga tao nang sa gayon ay maligtas (t. 15). Ganoon kadakila ang pagpapasensiya ng Diyos! Ang sulat ni Apostol Pedro ay nagpapaalaalang sila ay magpatuloy sa paninindigan sa tamang aral. Ang mga huwad na guro ay nagtuturo ng maling aral sa layuning hikayatin silang tumalikod sa pananampalataya. Nagbibigay naman ng maling kahulugan sa aral ng mga Apostol, tulad ni Pablo, ang mga mangmang at magugulo ang pag-iisip (ignorant and  unstable).

MAGPATULOY SA LUMALAGONG PAGKAKILALA (t. 17-18). Sapagkat marami ang mga taong nagsisikap na iligaw ang mga mananampalatayang nagkalat sa iba’t ibang bayan ng Asia Minor, pinag-iingat sila ni Apostol Pedro sa mga aral ng mga ito. Ang paraan upang hindi sila matangay at mahikayat nang mga ito ay ang patuloy na paglago sa kagandahang-loob ng Panginoong Jesu-Cristo, at sa pagkakilala sa kanya. Habang naghihintay sila sa pagbabalik ng Panginoong Jesus, magpapatuloy ang pag-aaral ng Salita ng Diyos, ang mga pagtitipong banal, ang panalanginan, at lahat ng mga gawaing magpapalago at magpapalalim ng kanilang pagkakilala sa Panginoong Jesus. Sa gayon, hindi sila matitinag sa pananampalataya. Ang pagluwalhati ay sa Panginoon.

  

Tiyak ang pagbabalik ng Panginoong Jesus! Ang magagawa natin ngayon ay maghanda sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng mga aral ng Banal na Kasulatan. Ibahagi natin sa iba ang Magandang Balita. Akayin sila sa paglapit sa Panginoong Jesus at iwasang makagawa ng mga bagay na maglalayo sa kanila sa Diyos. Magpapatuloy tayo sa pag-aaral ng Biblia at sa pagdalo sa iba’t ibang gawain ng Iglesia. Sama-sama tayong maglalakbay sa IEMELIF Discipleship Journey. Sama-sama tayo sa pagtupad sa misyon ng Diyos. Maging alagad tayong gumagawa ng mga alagad. Habang tayo ay matiyagang naghihintay sa pagbabalik ng Panginoong Jesus.



Pastor Jhun Lopez



______________________________

Nakaraang blog: MAGING MASIKAP SA BUHAY NA BANAL

No comments:

Post a Comment

Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...