Search This Blog

Wednesday, January 20, 2021

MAGING MATUWID SA GITNA NG MASAMANG KAPALIGIRAN

 BASAHIN: 2 Pedro 2:4-11

No compromise! Ibinibilang tayong matuwid dahil sa ating pananamapalataya. Hindi dapat natatangay ng masama ang pananampalataya natin. Pero sa dami ng kasamaan sa ating paligid, malaking challenge sa bawat Cristiano ang mamuhay nang matuwid. Kahit pa sabihing alam ng karamihan, kung hindi man lahat, na may kaparusahan ang kasamaan, nagpapatuloy pa rin sa buhay na masama. Pinipili pa rin ang alam niyang mali sa kabila ng masamang ibubunga nito sa buhay.”


Babala, paalaala at pangako. Ito ang nilalaman ng ikalawang sulat ni Apostol Pedro na may layuning paalalahanan ang mga mananampalatayang nagkalat sa iba’t ibang dako. Sa gayon, sila ay maging masigasig sa paglilingkod, matatag sa katotohanan at mapanuri sa mga katuruan.

Ang mga babala at mga paalaala ay ipinagpatuloy ni Apostol Pedro. Pinaalalahanan niya ang mga mananampalataya sa iba’t ibang lugar na panatiliin ang matuwid na buhay sa gitna ng kasamaan. Sa kaalamang may pagpapala sa mga mananampalataya at parusa sa mga masasama, pagsikapan nilang mamuhay sa katuwiran ng Diyos.

Maging matuwid, MAY PARUSA SA MASAMA (t. 4-6; 9-10). Itinapon sa impiyerno ang mga anghel na nagkasala (t. 4). Ang pagkakagapos nila sa kadiliman ay pagtiyak na sila ay naghihintay na lamang ng kanilang parusa sa Araw ng Paghuhukom. Ginunaw ang daigdig sa pamamagitan ng baha dahil sa kasalanan ng mga tao (t. 5). Sa kabutihan ng Diyos, ang mahabang panahong ginawa ang daong ni Noe, ito rin ay mahabang pagkakataon para sila ay magsisi. Ibig sabihin lamang nito, walang nagsisi sa mga tao noon maliban sa pamilya ni Noe. Tinupok ng apoy ang Sodoma at Gomorra dahil sa kasamaan ng mga tao (t. 6). Nasaksahin ni Lot ang kasamaan at kahalayan ng mga tao noon. Tandaan, “paparusahan ang masasama hanggang sa araw na sila'y hatulan“ (t. 9), mga taong “sumusunod sa mahahalay na pagnanasa ng katawan at ayaw kumilala sa maykapangyarihan” (t. 10).

Maging matuwid, MAY NAKALAANG GANTIMPALA  (t. 5-11). Higit ang gantimpala ng mga matuwid kaysa masama. Huwag mangyaring tayo ay mainggit sa kanilang nararanasang ginhawa sa buhay. Anu-ano ang gantimpala ng pagiging matuwid? Una, gantimpala ng PAGLILIGTAS AT PAGPAPALA SA SAMBAHAYAN. Iniligtas ng Diyos si Noe dahil sa kanyang pangangaral ng katuwiran na palatandaang siya ay nasumpungang matuwid. Kaya naman, siya at ang sariling sambahayan ay naligtas. Ang pagpapala ng matuwid ay dumaloy sa kanyang tahanan. Ikalawa, PAGLILIGTAS AT GINHAWA NG KALOOBAN. Naging mahirap para kay Lot ang nasaksihang kahalayan ng mga tao. Sapagkat kung hindi siya magiging maingat sa takbo ng mundo noon, malamang ay nakompromiso na ang kanyang pananampalataya. Tandaan natin, “alam ng Panginoon kung paano ililigtas mula sa mga pagsubok ang mga tapat sa kanya” (t. 9).


May parusa ang kasalanan. Marahil, masagana ang ilan sa kanila, hindi man natin dapat ikatuwa, pero nalalaman nating may paglalagyan sila sa araw ng paghatol. Layuan na ang lahat ng uri ng kasamaan. May pagpapala sa mga taong masusumpungang matuwid – mga taong nabubuhay sa pananampalataya sa Diyos. Piliin natin ang maging tapat sa Panginoon. Hindi tayo susuko. Hindi tayo titigil! Hindi tayo tatalikod! Ang masigasig na paglilingkod ay bunga ng katatagan natin sa Salita ng Diyos. At kasabay ng pagsusuri natin sa mga katuruang nagkalat sa kapaligiran, ang hamon sa ati’y pnanatili sa pananampalataya. Maging matuwid sa kabila ng masamang paligid.


Pastor Jhun Lopez



________________________

Nakaraang blog: MAGING MAPANURI SA MGA KATURUAN

No comments:

Post a Comment

Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...