Search This Blog

Tuesday, January 19, 2021

MAGING MAPANURI SA MGA KATURUAN

 BASAHIN: 2 Pedro 2:1-3

“Kung may fake news, may fake newscaster. Maling balita mula sa maling tagapagbalita. Gayundin naman, kung may false doctrine, hindi natin maitatanggi, sa panahon natin ay nagkalat ang mga false teachers. Kaya kung hindi tayo mag-iingat, ang masigasig na paglilingkod at katatagan natin sa katotohanan ay maaakit ng mga huwad na guro, papalayo sa tamang aral ng Banal na Kasulatan. Kung paano natin ito matutukoy sa karamihan ay nangangailangan ng discernment mula sa Diyos – ang kakayahang matukoy ang tama at maling espiritu. Ang paglalantad ng mga gawain nila ay malinaw at agad nating makikita sa isinasaad ng Biblia.”


Ang layunin ni Apostol Pedro sa sulat na ito ay pagpapaalaala sa mga mananampalatayang nagkalat sa iba’t ibang bayan ng Asia Minor. Ang layuning ito ay magbubunga sa kanila ng masigasig na paglilingkod at pag-asa habang sila ay dumaranas ng mga struggles, conflicts and oppressions. Nagpaalaala siyang pag-ukulan nila ng pansin ang Banal na Kasulatan. Sapagkat ayon kay Apostol Pedro, kung noong panahon ng mga propeta ay may mga huwad na propeta (false prophets) sa bayang Israel, sa gitna naman nila ay may darating na mga huwad na guro (false teachers) (t. 1a). Nagbigay si Apostol Pedro ng babala sa pagdating ng mga huwad na guro sa pamamagitan ng pagtukoy ng mga katangian nila.

Huwad na guro, DULOT AY KAPAHAMAKAN (t. 1). Ang mga huwad na guro ay palihim na papasok sa sistema ng church. Hangga’t maaari’y hindi sila mamalayang nakahalubilo na sa gitna ng mga mananampalataya. Magugulat na lang ang lahat, nakapagdulot na sila ng kapahamakan. Isa sa kapahamakang dulot nila ay pagkakabaha-bahagi ng katawan. Dahil sekretong nakapasok, ang nakalulungkot, may makukumbinsi silang magtakwil ng pananampalataya sa Panginoong Jesus sa pamamagitan ng kanilang pagtuturo at mga gawa. Ang mga huwad na guro na nagdudulot ng kapahamakan, “di magtatagal at sila'y mapapahamak.”

Huwad na Guro, HUMIHIKAYAT SA KAHAYALAN (t. 2). Maraming mahihikayat. Likas sa mga huwad na guro ang kahalayan. Ang kanilang mga pananalita at kilos ay mga gawa ng laman at masasamang nasa. Kung ang tinutukoy na kalayaan ng isang Cristiano ay kalayaan sa kasalanan at kalayaang sumunod kay Cristo, sa kanila, ito ay kalayaang gumawa ng anumang bagay basta’t ito ay nakapagpapasaya sa isang tao. Isa ito sa mga ginagamit nilang pandaraya upang lapastanganin ang daan ng katotohanan; ang Panginoong Jesus at ang Banal na Kasulatan.

Huwad na Guro, MAPANLINLANG NA KASAKIMAN (t. 3). Ang kasakiman ay pagnanasang higit pa sa nararapat. Ito ay sobrang pagnanasa sa pera, masamang nasa sa isang tao at ambisyong tumanggap ng parangal at kapangyarihan. Ito ang motibo ng mga huwad na guro. Gagamit sila ng mga aral na kathang-isip lamang nila. Ito ay mga panlilinlang tulad ng “counterfeit tales, false narrations, pretended facts, lying miracles, fabulous legends” (Adam Clarke commentary). Lahat ng makasalanan, sa pasimula pa, ay may kaparusahan. Katulad ng bad seed na susunugin sa panahon ng anihan, gayundin ang mga huwad na guro. Ang Diyos na hahatol ay hindi natutulog.


Ang mga false teachers ay maaaring nasa tabi-tabi lang natin. Babala ito. Hindi dahil mukhang kay Cristo din naman ay maaari na nating sabihing tama ang sinasabi nito. Kailangan nating i-check ang mga katuruan nito ayon sa pamantayan ng tamang pagpapakuhulgan sa Banal na Kasulatan (Hermeneutics). Kapag ito ay gumagawa ng ikapapahamak natin, kapag ito ay nagsusulong ng “matuwid na imoralidad,” kapag ito ay nagdadala na sa atin sa kasakiman, umiwas na tayo at huwag bigyan ng pagkakataong makapasok sa ating buhay lalo na sa ating pamilya. Maging mapanuri tayo sa mga naririnig at napapanood nating katuruan.


Pastor Jhun Lopez



__________________________________

Nakaraang blog: MAGING MATATAG SA KATOTOHANAN

No comments:

Post a Comment

Featured Post

MAKABULUHAN AT MAPAKINABANG NA BUHAY CRISTIANO

          Kung ang mga katangiang ito ay taglay ninyo at pinagyayaman, ang inyong pagkakilala sa Panginoong Jesu-Cristo ay hindi mawawalan n...