BASAHIN: 2 Pedro 2:12-19
“Bawal judgmental!
Isa ito sa mga nauusong TV contests
ngayon na ang player ay kailangang
pumili ng mga tamang tao ayon sa ibinigay ng tanong. Ang hitsura ang basehan
kaya hanggang ngayon ay wala pang nakaka-perfect
score. Ang panlabas na anyo ay nakapanlilinlang. At kung hindi tayo
magiging maingat, malamang nadaya na tayo, hindi pa natin nalalaman. Ang
talatang pagbubulay-bulayan natin ngayon ay straightforward
exposure ng mga taong mapanlinlang.”
Babala!
“Bawal tumawid, Nakamamatay!” Marami
tayong nakikitang warning sign sa kalsada, subalit patuloy ang ilan sa pagsuway
dito. Ang Biblia ay punung-puno ng mga babala, subalit may mga taong ayaw pa
ring maniwala sa itinuturo nito. Ang mga talatang pinagbubulay-bulayan natin
ngayon ay matinding babala ni Apostol Pedro sa mga sinusulatan niya – ang mga
mananampalatayang nagkalat sa iba’t ibang bayan ng Asia Minor. Ang babala ay
hindi na sa mga tao sa labas ng iglesia kundi sa mga taong nakapasok sa loob na
ang layunin ay manlinlang. Kaya, kung ang paraan ng pagkakasulat ay diretsahang
pagsasabi ng kanilang katangian, ito ay hindi para sila ay i-judge o husgahan, kundi upang ilantad
ang ginagawa nilang panlilinlang.
Mga Mapanlinlang, ANG KANILANG KATANGIAN (basahin
ang t. 12-14). Mapandaya ang ginagawa nila. Parang mga hayop
na walang isip, ang mga kilos ay ayon sa kanilang ‘animal instinct.’ Walang basehan at hindi naaayon sa tamang
pangangatwiran. Sa halip na makagaan ay nagududulot ng kaguluhan at kabigatan
ng kalooban. Mapandaya ang kanilang pagnanasa. Ang kahalayan ay nakatago sa
salitang “kasiyahan.” Kaya kahit nakakahiya at nakasisira ng puri, bunga ng
panlilinlang, basta masaya sila ay nakapapasok sa iglesia. Mapandaya ang
hitsura nila. Ang mga mahihina at nagsisimula pa lamang sa pananampalataya ang
kanilang target. Sa kanilang
kasakiman, gagawin nila ang lahat, makuha lamang ang pinagnanasaang tao o
bagay.
Mga Mapanlinlang, ANG KANILANG ISIPAN (basahin
ang t. 15-17). Lumihis sila. Iniwan nila at inabandona ang matuwid na
landas kaya’t ang mga gawa nila ay nawalang kabuluhan. Itinulad sila kay Balaam
na nagpabayad sa paggawa ng masama, hindi niya nakita ang kilos ng Diyos,
kaya’t pinagsalita ng Diyos ang asno para siya ay sawayin. Ang mga mapanlinlang
ay bulag sa katotohanan kaya’t umaakay sila patungo sa pagkahulog sa bangin. Para
silang batis na walang tubig at ulap na itinataboy ng malakas na hangin. Walang
saysay. Walang kabuluhan. Pawang kalaliman at kadiliman ang kanilang
patutunguhan.
Mga Mapanlinlang, ANG KANILANG PANANALITA (basahin
ang t. 18-19). Mayayabang na pananalita, puro hangin ang dala. Mga salitang
nagbubuhat ng sariling upuan at nagtataguyod ng kanyang kaharian. Walang saysay
at walang kabuluhan. Gumagamit sila ng mga salitang mapang-akit upang maidamay
ang iba sa liko nilang gawain. Sila ay alipin subalit nangangako ng kalayaan.
Kaya’t may nahihikayat at naaakit sila patungo sa pagsunod sa kanilang
panlilinlang.
Marami
ang fake. Pati sa tao ay may fake. Sa ating paligid ay maraming fake at minsan, nakapasok na church ay hindi natin namamalayan. Ang
paraan nila ay panlilinlang. Mapandaya ang katangian. Mapandaya ang sinasabi ng
isipan. Mapandaya ang pananalita. Kaya dapat lang na sa pamilya natin, tayo ay
maging kaalaman sa mga taong ang layuin ay manlinlang.
Pastor Jhun Lopez
_____________________________
Nakaraang blog: MAGING MATUWID SA GITNA NG MASAMANG KAPALIGIRAN
No comments:
Post a Comment